NAG-IISA
NALILIGAW
NALALAGLAG
sinulat ni Kamalayang Kalayaan
ginuhit ni Jaime Walter Martinez
Makulimlim pa ang paligid, habang naglalakad, maraming puno ang nakatayo, ibat-ibang halaman ang aking nakikita. Bulaklak na may sari-saring kulay, umaakit sa aking paningin.
Damo na kulay berde, winawagayway ng hangin para bang bumabati sa aking pagdating. Mga ibong nag-aawitan, lumilipad at naghahabulan, tulad ng mga bata na walang kamuwang muwang.
Mga kulisap na naglalakbay na walang kapaguran, lumilipad, lumalakad at dumadapo. Daloy ng batis na walang katapusan ang pag-agos, agos na iisa lang ang pupuntahan at babalikan.
Ang bundok na kapansin pansin sa aking paningin, parang kay lapit at madaling abutin.
Lahat ng ito ngayon ay kasama ko sa aking paglalakad, tinitingnan, hinahawakan at dinadama ang bawat ganda nila.
Patuloy ang aking paglakad, para makita ng malapitan ang handog sa akin ng aking may-likha. Isang paligid na walang kasing tulad, at hindi na mapapalitan, dapat mahalin at pag-ingatan gaya ng isang nilalang na napakahalaga sa akin, siya ay tinanim sa aking dibdib at isipan upang tumubo at yumabong.
Sumapit ako sa isang batis, umupo sa gilid, pinagmasdan ang tuloy tuloy na pag-agos niya, buhay ang binibigay niya, na mahalaga sa akin at sa aking paligid. Kapag napapagod uhaw ko ay kanyang pinapatid. Gaya rin nang hayop at halaman ito sa kanila ay mahalaga rin. Buhay ang ibinibigay niya, kaya dapat din natin siyang buhayin. Pahalagahan at hindi abusuhin.
Bakas sa mukha ko ang kasiyahan, kuntento sa aking nararamdaman. Kahit na maraming agam agam, ayokong agawin ito sa akin at mawala lamang ng walang kabuluhan.
Hindi man ganap ang kaligayahan, hindi ko papayagan mag-patalo sa aking kahinaan at kunin na lamang niya ang pinagkaka-ingatan.
Ako’y tumingin sa batis at duon mukha ko ay aking naaninag, kabaligtaran ang lumabas. Bakas ang pangamba at lungkot, at hindi kasiyahan. Hindi maintindihan kung ito’y gawa lang ng aking isipan o isang katotohanan.
Napansin ang nag-iisang puting bulaklak na malapit sa kinauupuan, pinagmasdan at ayaw ng lubayan.
Nag-iisang bulaklak na may kakaibang ganda, na ako lamang ang nakakaalam, nakakaramdam. Pang-unawa sa kanya tila ako’y nagkulang, pinipilit kong ito’y maliwanagan at hanapan ng kasagutan pero habang pinipilit hanapin, kaliwanagan lalo lang dumidilim. Siguro ito na lamang ay aking hayaan, at ang kaniyang pagbalik ay akin na lang aabangan. Tulad ng isang alon ng dagat, namaalam sa dalampasigan, kusang bumabalik din sa pinanggalingan. Aking idinampi sa kanya ang aking kamay at gusto kong sumigaw at ipagmalaki sa kapaligiran ang kahalagahan sa akin ng isang puting bulaklak.
Tumayo na ako at naghandang maglakad. Tuloy pa rin ang lakad, kahit hindi tiyak ang pupuntahan,
ang alam lang ay may kasiyahan na nararamdaman. Hindi man ganap, ang mahalaga sinunod ko ang totoo kong kalooban.
Lakad, Lakad, Lakad. Habang unti unti ng nagpapakita ang nagtatagong araw sa ulap. Handa na siyang magsabog ng init sa paligid at bigyan ng liwanag ang ikinubli ng kadiliman. Ito na ba aking hinihintay na liwanag? O isang liwanag na hindi galing sa araw na mag-sisilbing linaw sa puso’t isipan.
Ang init ng araw ay tumatagos na sa aking laman at mayroon nang lumalabas na pawis sa katawan. Init na umuubos sa lakas at nagbibigay ng kahinaan.
