Anino ng nakaraan

ANINO NG NAKARAAN

Napakagandang liwanag ang taglay ng buwan sa kalangitan ng gabing ito, kasama ang mga tala na tumatawag pansin ng kanilang pagkikislapan. Bulalakaw na minsan lang dumarapo sa paningin at mabilis ring kumakawala sa lawak ng kalawakan. Kasabay ang paglitaw ng isang nilalang na naglalakad sa isang madilim na daanan. Tanging ilaw sa kalangitan ang nagiging tanglaw niya sa kanyang paglalakbay, tinatahak ang isang mahaba at madilim na lansangan. Ang mahinang ihip ng hanging kay lamig na humahawak sa kanyang katawan, para bang sinasamahan at siya ay dinadamayan sa paglalakad.

Ang nakabibinging katahimikan sa kapaligiran ay panandaliang binabasag, sa kalagitnaan ng mga pasulpot-sulpot na mahihinang ingay na galing sa ilang parte ng paligid na binabalutan ng kadiliman. Sila ang mga kuliglig at palakang nagkakantahan na para bagang nagdidiwang at nagtatalakayan sa mga iba’t ibang sulok ng kabukiran. Ganun din ang iba pang mga kulisap na nag-kukuwentuhan sa halamanan, damo at puno habang ito ay dinadaanan ng nilalang. Sa bawat hakbang ng paa ay unti-unti niyang iniiwan ang mga sumusulpot na maliliit na tinig, pilit siyang sinusundan ng mga matitining na ingay na dahan-dahang namang humihina sa pandinig ng kanyang tainga. Mababakas sa nilalang ang pangamba na bumabalot sa mukha niya.

Kung pahihintulutan ay gugustuhin na lang nitong bumalik sa unang mundong kinagisnan. Ang unang pinagmulan, na dito ay lumalangoy-langoy lang sa tubig ng buhay, kung saan hindi niya kailangang mapagmasdan ang mga nakikita ngayon. Mapakinggan ang mga pabalik-balik na taghoy na paulit-ulit niyang nadidinig. Madama ang hagupit ng masakit na nararamdaman niya. Maliit man ang lugar na ginagalawan noon ay walang namumuong pangamba. Minulat sa kagandahan ng mundong nilabasan pero mayroong kapalit itong pasakit na hindi naman niya kagagawan. Iniwan sa kanya at pilit na ito ay pinapapasan, na hindi maintindihan kung ano ang tunay na dahilan. Dati ay nasa sinapupunan lang at duo’y iniingatan at inaalagaan.

Siya ang naging punla ng isang pagmamahalan, na naging kasa-kasama at sandigan. Sa simula ng pagsibol ay unti-unting nang lumalalim ang kanilang ugnayan, sa dahilang magkakabit ang kanilang pusod. Pusod na ang karugtong ay buhay ng isa’t-isa. Kapuwa dama nila ang kahalagan ng kanilang sagradong ugnayan. Patuloy nagiging panatag ang kanyang kalooban, nakatitiyak na mayroon siyang magiging katulong kung sakaling ang isang daluyong ay sumapit. Subalit ang isip ay pilit siyang binalik sa kanyang kinatatayuan. Gustuhin man itong layuan, iwasan at takbuhan ang nasa likuran. Subalit ayaw siya nitong lubayan, at parang nagiging kakambal na sa kanyang pakiramdam. Makakasama hanggang sa huli ng kanyang hininga.

Nilikha ito ng isang liwanag na nagmumula sa buwan, na humahabol saan man siya magpunta. Hindi nito nilalayuan ang sawing palad na nilalang, huminto man siya o magsimulang maglakad o tumakbo man. Mabagal na nililingon ng nilalang ang kanyang likod at nagkaroon ng pangamba sa nakita. Naroon pa rin ang anino. Anino na kasama niya mula ng kanyang pagkabata. Napaluhod at tila nagmamakaawa, na siya ay tuluyan ng iwanan at magpakailanman ay huwag ng babalikan, kasabay nito ang pagtulo ng mga luha sa kanyang mga mata. luhang may galit, luhang nagmamakaawa, luhang naipon at ngayon lang lumabas. Pumapatak at sinisipsip ng lupa para damhin ang pighati ng kaawa-awang nilikha. Siya ay tumindig at sinimulan na ulit ang paglalakad, habang ang buwan at mga bituin ay unti-unti nang tinatakpan ng makapal na ulap. Dahan dahan nang nawawala ang nilalang sa kadiliman, yapos-yapos ang mga dusa’t pighati na bitbit pa mula ng pagkabata.

Habang marahang pumapanaw sa madilim na paligid, ang anino na kanyang kinakatakutan akala’y maglalaho na sa kadiliman, bagkus ito ay dahan-dahang nagiging kulay puti, na parang nagiging silweta niya. Patuloy pa rin itong sumusunod sa kanyang tinatahak na madilim na landas. Isang kakaibang anino na hindi alam paano ito nabubuo at kung saan nagmumula. Sa dahilan ang liwanag ng buwan na humuhugis sa kanya, ay sinukluban na ng makakapal na ulap. Papalayo na ang puting anino sa pinapasukang kadiliman at patuloy pa ring sinusundan ang nilalang mula pa ng kanyang kamusmusan.

*
Napadilat na ang mga mata ni Armando ng may pumasok na liwanag, at nasilaw sa kuwadradong butas na natanggal sa luma nilang bintana na gawa sa capiz. Minana pa niya ang bahay sa kanyang ama at ito lang ang naipamana sa kanya nang lisanin nito ang mundo.

Hirap si Armando sa buhay, walang perang pagkukunan sa pagpapagawa ng kanilang bintana, hindi makapagtanim sanhi ng “El Niño”. Sumasapat lang ang kinikita niya sa pagbebenta ng kawayang silya para sa pagkain nila sa maghapon. Habang nakatingin sa taluktok ay napansin ang asawa na nasa harap ng salamin at sinusuklay ang kanyang maganda at mahabang buhok na unti-unti nang nagkakaroon ng mga puti.

Nakapagpalit na rin ito ng daster na pirming suot, para umpisahan ang pang araw-araw na gawain sa kanilang tahanan. Tinititigan ang asawa habang nakaharap sa lumang aparador na may salaminan, na minana pa ng kanyang tatay sa mga ninuno niya.

“Maganda pa rin si Violinda kahit sa idad niyang kuwarenta. Kay gaan at masarap pa ring tingnan ang kanyang maamong mukha. Kahit ito’y nag-uumpisa ng kumulubot, tumaba at mawala na ang dating hubog ng katawan na tulad ng isang inuming de bote. Matagal na rin talaga ang lumipas sa amin. Parang kay dali ng panahon, pagdilat mo sa umaga ay nag-iba na ang lahat, para bang lumaktaw ka ng napakalayo at hindi mo namalayan na malapit ka na sa kabilang dulo.” sabi ni Armando sa isip niya, na sabay namang napatingin ang asawa.

“Ano tinitingin-tingin mo?”

