Si Tatang, Si Freddie, Si Tandang Senyong

Maikling Kuwento
Si TATANG, SI FREDDIE,
Si TANDANG SENYONG
AT IBA PANG MGA TAUHAN NG AKING KUWENTO
ni Ricardo Lee

1. A-beinte uno de Mayo, sa aking lupang tinubuan
Nagsimula ang ideya na sulatin ko ang kwentong ito noong 1967, apat na taon na ang nakararaan. Isang panahon iyong ang tingin ko sa pagsusulat ay isang indibidwal na akto. Isang bagay na ako lamang at ilang piling nilalang sa daigdig ang makagagawa. Nagsusulat kami sa isang makasining at matulaing paraang aabot sa isang pamantayang kami lamang ang nakaiintindi. Ang buong daigdig, ang lipunan noon, para sa akin, ay ang sarili ko lamang. Kaya ang pagsusulat ko noon ay ang paglalahad ng sarili.

Noon gabi ang buhay para sa akin. Kasama ng mga kapwa ko manunulat na sina Rol, Freddie at Bong, palilipasin ko ang mga magdamag sa isang tagong coffee shop sa Pasay sa paglulunoy sa pagkaawa sa sarili. Pag-aari ito ni Rol. Sa gitna ng coffee shop ay buong kapanglawang nakadukmo sa yakap-yakap na gitara ang isang hippie habang kinakanta ang kanyang dalit ng alyenasyon.

Kami naman nina Freddie, sa isang tasang kape ay ilalagay naming kasama ang, asukal ang aming mga hinanakit sa isang lipunang di makaunawa sa amin, sa isang daigdig na di namin maintindihan ang galaw, sa isang buhay na para sa amin ay walang pinaggalingan at walang patutunguhan.

Sapagkat pare-pareho kaming nagdaan sa isang buhay na wasak-wasak(magulong pamilya, amang lasenggo, tiyang masungit, at iba pang mga putahe sa isang magulong buhay), lumalangoy kami noon sa paniniwalang kami’y maraming nalalaman at nararamdaman kaysa sa karaniwang tao. Kaya nakapagsusulat kami. Kaya may karapatan kaming buhat sa malayo ay tingnan ang galaw ng buhay sa lipunan, saka buhat sa malayo din, nang di nakikisangkot, ay isulat namin ang karanasang ito ng lipunan, nang ayon sa aming mga indibidwal na buhay.

At kung mga magdamag na medyo mabait ang kunday ng halos mamatay nang kandila sa mesa, kapag wala pa ang paminsan-minsang bugso sa amin, ng pagnanasang basta na lamang umuwi at magkulong sa kuwarto at magbaril sa sarili, pinag-uusapan namin ang nag-iisang dahilan ng pagtitiyaga naming makiangkas sa buhay: ang pangarap naming makapagsulat ng isang obra maestra iyong yayanig sa daigdig iyong hahalukay sa pinakaibuturan ng dibdib ng tao.

Mag iisang taon na kaming pawang di nakapagsusulat, kung sa bagay, at ako nang mga araw na iyon ay wala nang nagagawa kundi basa-basahin nang paulit-ulit ang kahuli hulian kong kuwentong nasulat, sa takot na baka makahulagpos sa mga kamay ko ang kaalaman ko sa pagsusulat, at malulon ako ng pinagtatrabahuhan kong magasin. Sa drawer ng mesa ko sa munting apartment na inaarkila ko sa isang eskinita sa Sampaloc, ay nagkalat ang mga panimula ng mga kuwentong di ko na siguro matatapos, at mga pangunahing tauhang di ko na siguro mabibigyang buhay, isang paring di ko pa malaman kung ano ang ibibigay kong kahapon, isang boksingerong wala pang laban, isang magsasakang di pa napapatay sa Maliwalu, isang bisayang utusang di pa napaglalalangan ng buhay lungsod, isang putang wala pang bugaw. Di pa sila makagalaw at siguro di na makagagalaw pa.

Hanggang isang gabing mabait na naman ang kunday ng kandila sa mesa, noong beinte uno ng Mayo ng 1967. Medyo lango sa isang dosenang beer na iniwan namin ang coffee shop, upang salubungin ang madaling araw sa mga kalsada ng Pasay. Huwag kang aalis diyan, baby ha, huwag kang sisibat, ani Freddie sa pinto ng coffee shop nang paalis na kami. Mestisong Kastila si Freddie, at pinalayaw ng asenderong ama, kaya mahina ang loob. Kaya nakaririnig pa lang kami ng isang putok sa may isang gasolinahan sa Pasay ay nagsimula nang manginig, mamutla, magyayang uwuwi na kami, sige na naman mga bok, o, halika na kayo.

Sinusundan namin ang agos ng mga taong nagtatakbuhan habang hila hila namin si Freddie. Nakita namin ang isang pangkat ng matatanda at ilang kabataang nakarayadilyo, may wasiwas na mga bolo sa hangin at nagsisigawang tumatakbo padaluhong sa isang pangkat naman ng mga PC na walang puknat ang pagpapaputok ng mga karbin at armalayt.

Napakapit sa akin si Freddie, at narinig ko ang garalgal at nagmamakaawang pabulong niya huwag, huwag, huwag. Nag-aatrasan na noon ang mga nakarayadilyong matatanda, natarantanta na’t nagkakapatung patong halos sa pagkakadapa sa batuhang kalsada, pero patuloy pa ring pinapuputukan ng mga PC, pawasiwas ang asinta ng baril. Isang bus na punung-puno ng mga babae at bata at ilang nakarayadilyo pa ring matatanda ang dumating, sandaling huminto, ngunit nang makita ang nangyayari ay hintakot na umusad ding palayo. Pero isang matandang sakay nito ang nakababa na, at sa kalituhan ay napatakbo sa direksyon ng mga PC at nagkikisay na napahumindig sa gitna ng kalsada, saka nalugmok ang mukha sa sumabog na dala dalang bayong bigas.

Ang lahat, para sa amin ay isang nakabibiglang panoorin lalo na kay Freddie isang banyagang arawang biglang pumasok at gumambala sa aming kamalayan. Kaya kahit nang nakasiksik na kami sa dingding ng isang tindahang turu turo, na dali daling nagsara noon ay di pa rin namin lubusang masakyan kung ano talaga ang nangyari. Parang isa sa mga tula mo, Freddie, sasabihin ni Bong kapag malayu layo na kami, nambubuntal at nakabibigla pero di naman maintindihan.

Nahihilo si Freddie’t anyong magsusuka na, kaya bumalik kami, nakiusap sa coffee shop na tanggapin kaming muli. Sa loob habang bubuntu-buntung hininga na lamang na nakamata si Freddie sa sulok, pinalipas muna namin ang mahabang sandali ng katahimikan bago namin tinangkang lagumin ang mga pangyayari nang madaling-araw na iyon. Ano nga ba ang nangyari? Tanong ni Bong Watak-watak pa ang mga larawan. Mga bangkay na nakalublob sa duguang kanal. Parang mga tipaklong na haging ng baril sa aspalto. Karbin ng mga PC na nakaumang pa rin sa di na gumagalaw na mga bangkay. Ilang matatandang babaeng nagngunguynguyan sa gilid ng isang dyip. Isang nanlilitid na matandang lalaking tiklop ang sombrero sa dibdib habang nanggagalaiti sa pagsigaw ng putang ina n’yo putang ina n’yo sa mga PC na tumitisod patihaya sa ilang nakataob na bangkay. Isang matandang mag-ootsenta anyos na yata na kinakaladkad ng mga PC pababa ng isang hagdan. Mga taong nakamata lamang sa bangketa. Mga usap usapan.

