Pagtulong sa nangangailangan

Habang sila ay nag-uusap sa kalye na malapit sa isang kanal, hindi namalayan na mayroon palang pusang gala na nag-aabang sa kanila. Nakatago ito sa halamanan at naghihintay lang ng tamang ~kumpas para sunggaban ang isa sa kanila. Huli na ng mapansin ni Joel ang pusa na dadakmain na si Pipito. Kaya lumipad ng mabilis at tinulak na lang ang kaibigan papalayo sa matulis na paa ng pusang tila gutom na gutom.

Subalit sa kasamaang palad siya ang inabutan ng paa ng pusa, habang si Pipito naman ay hilo pa sa pagkakatulak sa kanya at pagkauntog sa isang halaman. ~Sumambulat sa mga mata ni Pipito na ipit-ipit ng paa ng pusa ang isang pakpak ni Joel, pumipiglas ng buong lakas ngunit matibay ang pagkakatapak sa pakpak niya, at akmang kakainin na ito ng gutom at takam na takam na pusa. Gustong tulungan ni Pipito ang kaibigan subalit umiral ang takot sa kanya, at naisip anong magagawa ng isang maliit na ibong mayang gaya niya. Parang may bumulong sa tenga, ang mga pangaral sa kanya ng ama. “Pipito, hindi lang tayo nabubuhay para sa sarili natin, para sa nakakarami.”

Kaya kahit may dinadalang takot sa dibdib ay mabilis siyang kumilos at pabalik-balik na lumipad-lipad sa tuktok ng ulo ng pusa. Kanyang ginugulo ang galit at matapang na pusa. Alam rin sa sarili na maaari siyang madakma nito at malagay rin sa isang kapahamakan. Pero kailangan niyang gampanan ito, dapat niyang tulungan ang isang kaibigan nangangailangan ng kanyang tulong. Hinahablot siya nung isang paa nitong may matutulis na kuko, iniiwasan niya na matamaan kaya panay ang ilag ng pakaliwa’t pakanan, inis na inis ang pusa sa ginagawa ng pipit, kaya naiangat ng bahagya ang paang nakatapak sa pakpak ni Joel para siya ang hablutin ng isang paa nito.

Nagkaroon ng pagkakataon na lumipad si Joel, at tuluyan ng nakawala at makaligtas sa tiyak na kamatayan. Habang si Pipito naman ay agad niyang dinamayan si Joel sa direksiyon na nililiparan nito. Galit na galit at may halong pagka-asar ang pusa sa pagkakaudlot ng kanyang tanghalian, at daglian itong umalis na kumakalam pa rin ang tiyan. Dumapo sila sa kawad ng kuryente at duon para silang napipi na hindi makapagsalita, hindi nila alam kung ano ang dapat sabihin sa bawat isa. Hindi malaman kung iiyak o tatawa sa nangyari. Hingal at mabilis na mga kabog ang nararamdaman ng kanilang mga dibdib.

“Hindi mo dapat inilagay ang sarili mo sa isang kapahamakan.” basag ni Joel sa katahimikan habang hinihingal pa.

“Kailangan kong isagawa iyon, kung ikaw nga ay ~inako mo ang kapahamakan para sa akin.”

“Sapagkat ikaw ay bata pa at may pamilya pang uuwian. Hindi tulad ko na nag-iisa na sa aking buhay.”

“Ngayon ay ganap kong napatunayan sa sarili ko na kahit na iba ang kulay mo sa amin, puso mo ay hindi pa rin nag-iba. Hindi mo talaga mahuhusgahan ang sino man sa kanyang kulay lamang, dapat ay sisirin mo ang kailailaliman ng kanyang puso. Salamat Joel sa pagliligtas mo sa akin.”

“Wala yon. Ganun din ako, maraming salamat sa’yo kaibigan hindi mo ko iniwan.”

– Kamalayang Kalayaan

Mag-iwan ng puna