“Ikaw!” sagot niya.
“Bakit?”

“Wala! Gusto ko lang pagmasdan ang mukha mo.” sabi ni Armando.

“Magtigil ka nga diyan Armando! Makaalis na nga at makapagluto.” ang nakangiting bigkas ni Violinda para bang nakiliti siya sa sinabi ng kanyang asawa.

Hindi naman katagalan na pagkaalis ng asawa sa kuwarto ay tuluyan na ring bumangon at nagpunta sa batalan para maghilamos at magmumog. Pagkalabas ay naamoy na ang piniprito ng asawa, kanyang nasulyapan ito na patuloy ang pag-ihip sa mahabang tubo, sa lumang kalan na ginagatungan ng kahoy ng yumaong ina. Kahali-halina ang napakasarap na amoy na tumatakam sa kanyang gutom na tiyan.

Ayos na ang piniritong tuyo, inihaw na talong at sinamahan ng pinigaang kamatis na may asin at siyempre ang mainit na kape. Ganuon lang ka simple ang buhay nila, ito na ang nakasanayan na pagkain, kaya hindi na naghahanap pa ng iba, kung ano ang nakayanan at nakahain iyon ang pinagsasaluhan. Pagkatapos kumain ay naghanda na si Armando para tumungo sa gubat. Dinampot ang lumang itak na minana pa niya sa kanyang ama, lagi-lagi niya itong dinadala pag kumukuha ng mga kawayan na gagawin niyang lamesa at silya.

Habang naglalakad sa pilapil patungo sa kanyang pupuntahan, tanaw niya ang napakalawak na lupain na binabalot ngayon ng pighati, hindi makapaniwala sa nangyayari, dati rati’y kapag siya’y naglalakad rito hindi maabot ng kanyang mata ang mga saganang mga pananim na lungtian ang kulay. Pamana sa atin ng Ama sa itaas upang tayo ay mabuhay, ngayon ay parang naglaho ang lahat, bakas ang pagkatuyo ng mga halaman at pagkabiyak-biyak ng mga lupa, lungkot ang nadarama sa binigay ng kalikasan na hindi naman maari sa kanya ay isisi.

Naroon ang mga ibang kasama na pilit na sinasagip at sinasalba ang kanilang mga lupa, ang mga binhi na sana’y aanihin, mga halaman na bumagsak dahil sa matinding uhaw. Ngunit mas matinding pagka-uhaw sa natitirang pag-asa sa puso ng isang magsasaka, pawis at dugo ang binigay na nilalaan sa kanilang kinabukasan. Sa patak ng pawis na hindi sapat upang maibsan ang uhaw na uhaw na lupa.

Dumakot siya ng tuyong tuyong at namuong lupa sa kanyang kinatatayuan at sabay na pinisil ng dahan dahan, hanggang lumabas ang durog na lupa dahil sa mahigpit na pagkakapisil. Mababakas sa kanyang kayumanggi at kumukulubot na mukha ang matinding lungkot sa sinasapit nila. Hindi maiguhit sa kanyang mga mata ang nawalang ganda at binuksan ang kanyang mga palad na mabilis bumalik ang tuyo at durog na lupa. Pinagpatuloy ang lakad papasok sa kumpol ng mga matataas na puno na nagbibigay silungan sa ibang mga halaman. Sa lugar na iyon ay madalas ring nadadaanan ang batis na malaki na ang pinagbago.

Marumi at mahina na ang daloy ng tubig. Ginawa kasing labahan at tapunan ng basura ang dating batis na malinis at maganda. May lihim na kasiyahan na makikita sa kanyang mga mukha pag siya ay napapahinto sa lugar na ito. Binalikan ang matagal na nakalipas sa kanyang isip.

“Dito ako madalas maligo nuong bata, kasama si Tatang at Inang. Madalas kaming nagsasalo ng tanghalian sa batis lalo tuwing araw ng Linggo. Para sa amin mahalaga ang araw na ito. Nagluluto si Inang na masasarap na ulam. Inihaw na baboy at isdang kanduli na niluto sa sabaw ang aming madalas na baon. Mga paboritong ulam ni Tatang nuong nabubuhay pa siya.”

Nakita niya sa kanyang alaala ang inang nakangiti habang kinakantahan ng kanyang ama. Awit na humihimlay sa damdamin ng kanyang ina, walang bahid na dungis at ito’y galing sa malinis na damdamin ng kanyang ama. Habang siya naman ay namamasyal sa gubat at nakikipaghabulan sa mga paruparo at tutubi. Punong-puno ng kasiyahan ang bumabalot sa kanila.

Kasama at katabi nila ang kapaligiran sa kanilang kasiyahan. Mga puno, bato, halaman, bulaklak, kulisap, isda, araw at ang malamig na simoy ng hangin na dumarampi sa katawan. Subalit ang kasiyahan ay unti-unting pumapanaw at sinukluban ng kalungkutan ang kanyang mukha. Pinalitan ito ng pagkagulat at pagkatakot ng biglang dumaan sa isip ang isang duguang sirang gitara na lumulutang at matulin na inaagos kasama ng tubig sa batis. Bumalik siya kaagad at iniwan ang kanyang alaala.

Napapikit siya at may luhang ayaw tumulo sa kanyang mata. Pinipigilan na ito’y humulagpos at tuluyan ng bumagsak. Matagal-tagal na ring hinihintay ng lupa na ito’y pumatak, daluyan siya ng mga luha at sipsipin para maintindihan ang hapdi ng sugat na sa kanya ay iniwan. Gusto niyang damayan ang isang batang walang kamuwang-muwang at samahan sa kanyang sinapit na mapait na karanasan. Sa maamong mukha niya mababakas mo ang nakatagong galit. Galit, na hindi mo alam kung saan nanggaling? Saan nagmula? Saan patutungo? Nananatili pa rin pipi ang kanyang damdamin para sabihin ang kanyang saloobin. Pilit tinatago at kinikimkim na lang sa kanyang sarili. Habang nakaupo malapit sa batis at tuliro pa rin ang kanyang isip dahil sa mga pangyayaring hindi makalimutan. Laking gulat ni Armando ng biglang mayroong kumapit sa kanyang balikat.

“Huh!”

“Pareng Arman ang lalim ng iniisip mo riyan? Natanaw kita sa malayo na nakatingin sa batis na parang na maligno ka.”

“Ayos ka lang ba?”

“Ah? Oo.”

“Saan ba ang tungo mo?” tanong ni Densio.

“Papunta akong gubat at kukuha ako ng kawayan para sa gagawing kong mga mesa at silya.”

“Kailan ka pa naging karpintero?”

“Kailangan kong gawin ito pare, baka kasi magising ako isang araw na asin na lang ang kinakain ng pamilya ko.

“Wala ka bang kinita nuong huling anihan?”

“Halos wala nga! Dahil namatay ang pitumpung porsiyento ng tanim ko. Wala ng mahigop ang motor sa patubig, kaya nga buti na lang kahit tatlumpung porsiyento ay may naani pa ako.”