“Nagnonobena daw sila kanina dahil kabilugan ng buwan.”

“Karbin at armalayt.”

“Saka lulusubin daw nila ang Malakanyang.”

“Lapiang Malaya.”

Pinasusuko daw nila si Marcos.”

“Tatang de los Santos.”

“Pustahan tayo, “ani Rol, sa lasing na tinig.

“Magkita-kita tayo sa isang taon dito, a-beinte uno de Mayo din. Kung sino ang makagagawa ng isang magandang kwento tungkol sa nangyari kanina ay paiinumin ko ng beer, libreng beer, hanggang madaling araw, okey?”

“Mahirap,” reklamo ni Bong. “Santaon na ‘kong di nakaaamoy ng peryodiko.”

“Sabagay,” patianod ni Rol.

“Pero kaya nga pustahan e, mahirap,” sambot ko naman

“kung gayo’y payag ka?” waring gusto na rin umatras ni Rol

Tumango ako

“Ayoko ng topic,” ani Freddie, na mukhang masusuka na naman “iba na lang”

Hanggang noon, ang nasusulat pa lamang ni Freddie ay walong kuwentong ang mga pangunahing tauhan ay pawang mga batang lilimahing taong gulang, na parang matatanda na kung kumilos, malulungkot at di tumatawa, tiwalag sa mga kapwa bata. Namatay ang ina ni Freddie noong limang taong gulang pa lamang siya, at mulang pagkabata’y ikinulong siya ng ama sa kanilang asyenda sa pampangga hanggang lumaki siya at magkalakas ng loob lumayas. Nagkikita na lamang silang mag-ama, walang kibuan, kung humihingi siya rito ng linggu-linggong allowance. Pangarap niyang magkatrabaho, kahit ubod siya ng tamad, para matupad ang lagi niyang minimithing pag-aampon ng isang bata.

Bago natapos ang gabi ay napatianod na rin sa pagsangayon sa pustahan sina Freddie. Sa lamlam ng kandila ay biglang bumalatay sa aming mga isipan ang konting pangamba, at nagkatinginan kaming apat. Paano kung sa isang taong pagtigil naming sumulat ay bigla naming matuklasang di na pala talaga kami makapagsusulat pa? Tatawa ka marahil, pero noon, unawain mo, ang buhay namin ay umiikot lamang sa ilang boteng beer, isang makinilyang kung kaninong kaibigan nahiram, ilang tula at kuwentong mga buwan binibilang bago namin matapos dahilan sa masusing pagsusuri sa bawat salita at tuldok, at isang maliit na kandilang aandap andap sa lamig at dilim ng coffee shop, na sa munting hihip ng hangin ay maaaring mamatay.

2. HUNYO DOSE, ARAW NG MGA BALIW.

“Nabubuhay sila sa tanglaw ng isang kandilang aandad-andap, na sa munting hihip lang ng hangin ay maaaring mamatay”

Matapos ang nakahihilong pagkakasunod-sunod ng pagpunta ko sa headquarters ng Lapiang Malaya sa Pasay sa National Mental Hospital na pinagkulungan sa maraming kasapi ng Lapiang Malaya dahil nga baliw daw ang mga ito ayon sa gobyernong pinaghimagsikan nito, pag-interbyu ko sa kanilang Supremo na si Tatang de los Santos, pakikinobena ko sa mga tauhan niya’t pakikipagtalakayan, matapos ang lahat ng ito’y nalunod ako sa mga konkretong detalye ng mga tunay na pangyayari sa kapaligiran. At ako, akong nahirang magsulat nang batay lamang sa imahinasyon, ay sandaling nawalan ng panimbang, di malaman kung paanong susulatin ang buhay ng isang tunay na tao. Ano meron si Tatang at nagawa niyang pasugurin ang ilang daang matatandang walang dala kundi bolo sa mga karbin at armalayt ng PC?

Pinuntahan ko siya sa Mental Hospital isang araw. Sa Pavilion 4. Nang dalhin siya roon kinaumagahan noong ng pagpaslang sa mga tauhan niya ay tumutol siya, nanlaban sa mga PC at nars, ba’t n’yo ako ikukulong, anong akala n’yo sa ‘kin, luku-luko? Basta ba tumututol sa palakad ng gobyernong ito ay luku-luko at dapat ikulong?
Mababa lamang si Tatang. Balingkinitan ang pangangatawan bagamat siksik sa laman at lakas ang bisig boksingerong kahit sa gulang na otsenta anyos ay makapagpapailanlang pa rin ng isang PC sa isang bigwas lamang. Pero medyo mahiyain siya isang palatandaan, na ang mga estudyanteng di malaunan ay ininterbyu ko rin, ng panggagaling ni Tatang sa isa sa pinakamatitibay na base ng piyudalismo sa Pilipinas. Pero galing din ako sa Bikol, at ang impormasyong ito ay saglit ko munang pinag alinlanganan.

Matagal bago ko naamin na ano nga ba ang nalalaman ko sa buhay sa bukid doon, samantalang sa kabayanan ako lumaki? Talamak nga ba ang pang-aapi sa amin? Ang tanging nalalaman ko lamang noon ay ang mga larawang lagi kong nakikita sa mahigit na labinlimang taong ginugol ko sa pagbabantay sa tindahan ng alak ng tiya kong umampon sa akin, mga magsasaka at mangingisda at drayber at kanto boy na wala nang ginagawa kundi almusal tigreng beer gin coke sa umaga’t magbangayan naman sa gabi, saka aalis nang di nagbabayad kaya ako ang pagagalitan ng tiya ko.
“Karamihan ng kasapi namin,” ani Tatang nang kausapin ko siya sa mental hospital, “hanggang ngayon, ay mga magsasakang galing pa sa Bikol. Napakalakas ng relihiyon doon, di ba?
Tumango uli ako. Ang naaalala kong larawan ay noong bata pa ako sa mga tulay ng Daet, kapag pasyon na’t kumakalembang na ang kampana lahat ng tao, pati ako, kahit mga sasakyan umaandar man, ay tumitigil para sa sandaling panalangin.

Nag-aaral ka pa ba?

Umiling ako. “Proofreader ho ako sa isang magasin.”

E ano naman ang kailangan mo sa akin?

Me sinusulat ho akong kuwento.”

hindi noon, kundi sa sumusunod pang mga araw ng walang sawa pagbalik-balik kay Tatang sa mental hospital, nagsimula ang walang tigil niyang pagamin sa kanyang naging napakalaking pagkakamaling natutuhan niya sa Lapiang Malaya’t sa pagkakakulong niya. Paulit ulit sa loob ng maraming araw ay pipilitin niyang maintindihan ko, na, hindi lang pala sapat ang gutom upang mag-alsa at tumutol sa pangaapi ng kasalukuyang sistema, kailangan din ng kapangyarihan sa dulo ng baril at itak unti unting mawawala sa mukha niya ang dating amo at ang hahalili’y ang determinasyon ng isang nakaunawa na.