Napatigil ako sa aking paglalakad dala ng matinding init, sinusunog ang aking mga kalamnan. At sa sinag niya ako’y napatingin at sa liwanag na hindi kayang abutin ng aking mata, napapikit, napayuko, napaupo.
Nakita ko ang mga maliit na bato na parang mga tala na sumasalubong sa akin, sa aking madilim na mundo.
Liwanag ay gusto ko ng makita at bumalik sa mundong maliwanag. Dahan dahan kong tinataas ang aking ulo at handang idilat ang matang nasilaw, Handa ng bumalik sa liwanag na iniwan at ang kadiliman na hindi ko na babalikan.
Ako’y nagulat sa aking nakita, isang paligid na ibang iba. Tumingin ako sa kaliwa, tumingin ako sa kanan, sa harap at sa likuran. Hinanap ko ang puno, batis, halaman, hayop, kulisap at kabundukan. Sa isang kisap mata nawala silang lahat. Kasa kasama ko lang sila kanina, ngayon hindi ko na sila makita.
Pinikit ko muli ang aking mga mata, baka ako’y binibiro lang ng aking mapaglarong kaisipan. Umaasa ang kagandahan ay muli ko pang masisilayan.
Binukas ko ang aking nangangambang mata, at yun pa rin ang nakita. Isang paligid na kaylawak at walang laman. Naging isang disyerto na dati’y isang paraiso. Nasaan sila? Tanong ko sa sarili ko. Pinagmamasdan ang bagong mundong kinaroroonan, naguguluhan at kinakabahan.
Pag-iisa ang aking nararamdaman, takot ang aking kalaban. Tumayo para hanapin ang daan patungo sa aking pinanggalingan. Isip na litong lito, hindi ko alam, kung saan ko unang iyayapak ang paa ko. Sa hilaga ba o kanluran?, Sa timog ba o silangan?
Sinubukan ko ang isang daan, lumakad, ito ang ginawa kahit hindi tiyak sa aking pupuntahan.
Estranghero ako sa aking paligid, hindi alam kung mayroong pang babalikan.
Tila yata wala ng katapusan ang tinatahak kong landas, hindi na abot ng mata ang hangganan.
Tumakbo, tumakbo na ako, pinilit kong marating, kahit hindi tiyak ang aking pupuntahan.
Limitasyon, ako’y mayroon, damang dama ng katawan ko ang kapaguran, Paay ko’y bumibigay sa paglalakbay na tila walang katapusan. Sugat sa paa ay hindi na iniinda, hapdi niya ay hindi na mahalaga.
Panginginig ng laman at sa pagod na nararamdaman. Kaya ako’y bumigay sa nilalakaran.
Humimlay sa daan at ipahinga kahit saglit lang ang aking pagod na katawan.
Dama ko ang paghihina habang nakahiga. Mas dama ko ang pangungulila sa aking naiwan, inalala at aking binalikan, ginuhit ko na lang sa aking isipan ang pumanaw na kapaligiran.
Pinilit kong tumayo at para umpisahang maglakad. Kahit ang hapo ay umabot na sa sukdulan. Hindi pa rin susuko na hanapin ang daan, pabalik sa iniwang kagandahan.
Buhay may mapatid, kaluluwa ko’y hindi matatahimik, pag sa pinangalingan ko’y hindi ako makabalik.
Naglalakad ng dahan dahan. Damang dama ang kahinaan, tuloy pa rin ang paglalakad,
at sa matinding pagod hindi ko namalayan mayroon palang kapahamakan sa akin ay nag-aabang.
Pinipilit kong umakyat, kahit na hirap na hirap. Ayokong ito ang katapusan.
At sa mga kamay ko na nakasalalay ang aking kaligtasan. Pero hanggang saan ito makakayanan? Hindi pa ako handa na siya ay iwanan at magtapos na ganito lamang.
Subalit ako ay isang nilalang na may hangganan.
Ako’y ngayon ay nag-iisa at ang pag-asa ko’y mukhang nalulupig na.
*clap clap :))
salamat po….:-)
dito naman,lima’limang estrelyaz! ehe
salamat kaibigang kape….:-)
nice one 🙂