“Hay! Hay! Oo nga halos ganyan din ang nangyari sa mga pananim ko. Kaya nga eto, kung hindi pa nagpapadala yung anak kong panganay na nagtatrabaho sa Maynila, baka ngayon ay dilat na ang mga mata naming mag-anak sa gutom.” malungkot na sabi ni Densio.

“Alam mo Pareng Densio kahit hindi ko linya ay ginagawa ko, para naman kumita ng kahit kaunti at may maitawid sa tiyan sa mag-hapon.”

“Sinabi mo pa pare, ang hirap talaga ng buhay natin ngayon tag-tuyot. Hindi mo alam kung saan ka kukuha ng ipapakain sa ating mga pamilya. Hindi ka naman makapagtanim dahil tuyong-tuyo ang lupa at nagkakabitak-bitak na. Sanay matapos na itong ‘El Nino’ at bigyan na tayo ng ulan ng langit.” sambit ni Densio.

“Oo nga.”

“Sige Arman!”

“Saan ba ang tungo mo at may dala ka pang panungkit.”

“Ako’y paparoon sa may manggahan ni pareng Beto, at ang kumare mong Aida ay naghahanap ng maasim.”

“Ikaw talaga pare o, kalahating dosena na ang anak mo ay ayaw mo pang tumigil. Baka mapagalitan ka na naman ng mga nagpapatupad ng family planning sa bayan sa panggigigil mo.”

“Sus hayaan mo silang magalit, di ba sabi ng mga pari utos daw ng Diyos ang humayo ka magpakarami. Ha! Ha! Ha! At saka ang kumare mo ang sisihin mo! Panay kasi kalabit sa akin sa gabi, gusto niya raw kaming magkababae. Ha! Ha! Ha! Ha! Ha!.”

“Ha! Ha! Ha! Ikaw talaga Densio, nagpalusot pa e gusto mo rin.”

“Siyempre! Ha! Ha! Ha! Ha! O paano sige pareng Arman baka naiinip na si kumare mo.”

“O sige!”

Parati na lang napapansin ni Densio na umiiling iling si Armando pag napapadaan at nakikita niya sa batis, duon sa parehong puwesto na mukhang may malalim na iniisip, parang naglalakbay sa hindi pa niya napupuntahang lugar. Walang winawari na mga bagay na nasa kanyang palibot.

Kinabukasan ng umaga ay dumating si Violinda, galing itong palengke na humahangos na papasok sa kanilang bahay dala-dala ang mga pinamili. Nakita niya si Armando nandoon sa kanilang kumidor at nagtitimpla ng kape. Inilagay at inayos muna ni Violinda ang kanyang mga pinamili sa banggerahan at isa-isa itong nilalabas.

“Alam mo na ba ang balita?”

“Ano yon?”

“Mayroon daw natagpuang patay na babae sa may batis.”

“Ha! Saang batis?”

“Duon ba si dinadaanan mong papuntang gubat”

Parang nawala sandali si Armando at napailing-iling sa kanyang kinatatayuan.

“Kailan?”

“Kanina lang.”

“Ano! Napadaan ako doon kahapon.”

“Malamang kagabi lang nangyari, posibleng duon ginawa o duon lang tinapon.”
Hindi makapaniwala si Armando sa kanyang narinig at hindi siya agad nakapagsalita. Parang biglang umalis ang kanyang sarili sa kanyang kinalalagyan at naglakbay sa isang panahon. Nakita niya ang isang batang nasa tabi ng isang puno tinitingnan ang isang babaeng naliligo sa kanyang sariling dugo at punit-punit ang kasuotan na parang pinagsamantalahan habang umiiyak at binabanggit ng lalaki ang pangalan nito.

“Hoy! Armando? Nakikinig ka ba sa akin?”

“Ah! Oo! Ano nga ba yon?”

“Sabi nga ni Kapitan ay ginahasa pa yuong kawawang babae at hindi raw tagarito sa atin. Siguro sa kabilang ibayo, nakakatakot na talaga ang panahon ngayon. Mahirap na maglalakad-lakad sa gabi lalo na kung babae ka.”

“Napapadalas yata ang pagtatapon ng bangkay diyan sa batis. Nuong isang linggo lang ay may nakita na bangkay nang isang lalaki at sinasabi nila ay mga rebelde raw ang gumawa.” sambit ni Armando.

“Paano naman nila nalaman?” tanong ni Violinda.

“Dahil may sulat raw na nakadikit sa katawan nito at tila sariling dugo pa ang ginamit na tinta sa papel at ang nakalagay ay ‘HUWAG NIYO AKONG TULARAN, ISA AKONG MAPANGLAMANG'”

“Baka naman asyendero yon o isang tiwaling opisyal sa munisipyo?” sabi ni Violinda.
Nagkibit balikat lang si Armando at sabay sabing,

“Ewan ko. Baka naman nagtatanim ng mariwana sa bundok? Maraming bali-balita na laganap na ang mga taong nagtatanim dito ngayon sa ating kanayunan.”

“Bakit mo nasabing mga nagtatanim ng mariwana?” patanong ni Violinda

“Kilala mo ba si Omen na anak ni Nanang Rosita”

“Oo, bakit?.”

“Dinukot yon ng mga NPA.”

“Ha! Hindi ko nabalitaan yon.” gulat na reaksiyon ni Violinda

“Napagkamalan siya ang may pataniman ng mariwana.”

“Paano nangyari, eh kilalang mabuting tao yang si Omen?”

“Yun nga eh!, kasi may hinahanap raw na tao ang mga NPA at may pinagtanungan na tagarito, ang tinuro ay yung Omen na anak ni Nanang Rosita, eh ang kaso hindi naman pala Omen!, Omeng! ang hinahanap.”

“Ano! Sino ba yang napakatangang taong yan at hindi naglilinis ng tenga.” galit na tanong ni Violinda sa asawa.

“Takot na takot at nabalisa ang matanda ni Omen. Hindi malaman ang kanyang gagawin ng mawala ang kanyang panganay na anak. Mabuti na lang nagpakita yung totoong Omeng at sinabi na hindi siya yung hinahanap nila. Kaya pinakawalan na si Omen, pero nung kinabukasan natagpuan ng patay yung Omeng na nagtatanim nang mariwana, nakita raw na palutang lutang sa ilog. Nakakaawa ang matanda malaki raw ang pinagbago nito, parang nagkaroon ng nerbiyos, takot na nga raw lumabas ng bahay, maski nga nakabukas ang pinto ay agad nitong pinasasara sa kasambahay niya.” salaysay ni Armando.

“Makatarungan ba iyong ginawa nila duon sa tao?” patanong ni Violinda na may pag-aalala.

“Ewan ko, ang alam ko lang mas kawawa ang ilang libong kabataan, kanilang kinabukasan ang mamatay pag natutong gumamit at nalulong sa pinagbabawal na damo.” sabi ni Armando

“Kaya pala hindi ko na nakikita ang matanda, at hindi ko na rin naririnig yung malakas niyang hiyaw pag ako’y dumadaan don. Dati rati’y lagi lang itong nasa labas ng bahay nila, nakaupo sa kanyang silyang tumba-tumba at hawak ang nagkakalagas-lagas na pamaypay na yari sa buri.”