Noon daw niya unang naisip, ano na nga ba ang turo niya sa kanyang mga kasamahang dumayo mulang kabikulan upang idaing ang kahungkagan ng kanilang mga sikmura’t isipan, ano nga ba? Wala, lang, wala kundi pagmamahal, pagmamahal lang sa kapwa’t pagsamba sa Diyos. Saka mga pamahiin. Dapat, aniya, na sana’y nakiisa ang Lapiang Malaya sa mas malaki pang kilusan noon ng manggagawa’t magsasaka, dapat sanay nakaigpaw pa ang pang unawa nila sa kalagayan ng bansa mula sa isang akala nila’y mesiyas na kagaya ni Tatang, hilot at tagagawa ng mga anting-anting, tagabigay ng tinapay at tagaalo kapag nagdadalamhati sila.

Pero ano ang magagawa ko noon? daing ni Tatang. Ang nalalaman ko lamang ay araw-gabing nagtitinda ng bangos ang asawa ko sa palengke at sinalubong ng mga sundalo ng gobyerno ang mga tauhan kong walang dala-dala kundi bolo at anting anting. At mga hungkag na sikmura.

Isinalaysay niya na isang gabi’y naalimpungatan siya’t nagising, nang maalala niyang nakalimutan niya ang tuwing hatinggabi’y ginagawang pagdarasal kaya bumangon siya. Sa ngalan ng Deyos Ama, Deyos Ena, Deyos Espiritu Santong Wagas…saka napalunok siya, anong nangyayari sa kanya, nakalimutan niya ang sariling dasal na itinuro sa mga kasamahan.

Deyos Espiritung Wagas…Deyos..Deyos Omnipotente? Nahiga siyang muli, pinilit na huwag mabalisa. Makapagdasal muli. Pero natagpuan na lamang niya ang sariling nakasandig ang ulo sa dingding, nakamata na lamang sa pagdaraan ng mga alaala ng mga nakaraang pagkakamali sa buhay niya. Noong bata pa siya’t sa panahon ng rebolusyon ay isang magdaragat ang ama niyang napatay nang di kinukusang mapasabak sa labanan. Noong ampunin siya ng isang pari pag-aralin sa seminaryo’t isang dapithapon ay pagpakitaan ni Hesukristo, nagtatanong sa kanya, nagtatanong sa kanya ba’t ka andito.

Valentin, nasa labas ang mga nagugutom at nangangailangan sila ng iyong tulong, ikaw, Valentin, ang pangalawang Mesiyas. Noong maghubad siya ng sutana at maging boksingerong at habang nakikipaglaban ay napaudlot, naisipang ba’t ba niya kinakaaway ang isang kapwa niya naghahanapbuhay, at di na makaganti sa walang tigil na kasusuntok ng kalabang habang ang asawa niya’y walang tigil pa rin sa umaga’t hapong pagtitinda ng bangos sa palengke. Noong sa paghahangad na makita kung sa papaanong paraan siya higit na makatutulong sa mga kababayan ay kumandidato siya sa pagkapangulo laban kay Carlos P. Garcia sa platapormang anti imperyalismong Aremikano.

At natalo siya. Noong anim na sa pitong anak niya ang sunod sunod na mangamatay anong salot ito, panaghoy ng asawa niya at isa isa niyang tanggaping parang tunay na mga anak ang parami nang paraming mga kababayang dumayo pa mulang probinsiya upang sa kanya’y magpahilot at magpagamot. O di kaya’y upang tingnan ang kanyang kamisetang di nilalaban dahil umano’y sa pamamagitan lamang nito niya nakakausap si Hesukristo. O di kaya’y upang makinig sa mga itinuturo niyang Lapiang Malaya.

Napakarami nila, doon na natutulog, sa labas ng kanilang bahay sa Pasay, sa mga bangketa, sa bunton ng mga dalang balutan ng damit, pagkatapos ng ilang gabing pagnonobena sa kabilugan ng buwan, mga matatanda karamihan, iyong mga di na makaugaod sa kahirapan, mga magsasaka at mangingisda at manggagapas at sastre at panday at karpintero na ayon kay Tatang ay pawang di na nakatiis sa hirap ng buhay sa probinsiya, at dito sa lungsod ay naghanap ng mapapanganlungan, ng isang simpleng kaayusang maiintindihan nila’t tatanggap sa kanila. Lahat sila’y napapagod, at naroon si Tatang upang tanggapin sila.

Kinausap sila ni Tatang. At sapagkat sila’y pawang di nakalampas ng ikatlong grado sa elementarya, walang binanggit si Tatang kundi mga bagay na madaling maintindihan, na kagaya ng Diyos at palengke at kulog at kanin. Hanggang sa ang makita niya’y libu-libo, libu-libong buhat sa buong kapuluan ay papalapit sa kanya, napakukupkop.

“Ang nakita ko sa mga mukha nila, amang, e si Inang.”

“Ang ina n’yo?”

“Oo.”

Maamo raw ang mga mata ng kanyang ina. Makipot ang bibig. Di makasulat ng sariling pangalan at natataranta makakita lamang ng puti, pagkalalaki naman, pagkalalaki. Sa isang panahon ng kabataan ni Tatang ay tumakbo siyang payakap dito noon, nakakorto’t sabit ang schoolbag sa likuran, Inang, Inang, bagong lesson namin sa eskuwela, turo ng mga ‘Merkano, demokrasya raw ang bagay sa Pilipinas. Pero namilog lamang ang mga mata nito’t ngumiting walang naintindihan. Saka nagpatuloy sa panunulsi. Demokrasya, Nang, demokrasya raw, teka, isusulat ko. Pero pangiti-ngiti lang na ginusot ng ina ang buhok saka bumalik sa pagusulsi.

Kaya nang malaunan, nang itatag niya ang Lapian, sa mga mukha ng mga dukha’t matatandang probinsiyanong sumasapi’y may pagkasentimental na makikita niya ang ina. Dahil ang gusto niya noo’y isa lamang lipunang magtuturo sa kanyang ina at sa mga kagaya nito na magsulat ng sariling pangalan. Noong una’y nagtatanong pa siya sa mga sumasali sa lapian. Sino ang tinyente del baryo senyo, mabait ba siya? (Tinyente del baryo? sino ba yon?) Alam nyo ba kung anong katraiduran ang ginawa at ginagawa sa atin ng mga Amerikano?

Anong grado ba’ng natapos n’yo? (Three lang naman, Tatang kaya nga gusto kong makatapos ‘tong si Boy ko, ang bobo naman yung si Bebot nga ng kapitbahay namin, listo, onse anyos pa lang pero kung maka-ingles akala mo e anak ng Kano.) Anong palagay n’yo sa gobyerno ni Marcos? Pero di malaunan ay tumigil ni di nakaaamoy ng peryodiko’t nagsakripisyo ngayong bumiyahe’t gumasta makarinig lang ng isang klase ng pangarap na simple at di masyadong komplikado’t maiitindihan nila pagkain para sa lahat.