“Violinda! Pag naglalakad ka sa gabi, ikaw ay mag-iingat, madalas ka pa namang abutan ng dilim pag tumutungo ka kay Silina.” nag-aalalang pasabi ni Armando.

“Opo Tatang! Hi! Hi! Hi!” pabirong sagot ni Violinda.
Lumabas na ng bahay si Armando papuntang bayan para bumili ng ilan pang gamit sa kanyang gagawin na mesa at upuang kawayan. Habang tinatahak ang daanan papuntang bayan ay nakita niya si Densio. Kasama nito ang ibang lalaki na nagtutulos ng kawayan para sabitan ng bandaritas, para ito sa nalalapit na kapistahan ng kanilang baryo.

“Pareng Densio! Mukhang abalang abala kayo riyan.”

“Oo nga pare!”

“Tuloy na tuloy pa rin ang pista kahit mayroong tag-tuyot?”

“Nakaugalian na kasi yan!”

“Siguro mas maigi kung wala munang pistang magaganap.”

“Hindi puwede yon pare! Sabi nga ng mga matatanda baka magalit sa atin ang ating mahal na patron. Baka lalo tayong parusahan at hindi bigyan ng ulan. Saka tradisyon na ‘to. Hindi mo na puwedeng alisin sa mga tao. Nakatatak na sa atin, ganun din sa ating mga ninuno.”

“Mukhang yan nga ang nakasasama sa buhay natin, ang hindi natin mabitaw- bitawan na tradisyon. Bawat isa ay nagpapatalbugan at tinitiyak na magarbo ang mga handaan, kahit nagkakapatong-patong na sila sa utang, makapagyabang lang sa araw ng pista. Pagkatapos ng ligaya kasunod ay umaatikabong Biyernes Santong mukha ang makikita mo sa araw ng Mayo. Lahat ay pinuprublema kung paano babayaran ang baboy na inutang, mga lupang kailangan tubusin sa pagkakasanla at mga perang nakalaan sana sa kanilang mga lupa. Hay! hay! hay! mga tao nga naman gugustuhin pang magutom para lang may maipakain sa iba.”

“Armando kung magsalita ka talo mo pa si Padre kung magsermon, at parang hindi ka isa mga taga-rito na natutuwa pag dumarating ang araw na ito.” paliwanag ni Densio

“Sa akin lang naman, maiintindihan naman siguro tayo ng patron kahit na hindi ito paghandaan ng magastos na paghahanda, dahil sa paghihirap na dinaranas natin sa ‘El Niño’. Puwede namang sigurong iraos na lamang ng isang misa ang araw ng pista. Dapat rin pinagpaliban na lang muna ang pagpapaayos ng simbahan, kasi naibulong sa akin ng Ingat-yaman ng parokya, na malaki raw ang kanilang nilabas na pera sa pagkukumpuni sa gusali para sa darating na okasyon. Sana’y ipinamahagi na lang sa tao ang perang inukol nila duon, tayo ngayon ang nangangailangan dahil sa dinaranas nating kagipitan. Mas malamang matutuwa pa ang ating mahal na Maylikha sa simbahan.” paliwanag ni Armando

“Ikaw talaga Arman! Buti na lang wala rito si Padre kung nagkataon malamang ay pinagalitan ka n’on sa pinagsasasabi mo.”

“Isa pa nga ‘yong, kunsintidor!” pangising sabi ni Armando.”

“Sige Densio ako’y hahayo na!” paalam na sabi ni Armando.
Natapos ang kanilang pag-uusap pero hindi pa nakalalayo si Armando ay tinawag ulit siya ni Densio at tumakbo palapit sa kanya.

“O nga pala Armando!”

“Si Silina na anak ni Nanang Remedios, gusto ka raw makausap.”

“Bakit raw?”

“Mahina na ang kanyang Nanay.”

“O!”

“Lagi na lang nakahiga at hinahanap ka raw ng Inang niya.”

“Ganon ba? Salamat Densio! Pupuntahan ko na lang.”

“Sige!”

Si Remedios ang kababata at matalik na kaibigan ng kanyang ina nuong ito’y nabubuhay pa. Pag ako’y nakikita nung matanda ay lagi akong kinukwentuhan, sinasabi niya masayahin at natatangi ang ganda ng aking ina, palagi siyang nananalo sa patimpalak ng kagandahan sa nayon kaya maraming mga binata na sumusuyo at lumiligaw sa kanya, subalit isa lang daw ang nasa puso nito na inalayan niya ng malinis at may katapatan ng pagmamahal. Sa isang timpalak na sinalihan ng aking ina, bago raw inihahayag ang nanalo ay nagkakaroon ng kaunting palabas, hinahandugan ng isang sayaw ang mga kandidatang mga babae.

Sila’y nagmula pa sa ibang lugar na naiimbitahan para magtanghal ng kanilang natatanging sayaw. Isang lalaking nagsasayaw ng pandanggo sa ilaw ang nagbukas sa sagradong damdamin na iniingat-ingatan ng aking ina. Duon ko lang nalaman na isa palang magaling na mananayaw ang aking ama, akala ko sa pag-awit lang ito magaling. Buong-buo pa sa isipan na madalas kantahan ni ama ang aking ina pag kami’y nagtutungo sa batis. Pero ni minsan hindi ko man lang nakita na nagsayaw ang aking inang at tatang sa aming tahanan.

Habang naglalakad pauwi na sa kanila, ay nadaanan at napahinto si Armando ng nakita niya ang isang batang lalaki na pinapalo. Iyak ng iyak ang bata at paambang papaluin, nang bigla niyang sinalag ang mahabang yantok at siya ang tinamaan ng palo.

“Ano ka ba!”

“Bakit ka humaharang?” sabi ng matandang pumapalo.

“Tama na, nasasaktan na ang bata. Hindi sa mahabang kawayan malalaman ng musmos ang mali niya. Kailangan mong kausapin, pagpaliwanagan at ipaalala ito sa kanya.”

“Bakit ka ba nakikialam? Pakialaman mo ang buhay mo ha, huwag yung pagdidisiplina sa anak ko!”
Biglang natauhan si Armando.

“Bakit nga ba ako nakikialam sa may buhay ng may buhay.” biglang wika sa sarili.

Umalis na lang siya at nahihiya sa kanyang ginawa. Habang tuloy pa rin ang pagpalo ng ama sa kanyang anak na umiiyak at nagmamakaawa. Tuluyan nang umuwi si Armando sa kanilang bahay at inabutan niyang naghahain si Violinda habang tinutulungan ng kanilang dalawang anak.

“Mano po itay!” sabi ng kanyang panganay.

“Mano rin po itay!” pahabol ng bunso.

“Kaawaan kayo ng Diyos!”