At ang mga simpleng taong ito, ang mga gutom at mapamahiing taong ito, ang isang madaling araw matapos magnobena, ay pinagbabaril ng mga PC, hindi, hindi, hindi kami tatablan ng bala, sabi sa amin ni Tatang ay anting-anting daw ang dala namin. Kaya walang nagawa ang mga ito kundi ang magkikisay na lamang gilid ng mga bangketa’t malugmok sa dugo ng kapwa kasaping nakatimbuwang na rin sa kanal, hawak-hawak pa rin ang umano’y anting anting na binasbasan ni Tatang. Sapagkat wala siyang itinuro sa mga ito kundi pagmamahal, pagpapakumbaba at pagmamahal sa kapwa. Saka saplot ng mga pamahiin.

At iyon, iyon ang kanyang naging napakalaking pagkakamali. Paano mo mababago ang isang sistema sa pamamagitan lamang ng bolo’t ng walang lamang sikmura? Paano mo pababagsakin ang isang gobyerno sa pamamagitan ng isang dasal?

3. Hulyo 4, flores para los muertos.
Dumating ang panahong isang hapon, nang maupo ako sa harap ng makinilya matapos magkulong sa kuwarto, ay natuklasan kong nagbabago na ang pananaw ko, di ko na mapanghawakan ang mga nakagawian kong paraan ng pagsusulat ni di ako makapagsulat ngayon.

Nalilitong napasugod ako sa coffee shop, at doon, kina Rol, inihanap ko ng kasagutan ang pagkalito.

“Sobra ka naman, Rico,” anila sa akin. “Kalimutan mo na ang kuwento iyan. Baka kung ano na ang tinuturo sa’yo ng Tatang na iyon.”

“At paano’ng pustahan?”

Pinipigil ni Rol ang mapabulalas ng tawa. “Di mo ba alam, matagal na naming napagpasiyahan ditong huwag nang ituloy ang pustahan. Hinanap ka namin pero lagi ka raw wala sa bahay ngayon, dinidibdib mo ata ang research mo sa Lapiang Malaya.”

“Interesado pa rin ako sa kuwento.”

“Di ituloy mo ang sinusulat mo,” ani Freddie.

“At ikaw? Magdadalawang taon ka nang walang naisusulat.”

“Mayroon ako ngayon. Tungkol ke Papa. Ipapabasa ko sa’yo pag natapos.

Matagal nang paulit-ulit na sinasabi ni Freddie na may sinusulat siyang kuwento tungkol sa Papa niyang asendero. Pero wala siyang matapus-tapos. Di na ako kumibo.

Naramdaman ko ang hininga ni Freddie sa kaliwang tainga ko. “Takbo tayo sa ilabas,” bulong niya.” Tumakbo tayo nang tumakbo sa kalsada hanggang sa makita nating sumikat ang araw.”

“Ano?”

Biglang umatras ang ulo ni Freddie, at nakita ko, nakaramdam agad siya ng hinanakit. “Wala,” aniya. Pero nagsuspetsa na ako. Depressed na naman kaya siya? Karaniwan na sa akin ang mga pabigla-biglang pasiya ni Freddie kapag sinusumpong siya ng di maintindihan kapanglawan, takbo tayo, pustahan tayo, sige na, suntukin mo ako, sige na naman o. At karaniwan na rin sa akin ang mga hatinggabing hahangos na lamang sa tirahan ko si Freddie, walang tigil ng hahahagod ng buhok sa noo, sinasabing nakaistorbo raw ba siya, napadaan lang naman siya, wala, talagang wala. At kapag pinilit mo’y biglang mapapabulalas ng hikbi, tulungan mo ako, Rico, tulungan mo ako, kanina’y takot na takot ako, akala ko’y di kita daratnan dito, tulungan mo ako.

“Kailangan mo ng tulong?” bulong ko kay Freddie.

“Nagbago ka na,” aniya. Saka niya ibinaling ang tingin sa baso ng beer.

“Sino ‘yong matandang nakita namin sa kuwarto mo?” tanong ni Rol.

Natawa ako. “A, si Tandang Senyong. Dati raw siyang tauhan ng Lapiang Malaya. Baka kako makatulong sa kuwento ko, kaya sa amin ko na muna pinatuloy.”

“Tandang Senyong?” Napakunut-noo si Tatang nang bumalik ako sa Mental.

“Oho. Me kasapi ba kayong ganoon?”

Umiling si Tatang.

“Kung sa bagay ho, di yun ang tunay niyang pangalan.”

Ikinuwento ko na tuloy kung paano ko natagpuan si Tandang Senyong. Kung paanong isang hapon sa laging pagpunta-punta ko sa mga lugar na malapit sa kinamatayan noon ng mga Lapiang Malaya sa Pasay ay nakita ko sa hagdan ng isang bahay doon, nakaupong siksik ang ulo sa tuhod, nanginginig sa di ko mawawaang takot sa kung anong di makita sa paligid, halos hubad ang katawang natatakpan lamang ng punit-punit na pantalon, magpipitumpo na marahil, si Tandang Senyong.

Ipinakilala siya sa akin ng isang kapitbahay doon. Natagpuan daw na umiyak sa bunton ng mga bangkay ng kasapi ng Lapiang Malaya noong madaling araw ng Mayo 21. Pero di naman malaman kung sino doon ang iniiyakan dahil ayaw magsalita kapag tinatanong, at palipat-lipat lang sa mga bangkay doon, lahat ay iniiyakan, hinahagod ang mukha. Muntik na tuloy mahuli ng mga PC kung di pa naitago ng isang kapitbahay.

Mula noon ay naging pangkaraniwang tanawin na siya sa lugar na iyon. Kung saan siya abutin ng tanghali’y doon pinakakain. Kung saan abutin ng gabi’y doon pinatutulog. Kung makakatulog nga siya. Dahil kung mga gabi’y wala naman siyang ginagawa kundi humikbi. Laging itinataghoy ang isang mahabang litanya ng mga pangalan. Mga pangalan ng kung sinu-sinung napatay sa kalsada noon. Igme, Juan, Miguel, putang gobyerno, Miguel, Jose, Anton, Igme….Ang mga tagaroon na ang nagbinyag sa kanya ng Tandang Senyong.

Nang hapong iyong makita ko siya’y naalala ko ang mga sinabi sa akin ni Tatang tungkol sa mga probinsiyanong kasapi ng Lapiang Malaya, at ipinasiya kong sa bahay ko na muna patuluyin si Tandang Senyong, baka makatulong pa sa mga materyal ng kuwento ko. Pero mula umaga hanggang gabi’y tahimik lang siyang mauupo sa isang sulok. Di kakain kung di mo hilahin, kain ho kayo, kahit lugaw, ang payat n’yo na. Di magbibihis kung di mo pilitin, sige na ho, bagong bili ko’to sa inyo, medyo masikip nga lang ho’ata. Di mahihiga kung di mo batakin buhat sa laging pagkakaupo sa sulok, kagat-kagat ang anting-anting niya na ang kapitbahay niya noon ay bigay daw sa kanya ni Tatang. Nawalan daw ito ng bisa nang paslangin sa Pasay ang mga kasamahan niya, at lagi niyang dala-dala ngayon dahil hinihintay niya ang panunumbalik ng bisa.

Kapag nagngunguyngoy na si Tandang Senyong kung gabi’y aaluin ko siya pero susukot lang siyang lalo sa dingding takot na takot sa kung anong di ko makita sa hangin, yakap-yakap ang sariling katawang patpatin na halos ay isang mahabang hibla na lamang ng buto at laman na may mga latay pa’t pilat ng tama ng latigong nakuha niya marahil sa pagiging isang magsasaka. Wala pa ring tigil sa katataghoy ng pangalan ng mga napatay sa Pasay noon.

Isang hapon ay dinala ko siya kay Tatang sa Mental Hospital. Nagtago siya sa likuran ko, naglalaway. Di niya nakilala si Tatang. Di rin siya nito kinilala. Inilapit ko siyang pilit dito at ipinaliwanag kong muli ang mga pangyayari noon, pero ako na rin ang napatigil sa pagsasalita, matagal lamang silang nagtinginan, walang imikan, talagang di magkakilala. At noon ako nainis kay Tandang Senyong, naisip na nalinlang niya ako. Kailanman di siya naging kasapi ng Lapiang Malaya.

At naisip kong mabuti pa siguro’y ipakulong ko na lang siya sa mental hospital. Doon naman talaga siya nababagay.

4. Hulyo 29, at kung magsusulat ka tungkol sa pangaapi’y kaninong panig ka?
Nang sabihin ko isang gabi kay Tandang Senyong na ibibigay ko na siya sa mental hospital, nang sabihin kong magkakasama sila roon ni Tatang, at nang ipakita ko sa kanya ang mga binalot kong damit niya, nagpakita siya ng reaksiyon sa kauna-unahang pagkakataon magmula nang kunin ko siya. Matigas siyang umiling-iling, tumitilapon ang uhog sa ilong at namimilog ang mga mata. Pinakakain ko siya ngunit ayaw. Pinatutulog ngunit bumangon din. At isang gabi, nang umuwi ako’y iniabot niya sa akin ang tsinelas ko, pinaupo niya ako sa sopa, at sa laki ng pagtataka ko’y nagsalita siya.

Ang isinalaysay niya’y ang buhay ng libong mga magsasakang katulad niya’y nagdumugan dito sa Maynila’t sumali sa lapian ni Tatang. Wala siyang matandaang tiyak na lugar, at tiyak na panahon, pero alam niya kung ilang magsasaka ang natagpuang patay sa isang kanal sa Kabikulan bilang reaksiyon ng asendero sa reklamo nilang panggagahasa ng anak nito sa isang taga baryo; alam niya kung ano ang kinain ng kanyang anak isang gabing di na ito nakatiis ng gutom at lumabas sa tumana; at kung ilang bangkay uli ang natagpuang nakatimbuwang sa talahiban nang magpulong upang magkaisa-isa ang mga magsasaka sa nayon at karatig nayon. Magdamag siyang nagsalita, walang tigil na hinahabi ang kasaysayan ng pagkaapi ng kanyang mga kababaryo na ang ibang di na makatiis ay lumuwas ng Maynila’t nang malamang masahol pa pala rito kaysa sa nayon ay sumapi sa Lapiang Malaya ni Tatang. Sapagkat matatanda silang di mapalagay at takot sa komplikadong galaw ng lipunang di nila maintindihan. At ilan sila sa mga tinuruan ni Tatang ng pagmamahal, ng pagmamahal sa kapwa’t ng pagpapakumbaba. Ng paglaban sa mga karbin at armalayt ng mga PC sa pamamagitan ng bolo’t pagdaing ng sikmurang gutom.

Habang nagsasalita si Tandang Senyong ay walang tigil naman ako ng kasusulat, kasusulat nang kasusulat sa lahat ng mga sinasabi niyang para sa akin ay mga karit at kamao at dugo at talahiban at masinggang magiging mga tauhan ng gagawin kong kwento.

Kaya’t di ko napigilan ang pagsilakbo ng galit ko isang gabi’y nang maratnan kong umiiyak na naman si Tandang Senyong, habang sa harapan niya’y nagkalat punit-punit na’t wala nang pag-asa pang mapagtagni-tagni, ang mga manuskrito kong sinulat tungkol sa karanasang ikinuwento niya at ang isinisigaw niya, nangangatal sa dalamhati, ay ang dating por Diyos por santo, Igme, Julian, Anton, Jose, putang gobyerno, Igme, Julian, Anton, Jose.

At sa gayo’y nakalimutan ko ang sarili ko at sinunggaban ko siya sa bisig, itinayong pilit ang napakagaan na katawan, hanggang sa mapalitan ng sindak ang mga gatla ng dalamhati sa mukha niya at mapanganga siyang naglalaway sa pagkabigla, napasukot na lalo sa dingding nang isalya ko siya rito, at walang tigil nang nag-iiyak nang hablutin ko sa pagkakasaklot niya ang anting anting niya.

At noon siya nanlaban. Buong tatag na inipon ang natitira pang lakas ng kanang mahigit na pitumpong taong katawang patpatin at nanlaban siya, nangalmot, nangagat, nanipa, nandaluhong na parang isang hayop upang mabawi ang kanyang anting-anting na itinataas naman ng kanang kamay ko sa hangin. Napuno ng uhog niya’t laway at luha ang akin katawan, nanghina na ako’t naisip kong ano bang kahangalan itong ginagawa ko sa matanda, pero kailanman ay di ko ibinaba ang kanan kong kamay, nakapag pasimula na ko sa pakikipaglaban sa kanya at di na ako maaari pang umurong.

Kaya nanatili akong walang naramdaman maging nang humihingal na habulin niya ang paghinga. Maging nang manginig na ang kanyang katawan sa suko sa langit na galit. Maging nang sa wakas ay parang asong uungul-ungol at pahagu-hagulgol na lamang na umurong siya palayo’t muling naupong nakasukot sa kanyang sulok.

Kinaumagahan noon, di ko na siya nakita pa. Sa sahig, lahat ng ibinigay kong damit at tsinelas at sipilyo at komiks ay iniwan niyang lahat, kung di punit-punit ay sira sirang nagkalat. Kasama ng mga ito’y ang mga pahina ng manuskrito kong pinagpasta-pasta ng mga butil ng kanin na pinagtiyagaan niya marahil, sa isang bugso ng pagsisisi, na maipantagni. Mali nga lang ang pagkakadikit-dikit ng mga pahina. Di marunong bumasa si Tandang Senyong at bali-baligtad ang lumabas ng mga letra’t salita.

Noon muling umahon sa dibdib ko ang dati-rati kong pagnanasang tumakas na naman sa lahat ng komplikadong bagay na ito, magkulong na lamang sa coffee shop kasama sina Rol at Bong at Freddie, magpatianod sa pagkaawang muli sa sarili’y malunod sa sariling luha, maghintay na tuluyang mamatay ang napakagandang kandila sa mesa. Pero napakarami ko nang natutunan kay Tatang at sa pakikisangkot ko sa mga materyal ko, at alam kong kailanman ay di na ako maaari pang lumakas na lang tumakas sa katotohanan.