“Armando nagpunta pala rito si Silina at hinahanap ka, mukhang mayroon sasabihin sa’yo, kaaalis-alis nga lang niya at hindi kayo nagpang-abot. Hindi ka na nahintay. Mahina na pala ang nanay niya at nakahiga na lang palagi sa kama.”

“Alam ko na. Nakausap ko si Densio at pinapupunta nga raw ako duon.”

“E.. Kamusta na ang matanda?”

“Hindi ko na nga napuntahan dahil ginabi na ako sa bayan, bukas na lang ako tutungo ron.”

“Ano kaya ang sasabihin niya sa’yo?” tanong ni Violinda sa asawa.

“Siguro magkukwento na naman tungkol sa nanay ko, matalik na magkaibigan at magkababata sila ni inang nuong buhay pa siya.”

“Talaga?” bigkas ng asawa.

“Nung bata pa nga ako madalas kong makita si Nanang Remedios at si Inang na nag-uusap na parang ayaw nilang iparinig yung pinag-uusapan nila.”

“Bakit?”

Nagkibit balikat na lang si Armando sa asawa at nagtuloy sa banggera para maghugas ng kamay at maghanda para kumain.

“O, siya lika na para makakain na tayo, alam kong gutom na gutom ka na.”

“Nenel! Dang! Naghugas na ba kayo ng mga kamay niyo?”

“O ikaw Dang marumi pa ang kamay, hindi ka pa naghuhugas.”

“Opo.”

“Bago kumain eh, magpasalamat muna tayo sa panginoon kahit na may matinding tagtuyot ay mayroon pa rin tayong nakakain.” bigkas ni Violinda.

“Sa ngalan ng Ama, Anak at Espiritu Santo.”

“Amen.”

Maliwanag ang buwan at dumudungaw sa kanilang bintana ang liwanag nito. Paglabas ni Violinda nakita niya si Armando na nakisilip sa kanilang bintana. Nasa kalagitnaan na ng liwanag at dilim ang oras, malayo ang kanyang tingin, mukhang may malalim na iniisip at kanyang nilapitan para yayain nang matulog. Tinapik at nagulat ang asawa.

“Hu!”

“Bakit hindi ka pa natutulog Armando? Mukhang madaling araw na yata?”

“Hindi kasi ako yayain ng antok”

“Bakit? May problema ka ba?”

“Wala naman!”

“Violinda!” pahabol na tawag ni Armando sa asawa.

“O!”

“Mahal ba kayo ng tatang mo?”

Hindi kaagad nakasagot dahil nabigla siya sa tanong ng kanyang asawa.

“Oo.” napakunot ang noo at nagtatakang sumagot.

“Bakit mo naitanong?”

“Wala, biglaan lang pumasok sa isip ko”

“O sige pumasok ka na rin sa kuwarto maaga pa ako bukas, pupunta akong bayan para mamalengke, at isara mo nga pala yung bintana pag matutulog ka na, ha.”

Nung umagang iyon ay pinuntahan na ni Armando ang kaibigang matalik ng kanyang ina na si Remedios at sinalubong siya ni Silina sa pinto.

“Silina? Silina?”

“Uy! Armando! Tuloy ka!”

“Si Nanang Remedios?”

“Nasa kuwarto siya, alam mo matagal ka na ngang gustong makausap ni Inang. Lagi ka niyang hinahanap at mayroon daw siyang mahalagang sasabihin sa’yo. Sabi ko na nga lang na marami kang ginagawa ngayon, alam mo naman ang mga matatanda para bang naglalambing at ikaw ang nasumpungan.”

“Walang problema, matagal ko nga ring hindi nakakausap ang inang mo at hindi ko na naririnig ang mga kwento niya tungkol sa inang ko.”

“Mga bata duon muna kayo sa labas!” bigkas ni Silina sa mga anak na naglalaro.

“Pasensiya ka na Armando, magulo ang bahay. Alam mo na ang mga bata, eh makukulit, minsan dito pa naglalaro sa loob ng bahay.”

“Ayos lang yon! Ganyan din sa bahay pag naglalaro ang dalawa kong chikiting.”

“Tara sa loob kay inang!”

Nang makita ng matanda si Armando ay para bang umaliwalas ang kanyang mukha at may lihim na kasiyahan na pinapakita kahit hindi ito nagsasalita.

“Nanang Remedios kamusta na po kayo?”

“Ito, tila ako’y papauwi na.”

“Huwag niyo pong sabihin yan, matagal pa ho yon at maraming panahon pa po tayong magkukuwentuhan tungkol sa aking ina.”

“Hay… Kay tagal na nang lumipas.” sabi ng matanda kay Armando na medyo nahihirapan nang magsalita.

“Mamang-mama na ang anak ng matalik na kaibigang kong si Paulina. Kay amo ng mukha at kay kisig tulad ng kanyang ama!”

Sinuklian ng matamis na ngiti ni Armando ang binabanggit sa kanya ng matanda.

“Siguro’y mahilig ka ring sumayaw?”

“Po?” na parang nagtataka.

“Ang ama mo ay isang magaling na mananayaw nuong panahon niya.”

“Silina!”

“Po!” sagot ng anak.

“Pakikuha mo nga yung kahon sa aking baul!”

“Sandali lang po inang.”

Pagkakuha sa kahon ay inabot ni Silina sa kanyang ina at nilabas ng matanda sa kahon ang isang lumang aklat.

“Armando! Alam mo ba kung ano ito?”

“Hindi po? Ano po yan?”

“Ito’y aklat talaarawan ng iyong ina. Sa akin niya ito pinatago at binilin na ingatan bago siya malagutan ng hininga.”

“Maraming mga pangyayari sa buhay ng iyong ina na kami lang ang natatanging saksi ng aklat na ito. Sa kanyang mga magaganda at masasaya, masasakit at malupit na tagpo, na pinagdaanan ng kanyang puso. Nararamdaman ko na, unti-unting ang hininga ko ay umiikli at malapit na akong manahimik. Maraming sugat na magpasahanggang ngayon hindi pa naghihilom at hindi ko alam kung maghihilom pa, kahit iniwan na nito ang malupit na daigdig. Armando. Mahal na mahal ni Paulina ang iyong ama. Hindi kayang pagtaksilan ng kanyang damdamin ang totoong niyang nararamdaman. Kaya kahit sapitin ang malupit na pangyayari, ito’y kanyang tinanggap ng nakangiti. Nilisan niya ang mundo na malinis ang kanyang puso sa katotohanan.”

“Hindi ko po kayo maintindihan?”

“Ano po ang inyong ibig sabihin?”

“Karumal-dumal at kaylupit ang pagpanaw ng aking pinakamamahal na kaibigan.”

“Kaawa-awang Paulina.” sambit ng matanda sa pangalan ng ina ni Armando
Hindi na napigilan ng matanda na umiyak at hindi na makapagsalita dahil, sa bigat ng nararamdaman. Kaya niyakap at hinagod ng kanyang kamay ang likod, pinahinahon ni Armando ang nagdadalamhati na matanda.

“Nanang Remedios kailan niyo na pong magpahinga?”

“Babalik na lang ako sa ibang araw.”

Tumango na lang ang matanda at hinawakan ang kamay at nilagay sa kanyang palad ang aklat ng kanyang ina. At sabay ng nagpaalam si Armando.

Nang gabing iyon ay hindi na naman makatulog si Armando at nagpasiyang lumabas ng silid at binuksan ang bintana at tumitig sa kalangitan. Lumitaw na naman ang duguang sirang gitara na lumulutang sa batis. Nakita niya na ginagahasa ang isang babae. Habang hawak ng dalawang lalaki ang sugatang kasama. Tawa ng tawa ang tatlong kalalakihan kasabay ang pag-inom ng alak. Kanilang pinagpasa-pasahan ang walang kalaban laban na babae. Nagmamakaawa ang lalaki na tigilan na ito, pero parang mga hayup na mababangis na ayaw tigilan ang ginagawa nila.

Nagkaroon ng malaking dagok ang lalaki sa kanyang sarili dahil hindi niya ito matulungan at maipagtanggol, wala siyang magawa dahil hinang-hina sa pagkakagulpi sa kanya ng mga ito, at puro sugat ng tabak ang kanyang katawan. Galit naman ang nararamdaman ng bata at sabay tulo na hindi niya namamalayan ang mga luhang umaagos sa mata. Ito’y walang tigil na bumabagsak sa lupa. Biglang nagkaroon ng liwanag sa paligid. Bumukas ang ilaw ng gasera sabay bukas din ng kanyang mata, at nagbalik na sa kinalalagyan ang kanyang naglalakbay na isipan.

“Armando bakit hindi ka pa natutulog?”

“Ah! Hindi pa kasi ako inaantok.” habang pinapahiran ang matang lumuluha.

“Napapadalas yata ang hindi mo mapagkatulog?” “Mayroon ka bang problema?”

“Sabihin mo naman sa akin?”

“Ano pa at naging asawa mo ako, kung hindi ko malalaman ang nararamdaman mo. Pakiramdam ko mayroong bumabagabag sa’yo. Matagal ko nang napapansin na parang nawawala ka sa sarili mo. Sabi ni Pareng Densio madalas ka raw niya nakikita sa batis na nakatulala palagi. Armando? Sabihin mo sana sa akin ang laman ng isip at puso mo.” pagmamakaawa ng kanyang naiiyak na asawa.

Niyakap ni Armando si Violinda para sabihin na nakalimutan niya na mayroon pa lang handang makinig, kumausap at umunawa sa kanya.

“Si Inang? Naiisip ko si Inang, hinahabol ako ng mga alaala na aking tinatakasan, simula pa ng aking kamusmusan.

Napakaraming mga taon na ang nagdaan. Napakalaking tanong pa rin sa akin ng pagkawala ni inang. Nuon, tuwing araw ng linggo ay madalas kaming tumutungo sa batis at duon kumakain, napakasaya ng araw na iyon sa akin. Dito ko nakita gaano kamahal ng aking ama ang aking ina, madalas niya itong inaawitan habang sinasabayan ng paggigitara. Nagluluto rin ang aking inang ng masasarap na pagkain para sa amin. Madalas akong pumunta sa kagubatan para mamasyal at makipaglaro sa mga ibon, hayup at kulisap. Nang ako’y pabalik sa aking ama’t ina, nakita ko sa batis ang isang duguang sirang lumang gitara na lumulutang.

Nakadama ako ng pangamba at daglian pinuntahan ang aking inang at tatang. Hindi ako makapaniwala sa aking nakita, nakahundasay ang aking ina, puno ng saksak at naliligo sa kanyang sariling dugo at ang aking ama naman ay puro hiwa ng itak habang umiiyak at humihingi ng tawad. Binuhat ni Ama na umiiyak, at nakatulala lang si ina na parang wala ng buhay, at una naming nakita si Nanang Remedios na gulat na gulat at dinala na lang siya sa aming bahay at duon si Nanang Remedios ang huling nakakita na humihinga si ina.

Habang si ama ay naupo sa isang tabi na para bagang humiwalay siya sa aming mundo. Hindi siya makausap, at tulala na umiiyak hanggang sa burol. Nang mailibing na namin si inang ay duon lamang siya nagsalita. Kanyang isinalaysay kung ano talaga ang nangyari sa kanila. Ayon kay ama, sinalakay daw sila ng mga taong labas at pilit na kinukuha ang aking ina. Hindi siya pumayag kaya binugbog at sinugatan ng itak. Wala raw siyang nagawa dahil tatlo daw ang taong sumalakay sa kanila. Hindi matanggap ni ama ang pagkawala ni ina.

Mula nuon malaki na ang kanyang pinagbago. Lagi niya akong sinasaktan at pinaparusahan kahit na wala akong kasalanan, kaunting mali lang, palo rito palo roon. Hindi na siya ang amang nakagisnan ko simula ng aking paglaki, na isang maalalahanin, maunawain at mapagmahal na ama. Hindi ko maramdaman ang pagkaama niya sa akin. Minsan umiiyak ako at nagmamakaawa kay inang na bumalik na siya at nang sa ganu’y para mahalin ako ulit ng aking ama. Lagi siyang naglalasing at nagtuloy-tuloy hanggang sa aking pagkabinata. Isang araw napakalakas ng ulan. Ako ay nagising, basang-basa ang aking katawan dahil natanggal ang bintana naming pawid sa lakas ng hangin. Galit na galit ang hangin at tulo ng tulo ang tubig sa butas ng aming bubong.

“Sus may bagyo yatang paparating? tanong ni Armando sa kanyang sarili.”

Tinungo ko ang labas ng kuwarto para isara ang mga bintana. Laking gulat ko ng makita kong basang basa at nagbabaha ang labas ng aming kuwarto. Agad akong kumuha ng timba at batya para sahuran ang mga tulo, upang mapigilan ang mabilis na pagtaas ng tubig sa loob ng aming bahay.

“Bakit ngayon pa umulan? Kung kailan hindi pa napapagawa itong sirang bubong namin.”

“Ha!Ha!Ha!Ha!Ha!Ha!Ha!Ha!”

“Hi!Ha!Ha!Ha!Ha!Ha!Ha!”

“Lumakas ka pa!!!!”

“Ha!Ha!Ha!Ha!Ha!Ha!Ha!Ha!”

“Ha!Ha!Ha!Ha!Ha!Ha!Ha!”

“Lakas pa!!!!”

“Ibuhos mo! Ang galit mo! ilabas mo sa akin!”

“Ilabas mo!”

“Nang bigla kong narinig ang isang tinig na sumisigaw at tuwang tuwa na tumatawa sa napakalakas na ulan. Sobra sobra ang kanyang kagalakan at mamya mamya lang ay pinalitan na ito ng matinding galit, na parang mayroong sinisisi. Nang ito’y silipin ay nakita ko ang aking ama.”

Parang naging estatwa ang itsura ni Armando, kahit na mayroon ng tumutulo na tubig sa kanyang mukha hindi niya ito pinansin at nakatingin siya sa kanyang ama.