Noon ko rin naunawaan kung bakit naging halos obsesyon ko na ang sulatin ang kuwento tungko sa Lapiang Malaya at kay Tatang sa Mental Hospital: ako at si Bong at si Rol at si Freddie at ang mga kasapi ng Lapiang Malaya at si Tatang at si Tandang Senyong, lahat kaming mga posibleng tauhan ng gagawin kong kuwento walang pinag-ibhan. Pare-pareho kami. Lahat kami ay pawang tumatakas sa lipunan, naduwag na lumaban sa isang mapang-aping sistema, pero sa pagtakas sa sistemang ito ay nakulong naman sa isa pang uri ng kulungan, tawagin mo man itong coffee shop o Lapiang Malaya o Mental Hospital.

Maguguluhan pa rin ako noon, kung sa bagay. Sa mesa ko’y nagkalat na ang unang mga pahina ng kuwento ko, pero bawat gabing maupo ako’y laging hanggang doon na lang. Di ko matapus-tapos ang kuwento ko. Natuklasan ko na habang nagsusulat ako’y nagbabago naman ang mga materyal ko. Ang Tatang na isinulat ko sa unang pahina’y di na ang Tatang na nakausap ko sa huli kong pagpunta sa Mental. At maging ako man, natuklasan kong simbilis ng pagtipa ko ng makinilya ang pagbabago ng pananaw ko’t paniniwala.

Ang dati kong pagnanasang sa isang kuwento’y makapaglahad ng isang talagang indibidwal na pangunahing tauhan, isang memorableng tauhang may mga naiibang katangiang di makakalimutan ng mga mambabasa, ay wala na ngayon, Imposible na nga ngayon. Sapagkat di ko na matingnan ngayon si Tatang bilang tauhan ko, o ang mga kasapi niyang pinaslang, o si Tandang Senyong, o si Freddie, nang di ko masilip ang kanilang mga ginagawa sa lipunan. Nang-aapi ba sila, o sila ang inaapi? Tumatakas ba sila o tinatakasan?

Pero mabuway ang mga unang hakbang sa pagpipilit makaunawa. May mga gabi rin namang malalamukos ko ang mga manuskrito kong di matapus-tapus, at magtatanong ako sa sarili, ano talaga rito ang tama, at ano talaga rito ang mali? Saka humahangos na darating sina Rol at Bong ibabalitang nakipag-away na naman daw sa kalsada si Freddie, iyong payatot na iyon, talung-talo na ng maton ay wala pa ring tigil ng kababangga ng patpating katawan sa mga kalaban, umiiyak na’y nakikipaglaban pa rin at lalo akong maguguluhan

5. Agosto 23, araw at buwan ng isang pugad-lawin.
Nang isang unyon ang itatag sa aming palimbagan ay bagu-bago pa lamang sa akin ang mga katagang kagaya ng collective bargaining o unfair labor practice, o scabs. Pero nakikita ko ang punto ng mga manggagawa nang sabihin nilang sa walong oras isang araw na paggamit nila ng mga mata sa tanglaw ng nangingitim nang bombilya, “sa pasahod na kulang pa sa minimum, ay waring unti-unti nang sinisipsip ang dugo’t laman nila ng makinang kanilang pinaaandar. Kaya sumali ako.

“De pawelga welga ka na pala ngayon” napapatawa si Rol

“Oo.”

“Kung anu ano pala’ng itinuturo sa’yo ni Tatang, ano?”

Di na ako kumibo.

Kung saan-saan napunta ang usapan, sa mga demonstrasyong dumadalas na noon, nangyayaring panggagahasa kay Maggie dela Riva, sa pagkatay kay Lucilla Lalu, sa mga mang-aawit ng banyagang Simon and Garfunkel na kinalolokohan ni Freddie, sa mabilis na pagtatapos ng taong 1967. “Ang bilis-bilis,” ani Freddie, na akala mo’y ang baso ang kinakausap, “alis nang alis ang mga araw, wala namang iniwan.”

Saka balik sa mga tanong nila sa akin, na akala mo’y isa akong kakatwang nilalang na napadpad sa coffee shop.

“Paano ako makapagsusulat tungkol sa mga pangyayari kung di naman ako makikisangkot doon,” pagtatanggol ko.

“Paano mong maisusulat ang isang bagay kung kasama ko rito at walang aesthetic distance?” ani Rol naman.

“At sinong magkakagustong magbasa tungkol sa mga luku-lukong gaya ni Tata Senyong at Tatang, o kaya e sa welga?” ani Bong naman.

“Sawang-sawa na ako sa mga pinagsusulat ko noon,” aniko mga dapithapon, mga inaagiw na mansyon, mga batang di lumalaki-laki. Gusto ko namang makapagsulat tungkol sa mga totoo nang nangyayari, hindi iyong mga kuwentong pampamilya lang.”

“At sinong me sabing ang mga kuwento ko e pampamilya lang? “galit kaagad si Freddie.

“Freddie, di puwedeng habang buhay e….

Tinalikuran niya ako.

Lalo akong naggugol ng panahon sa piket sa aming palimbagan. Ang dating panahong ibinababad ko lagi noon sa coffee shop ay nahati sa pakikipag-usap ko kay Tatang sa Mental Hospital, at sa pakikihalubilo ko sa mga manggagawa ng aming palimbagan. Saka kung mga gabing aalis sandali ako sa aming piket, nililibot ko ang mga kalyehon ng Pasay, dala-dala sa dibdib ay ang pagsisisi sa ginawa ko kay Tandang Senyong, at umaasa na muli ko siyang matatagpuang nakaupo sa isang hagdan doon, nakasiksik ang ulo sa dalawang tuhod, iniiyakan uli ang mga pinaslang sa kalsada ng Pasay.

Di na ako makapagsusulat pa muna. Di na makapagsusulat pa hanggang isang hapon, nang hangos akong pumanhik ng bahay nina Tatang sa Pasay at doon, sa sala nila, ay datnan ko ang pagkarami-raming mga nakaitim ng mga kasapi ng Lapiang Malaya, itim sa buong sala, itim sa lahat ng dingding, itim sa telang nakabalot sa kabaong. At itim, itim ang mga gatla at sugat at kalmot sa mukha ni Tatang na ang kamao, kahit kamatayan, ay nakakuyom pa rin sa pagtutol.

“Ipinabugbog si Tatang sa mental hospital, hanggang sa mamatay,” aniko kina Freddie sa coffee shop matapos ang aking pakikipaglamay.

“Bakit naman gagawin iyon ng gobyerno?” tanong ni Freddie.

“Sapagkat kagaya ng mga tauhan iyang pinaslang noong a-beinte uno ng Mayo sa tumututol din siya, tumututol pa rin siya sa sistema.”

“Di ka namin maintindihan,” umiling si Rol.

Sapagkat ayaw nyo akong intindihin. Ilang ulit na akong nagpapaliwanag sa inyo, pero mas gusto n’yo pang magbumabad dito sa coffee shop. Mahirap daw gisingin ang nagtutulug-tulugan.”

Naghihinanakit na sumandig si Rol sa dingding. “Nagbago ka na nga. Pati tono ng pagsasalita mo ngayon, ibang iba na rin. Ano bang ginagawa mong totohanan ba’t mo to ginagawa sa amin, Rico, Ba’t mo kami nilalayuan ngayon?”

“Di rin kita maintindihan, Rol, pero isang bagay ang naiintindihan ko na ngayon. At totoong may kinalaman dito sina Tatang at ang welga sa aming opisina. Sawang-sawa na ako sa walang nangyayaring magdamagan nating pagbubumabad dito sa iyong shop, nagbibilang ng mga bote ng beer, nagkukuwentuhan ng mga hinagpis, na paulit ulit lang naman, salita nang salita tungkol sa mga obra maestrang isusulat pero wala namang maibuga kundi pulos buntung-hininga. Gusto ko namang may magawa, may maitulong sa iba.”

Parang pagong na umusad ang mga sandali at nag-alumpihit ako sa upuan. Muling nagkuwento si Freddie, di na mapigilan, tungkol sa obra maestrang sinusulat niya, honest talaga, Rico meron, gusto ko kasing patunayan ke Papa na may mangyayari din naman sa akin kahit wala siya. Nakamata lang naman si Bong sa kisame at pinaiikut-ikot naman ni Rol ang daliri sa yelo sa baso ng beer. Saka bigla na lamang naramdaman kong nakayupyop na sa balikat ko si Freddie, ang iyaking si Freddie, humagulgol, niyuyugyog ang buong katawan. Gusto ko uling makapagsulat, brod, singhot niya, gusto ko uling makapagsulat.

Nang gabing iyon, apat na taon na ang nakalilipas, araw ng kamatayan ni Tatang, lumabas ako ng coffee shop na kasama si Freddie at di na kami bumalik pa 1967 at nagsimula ang lahat sa pagtalikod ko sa coffee shop. Kasama ang susuray-suray na si Freddie, na namumula na sa kalasingan at hihikbi-hikbi pa rin noong gabing iyon. Dinala ko siya sa amin. Pinahihiga ko siya sa kama noon, pero matigas ang ulong umiling-iling siya. Parang si Tandang Senyong. Pinaupo ko siya, pinunasan, kinuwentuhan nang kinuwentuhan.

Tungkol sa napakabait na si Tatang at sa ginawa niyang pagkupkop sa mga matatandang probinsiyanong kagaya ni Tandang Senyong. Tungkol sa aming bayan sa Bikol at sa mga relihiyosang manang nito. Tungkol sa pagkababait na mga kasamahang manggagawa sa welga kong di ko pa rin matapus tapus sa dami ng mga natutuklasan kong bagong kaalamang nais kong mailagay doon. Tungkol sa isang samahan ng mga progresibong manunulat na balak kong samahan para lalong makatulong ako sa pagbabago ng isang sistemang nang-api sa mga Tatang at Tandang Senyong at mga kapwa ko nagtatrabaho sa aming magasin.

Saka napatigil ako, nagsasalita si Freddie, paputol-putol, parang bata na nakalungayngay ang ulo sa balikat habang sumusubo ang bibig sa alak, kinukuwento na lumayas siya sa kanilang asyenda, at di na siya babalik pa. Nakaaway daw niya ang papa niya nang bugbugin nito sa harapan niya ang isang kasama. Bago nahambalos ng Papa niya ang matandang kasama’y nadaluhong na niya ang Papa niya, at naitulak. Humihingal ang matabang katawang napasadsad ito sa dingding. Tumilapon sa sahig ang kuwako. Saka di makapaniwalang napatingala na lamang sa anak.

“Di na ako uuwi pa sa amin,” ani Freddie.

Kinaumagahan noon, apat na taon na ang nakararaan, isinama ko siya sa aming welga, sa aming welga na maaring natalo nga, na kagaya ng kadalasang nangyayari, sapagkat lahat kami sa palimbagan ay pawang nagsisimula pa lamang matuto ng mga ganitong bagay, at ang management ay may mga katulong na pulitiko sa gobyerno’t napakadali sa kanila ang paghakot ng mga tauhang scabs na sumira sa aming welga. Pero ang mga natutuhan ko at ni Freddie sa ilang linggong pagwewelgang iyon, at maging ang mga natutuhan din ng mga kasama kong manggagawa doon, ang natutuhan namin sa isa’t isa ay di matutumbasan, naisip namim, ng ilan taon mang pagbabasa ng magasing iyon. Lalo na sa amin ni Freddie, na bilang manunulat ay noon pa lamang, 1967 at noon pa lamang, gumawa ng mga una naming mabubuway na paghakbang sa pagkamulat.

1967 noon at 1971 na ngayon. Sa pagitan ng mga taong umusad ay napakaraming pangyayari ang pumagitna, pero para sa akin, at kahit na kay Freddie, kailanman ay di natabunan ang alaala nina Tatang at ng unang larawan ng pang-aaping sinasagisag niya sa akin. Napakarami na rin naman ng mga kuwentong nasulat ko mula noon, at may mga gabi, kapag himbing ng himbing na si Freddie, sa pagkakaupo ko sa harap ng makinilya ay muling sisibasibin ako ng pagnanasang sana’y makita kong muli si Tandang Senyong, sana’y maakbayan ko siyang muli para maipaunawa ko sa kanyang nagsisisi na ako sa ginawa kong paggamit, at pagsasamantala, sa kanya noon, para maipaunawa rin sa kanyang alam ko na ngayong higit na mahalaga kaysa sa materyal ng kuwento’t sa pinunit na manuskrito ay ang tao, ang tao.

Kahapon, napagawi kami ni Freddie sa kalsada ng Pasay na kinapaslangan sa mga tauhan ni Tatang noon, upang muling salubungin ang madaling araw doon matapos ang pagsama ang pagsama namin sa isang overnight vigil sa Plaza Miranda para sa mga napatay na demonstrador. Napatigil kami sa harap ng coffee shop ni Rol. Nakasara na ito, at sa malas ay di na mabubuksan pa kailanman. Napakarami nang mga nakapakong playwud sa harapan, na kinasusulatan ng kung anu-anong malalaswang salita. Ilang linggo pa lamang ang nakalilipas nang mabalitaan naming ang may-ari nitong si Rol, ang aming si Rol, ay natagpuang patay, parang batang nakasukot, sa ilalim ng isang silya doon, umiinom sobrang sleeping tablets.

“Namatay na sila, si Rol at ang coffee shop,” aniko habang lumalakad kaming palayo.

“Namatay na ang magandang kandila sa mesa,” ani Freddie. “Ang subo ng beer ang mga gabing ayaw umalis, ang mga tulang umiiyak, wala na silang lahat. Kahit siguro si Bong wala na rin.”

“Pero naririto pa rin tayo,” aniko.

“At ang mga bagong akda natin,” nakatawang wika ni Freddie.

“At ang mga welga at piket.”

“At ang mga plakard at demonstrasyon.”

“At ang mga kasamahan nating naghihintay sa headquarters”.

“At ang simula ng pagkamulat.”

“Paalam,”ani Freddie, paalam sa lahat ng coffee shops sa buong mundo.” Saka parang komikong sumaludo pa siya.

At nagpatuloy kami ng paglalakad, pabalik sa aming mga kasamahan sa headquarters, apat na taon na sa pagkamulat at maaaring di na muling makakita ang Tatang at Tandang Senyong at ng gaya nilang mga tauhan ng aming kuwento – mga tauhan din ng aming pagkamulat – sa madaling araw ng beinte uno ng Mayo sa aming paglalakad sa mga kalsada ng Pasay pero panatag na ang aming loob, panatag na ang aming loob sa pagkaunawang nagsimula na, napakaganda’t nagsimula na, bilang mga manunulat, ang aming paglaya.