“Awa at lungkot ang aking naramdaman ng makita ko ang nangyayari dito; hindi dahil sa pagkabasa sa ulan, dili rin sa katandaan nito’y kapitan ng sakit. Kundi sa sakit na naramdaman nito ng iniwanan kami ng aking ina. Sinimulan takasan ito ng bait sa sarili. Parang isang bata naglalaro sa ulan hinahabol ang bawat malakas na pagpatak ng tubig.

Nagtatatalon sa putikan. Naiisip ko, hindi kaya ito gawa-gawa at nagkukunwari lang ang aking ama, upang layuan at huwag harapin ang pait ng katotohan? Hinahabol siya ng mga anino ng mga nakaraan na, isinasantabi at binabalewala para hindi maramdaman ang hapdi na dinudulot sa kanyang puso’t isipan. Pilit niyang tinatakbuhan, ayaw tanggapin ang mga masasakit na pangyayari na naganap sa aming pamilya. Hu! Hu! Hu! Hu! Hu! Hu!”

“Hu! Hu! Hu!” at lumuhod ang matandang umiiyak sa putikan.

“Para bang mayroong siyang matinding kaaway dahil sa malakas na pagsuntok sa basang lupa. Dahil sa matinding pagdaramdam ay nagkasakit si tatang. Malubhang karamdaman ang dumapo sa kanya at tuluyang iniwan ang lupang inaapakan at sinundan ang aking ina.”

Tuloy tuloy ang agos ng luha sa mga mata ni Armando. Hinigpitan naman ni Violinda ang yakap sa asawa. Habang sila ay dinadamayan ng katahimikan, tinatanglawan sila ng liwanag na galing sa buwan. Sinag niya ay nagtuturo, ipinapakita ang wastong daanan, sa paglalakad sa buhay na kanilang nilalakbay ngayon. Ganuon rin sa anumang pagsubok na ito’y makayanan, at para huwag na ring balikan ang nakaraan na patuloy na humahabol at kunin na lamang ang mga natutunan. At sa darating na kinabukasan ay makapagsimula ng walang inaalalang sumusunod na anino, anino ng nakaraan.

Pagkalabas ni Armando sa silid ng umagang iyon, napansin niya ang libro na binigay sa kanya ni Nanang Remedios. Hindi pa pala niya ito nabubuklat. Kanyang dinampot at sinimulang buksan ang pabalat para makita ang nilalaman ng aklat talaarawan ng kanyang ina. Iba ang kanyang nararamdaman, nababalutan ng kung ano-anong pakiramdam at hiwaga ng ito ay kanyang hawakan at umpisahang buksan.

“Armando! Halika na rito at makakain na tayo. At mamaya muna basahin ang librong hawak mo.” tawag ni Violinda

“Sige! Nandiyan na ako!” bigkas ni Armando.

Katatayo pa lang ni Armando sa bangko na inuupuan ay biglang dumating si Silina na parang nagmamadali. Dahil sa lakas at bilis ng kanyang katok sa pintuan nila. Tila humahangos at may mahalagang sasabihin.

“Armando! Armando! Tao po! Armando!”

“Sandali lang.” sagot ni Armando habang binubuksan ang pinto.

“O Silina! Napasugod ka.”

“Armando si Inang!

“Mayroon bang masamang nangyari sa kanya.”

“Ayaw na niyang kumain at tubig na lang ang kanyang nilalagay sa tiyan. Hu. Hu. Hu. Hinahanap ka!” humihingal at may tumutulong luha habang sinasabi ni Silina.

“Ganon Ba! Tara na!”

Pagkarating nila sa bahay ni Silina ay pinuntahan agad ni Armando ang kanyang Nanang Remedios. Agad umupo sa kama at tinabihan ang matanda. Hinimas ni Armando ang ulo at ang buhok ng kanyang Nanang Remedios. Tila ngang malapit ng sumunod sa kanyang ina ang matandang nahihirapang magsalita. Hinawakan ng matanda ang mukha niya at nagbigkas.

“Armando! Matagal na akong hindi pinatatahimik ng aking budhi.” sabi ng matanda habang nahihirapang magsalita.

“Simula ng lisanin ng iyong ina ang mundo. Hanggang ngayon ay hindi ko pa ring matanggap. Ang malupit na sinapit niya.”

“Saan po? Sa mga taong labas?”

“Bago maputol ang natitira niyang hininga ay binanggit niya sa akin. Na inamin na niya sa iyong ama ang buong katotohanan. Hirap na hirap na raw siyang itago ito. Na ako at ang iyong ina lang ang nakakaalam.”

“Ano po yon?”

“Hindi si Jose ang tunay mong ama!”
Hindi makapaniwala si Armando sa kanyang narinig at siya’y gulong-gulo na hindi makapagsalita. May luha namang tumulo sa mga mata ng matanda. Para siyang bulkan na matagal na namahinga at biglang sumabog. Dumating rin ang hinihintay niyang araw na mailabas ang lahat nasa loob. Na matagal na panahon din niyang kinikimkim. Ngayon lang ito lumabas ang mga bagay na matagal ng bumabagabag. Ayaw na niyang baunin pa ito sa kanyang paglalakbay. Sa panibagong pook na pupuntahan.

Nararamdaman niyang nahihirapan at napapagod na ang matanda. Kaya hinayaan na niyang magpahinga ang matanda. Kahit marami pa siyang gustong malaman at malinawan sa sinabi nito sa kanya. Parang matagal siyang hindi nakapagpahinga sa dahilang sa bawat araw, ay nanatiling gising siya sa katotohanan na iniwan sa kanya ng kanyang matalik na kaibigan. Hinalikan ni Armando ang matanda at sinabing magpahinga na. Nang magpaalam na ito sa matanda ay may nakita siyang parang unti-unting sumibol na ngiti sa mukha nito. Handa na niyang harapin ang paglalakbay, papunta sa lugar na kanyang patutunguhan.

Siya ay tuluyan ng nagpaalam kay Silina upang umuwi sa kanila. Habang naglalakad sa madilim na daan, hinahanapan niya ng kaliwanagan at puwang ng katotohanan ang mga sinabi sa kanya ng matanda. Subalit ang paligid tila siya ay pinagkaitan ng hinahanap niyang kasagutan. Kahit ang buwan ay pinagdamutan ng liwanag na tatanglaw sana sa kanyang paroroonan.

Wala rin ang mga palaka at mga kulisap na kasama niya sa kanyang paglalakad noon. Parang walang gustong tumulong at dumamay sa kanyang magulong isipan. Kanyang mabigat na pakiramdam ay tulad ng isang napakalaking bato na sa kanya ay pinapapasan, dadalhin sa kanyang paglalakbay sa isang daan na wala man lang kaunting liwanag na dumadapo. Ang tangi niyang kasama ay ang anino na hindi alam kung saan nagmumula. Na laging nakasunod simula pa ng mamulat ang kanyang kamalayan. Aninong makakasama niya hanggang sa lisanin ang mundong ginagalawan.