Notes:

Una kong nakilala si Ricky sa mga pahina ng Pilipino Free Press. Naasiwa ako sa kanyang pananagalog (noon ko lamang nasimulang mamalayan na ang wikang pambansa pa ay nagbabago na), na hindi lagi umaayon sa kinagawiang personal na gamit ko sa tagalog. Ang pagkaasiwang iyon ay madaling nahalinhan ng paghanga sa eksperimental na pagbubuo niya ng mga talata, na nagpahiwatig ng mapangahas na pagtatangkang hutukin ang lengguwahe ayon sa pangangailangan ng tema at karakter. Na epektibo ang kanyang eksperimento ay naging katunayang para sa akin, nang hindi ko namamalayan ay pinaluha ako ng kuwento ni dong sa Dapithapon ng isang Mesiyas.” Hinanap ko ang dahilan kung bakit ganoon ang naging tugon ko sa kuwento, at nagagap ko iyon sa mga pangungusap na hitik sa mga detalyeng habang nagpapalalim sa tema ay kumukurot sa damdamin at alaala.

Pinahanga rin ako ng istraktura ng mga kahulugang maingat na pinagsuson-suson. Narito, wika ko, ang isang manunulat na ayaw paawat, desididong mag-iwan ng sariling tatak sa maikling kuwento ng kanyang henerasyon.

Nang magkapulitika si Ricky, tinalikdan niya nang walang kaabog abog ang anyo ng kuwentong papaloob ang takbo. Upang mahatid nang buong linaw ang mennsaheng pampulitika, hinawan niya ang masilimuot na istraktura at ginawang payak ang retorika. Ang resulta. “Si Tatang, si Freddie, si Tandang Senyong at Iba Pang Tauhan ng Aking Kuwento.” Isa itong pagsusuri ng awtor sa kanyang sarili bilang manunulat at pagsusuri n a rin sa lipunang kanyang tinalikdan at muling binalikan. Sa “Si Tatang” pa man ay may mga palatandaan nang nasisikipan na si Ricky sa lipunan ng kanyang maikling kuwento.

Nakalaya si Ricky sa pahina nang pasukin niya ang pagsusulat para sa pelikula. Makailang beses nang nagbanta siyang lisanin ito, pero naroon pa rin siya’t nagtitiyaga sa mga assignment niya. Oo nga, mahirap humanap ng ikabubuhay sa ating panahon, pero sa palagay ko hindi hanapbuhay lamang ang pumipigil sa kanya. Naroroon ang “iba pang tauhan” ng kanyang maikling kuwento na magagawang buhayin lamang sa maluwag da daigdig ng Iskrip pampelikula. Para sa ibang kuwentista, ang susunod na hakbang ay tungo sa nobela. Iilang manunulat ang nagkakapalad tulad ni Ricky. Nakasumpong siya ng ibang daigdig at pinupuno pa niya iyon ng mga taong makasabay niya sa paglalakbay.

BIENVENIDO LUMBERA

Ang mga sumusunod ay isang diary entry ko noong 1971 matapos ang first draft ng “Si Tatang.”
Notes:

Ang unang kapansin-pansin siguro sa “Si Tatang” ay ang pangyayaring ang binigyang-diin ko dito ay ang maintindihan ito kaagad. Wala na ang malalabo at maliligoy na paraan ng pagsusulat ko noon. Di na baleng di malaman ng iba kung ito ay maikling kuwento nga o artikulo o talambuhay o reporting o documentary. Ang importante ay may mga sinasabi ako, at maintindihan it ng babasa.

Kaya wala na ring halaga sa akin kung wala sa kuwentong ito ang mga lumang katangian ng isang maikling kuwento na natutunan ko sa mga writing classes. Isang unified emotion, halimbawa o unified plot, o peculiar character na ang buhay lamang niya ang iniikutan ng kuwento. Sa “Si Tatang” ay napakaraming plot, na pawang di malaman lubusang binigyang-wakas. Hiwa-hiwalay at yugto-yugto pero makakakonekta ang mga pangyayari. Matapos ang bawat pangyayari ay ipinaliwanag at sinusuri ang kahulugan. Ibig sabihin, matapos ang isang kongkretong aksyon ay isang abstraksyon naman tungkol sa pangyayaring ito. Naipakikita ang praktika sa isang insidente, saka ang abstraksyon nito sa isang teorya.

Nagsasanib ang estilong kuwento at journalism. Ang kaibhan nga lang, ang writer sa journalism ay ginawang isang tauhan din sa kuwentong ito. Kaya habang sinasala niya ang mga pangyayari sa palibot niya para lalong maintindihan ito ng mambabasa, ay sinasala din siya’t sinusuri ng mambabasa.

Wala na rin sa “Si Tatang” ang dating baha-bahagdan ng mga pangyayari hanggang sa climax, at saka denouement. Ayaw ko na ng dating pagpupurga ng emosyon ng mambabasa. Di tuloy siya makapag-isip. Masisiyahan na siya at makakahinga pagkatapos ng kuwento. Tapos na pala. E ang totoo di pa naman tapos. Simula pa nga lang siguro.

Played down ang mga emosyonal na insidente sa kuwento. Paano makapag-iisip nang maayos ang mambabasa kung nalulunod siya sa emosyon? Kaya sa halip ng dating ending – binugbug si Tatang sa mental hospital at namatay – pinasadahan lang nang konti ang pagkakabugbog at napunta lahat sa isang rasyonal at parang artikulong pagsusuri sa resulta ng pagbubugbog.

Pero naririto pa rin ang dating kaisahan ng mensahe sa isang maikling kuwento. Dito, ang tinutukoy ay ang iba’t ibang anyo ng karahasan mula sa matagal at di nakikitang karahasan sa mental hospital, hanggang sa subtle at sophisticated na violence ng isang manunulat na gumagamit lamang sa kanyang mga tauhan para sa sarili niyang advancement, hanggang sa violence na hubad at bulgar ng estado, hanggang sa violence sa sarili ng mga escapist sa coffee shop.

Ang mga detalyeng ginamit ko tungkol sa buhay ng narrator na si Rico ay totoong mga nangyari sa akin. Gayundin ang mga detalye tungkol kay Tatang. Ang fictional ay ang pagtatagpo namin. Nalaman ko na lamang ang nangyari kay Tatang delos Santos nang mabasa ko sa diyaryo. Nagsaliksik ako at ininterbyu ko ang asawa niya at ibang mga nakasama niya. Fictional din ang character ni Tandang Senyong.

**************************************************

Meron po akong maliit na kahilingan sa inyo matapos basahin ito, maari po ba niyong ibahagi ang aking blog site, baka sa inyong pagbabahagi ay matulungan ang mga bata at matatandang me karamdaman sa aking homepage

HOMEPAGE

https://kamalayangkalayaan.wordpress.com/

Salamat Po!

A little help can make a difference – Kamalayang Kalayaan

4 responses to “Si Tatang, Si Freddie, Si Tandang Senyong

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s