Nang dumating na siya sa kanilang bahay ay sarado na ang mga bintana. Matahimik at tulog na ang kanyang pamilya. May maliit na liwanag na nakakapuslit sa maliit na butas ng kanilang pinto. Kaya pagpasok niya ay napaupo, at kanyang nililigid ang kanyang tingin sa bawat sulok ng kanilang tahanan, na tinatamaan naman ng sinag ng ilaw na nanggagaling sa lumang gasera. Gaserang sa palagay niya mapalad pa sa kanya, dahil mayroon siyang liwanang na matatawag na sa kanya, at kanyang kanya, subalit siya’y wala.

Walang natitirang liwanag sa magulo niyang kaisipan. Kinulong sa isang hawla ang katotohanan na kailan ma’y hindi lumaya, hindi alam kung ito’y lalaya pa. Patuloy na sinasamahan pa rin ng nakabibinging katahimikan sa loob at labas ng kanilang tahanan. Sa lumang gasera dito siya napatingin ulit at mababakas sa kanyang mukha ang pagsusumamo, na siya ay bigyan ng tanglaw sa kanyang suliranin. Hindi liwanag na nakakasilaw, kundi liwanag na magbibigay linaw sa likod ng katotohanan. Napayuko at pumikit na lang si Armando na tila pinang-hihinaan na ng loob at pag-asa hindi niya na masilip. Sabay sa pagtaas ng ulo at pagdilat.

Parang may nagturo sa mga mata niya na duon tumingin. At nakita ang aklat na binigay sa kanya ng matanda. May tumutulak sa kanya na ito kunin at basahin. Kaya tumayo at naglakad papalapit sa mesa na kinalalagyan ng aklat. Sa mga palad niya ito ay hinimlay at inumpisahang buksan kung ano ang nilalaman. Napakaluma na ng aklat, naninilaw na ang bawat pahina, at may punit na rin dahil sa kanyang kalumaan. Ingat na ingat siya sa paglilipat ng bawat pahina na aklat talaarawan ng kanyang ina. Sa isang pahina siya napatigil at inumpisahan na niyang ito’y basahin.

IKA TATLUMPU NG MAYO 1951
AKING KAIBIGANG TALAARAWAN,

Unti unti nang dumidilim ang kalangitan, sabay naman nang pagpapakita sa akin ng buwan, na nagtatago sa kaulapan. Ganoon din ang mga bulaklak hindi mo na mababanaag ang ganda. Tinatalukbungan ng kadiliman ang kanilang kariktan. Dahan dahang lumalapit ang oras sa panahon na aking inaantay. May saya akong nararamdaman, kahit na ito may kahalo ring kapirasong kaba, sa damdamin ko ito’y hindi maintindihan. Napakahalaga sa akin ng araw na ito. Ngayon na gaganapin ang koronasyon, sa patimpalak ng kagandahan sa aming kanayunan. Isa ako sa sampung kababaihan na pinalad na mahirang. At sa gabing ito, aming malalaman kung sino sa amin ang papalarin na magwagi. Tatanghalin na isang pinaka magandang nilalang, at magiging katangi tangi sa bawat matang bukas na masisilayan ang kagandahan. Kung hindi man papalarin ito ay kagustuhan ng ating maylikha, at siya may ibang balak para sa akin.

IKA TATLUMPU NG MAYO 1951
AKING KAIBIGANG TALAARAWAN,

Masayang-masaya ako sa gabing ito kahit na nasa kalagitnaan na ako ng liwanag at dilim. Gusto ko pa rin itong ikuwento sa’yo aking kaibigan, na karamay ko pag ako’y nakadarama ng kalungkutan sa aking pag-iisa. Anong kasiyahan itong aking nadarama, at wala akong nararamdaman na kasawian. Ako’y hinirang sa patimpalak para sa natatangi sa lahat. Hindi lang ako maligaya dahil sa aking pagkakawagi. Ito ay dahilan sa isang nilalang na nagbigay na kakaibang nadadama sa aking puso. Hindi malimot ang mga ngiti niyang parang dumarampi sa aking labi at kanyang maamong mukha. Kakaiba ang aking nadarama para sa kanya, hindi ko siya makalimutan sa aking isipan. Sana’y hindi iyon ang huling pagkikita namin.

IKA-TATLONG PUT’ISA NG MAYO, 1951
AKING KAIBIGANG TALAARAWAN,

Laking gulat ko ngayon gabi ng ako ay bisitahin ng isang binatang hindi pa nakikilala. Tinawag lang ako ng aking ina at sinabi na ako’y mayroon daw naghihintay na panauhin sa labas. Lubos na nagtataka at tinanong ang aking sarili habang palabas ng silid. Sinong may masamang asal sa oras ng aking pamamahinga ay duon dadalaw. Nabigla at hindi kaagad nakapagsalita at hiyang hiya sa aking sarili sa aking pinagsasabi sa aking isip. Siya pala yung binatang mananayaw dahilan ng aking hindi pagkatulog kagabi, dahil baka sa pangarap na lang kami ulit magkita. Subalit ngayon siya ay nasa harap ko at magalang na tumayo at bumati sa akin ng “Magandang Gabi sa’yo”, at nagpakilala. Sabay abot sa akin ng rosas, isang puting rosas at binigkas niya ang matalinghanggang salita na pilit na pumapasok sa aking puso.

“Tulad ng isang puting rosas ang aking hangarin, tapat at malinis.” Nakatutuwa ang kanyang mga binigkas at ginantihan na lang ito isang matamis na ngiti. Alexander pala ang kanyang pangalan, sila raw ay madalas na maanyayahan sa ibat ibang klase ng mga pagtitipon. Galing pa sila sa malayong kanayunan at sinadya raw niyang magpaiwan sa kaniyang mga kasama para sa mahalagang gagawin. Umiral ang pagiging maldita ko at tinanong kung anong mahalagang gagawin? Ang sabi niya “ang makilala raw ako”. Lihim natutuwa ang aking puso, siya ay nagpaalam at nangakong babalik.

IKA-DALAWA NG HUNYO, 1951
AKING KAIBIGANG TALAARAWAN,

Hindi gusto ni ama ang pagdalaw sa akin ng mananayaw sa aming bahay. Magalang naman ang binata. Nararamdaman kong mabigat ang loob ng aking ama sa kawawang binata. Pagkatapos ng pagdalaw na iyon ay pinagbawalan ako ng aking ama na muling patuntungin ang binata sa aming tahanan. Si ama ay pilit akong pinagkakasundo sa ibang binata na hindi ko naman gusto. Ako’y nahihirapan sa nangyayaring ito, magpapakasal ako sa hindi ko naman talagang mahal. Napakalalupit naman itong sinasapit ko, para akong nakakulong sa isang kulungan na walang rehas. Hindi ko kayang maging suwail na anak subalit hindi ko naman gustong lokohin ang totoo kong nararamdaman. Mahal ko si ama at si ina. Ayaw ko silang bigyan ng sama ng loob o nang kahihiyan, utang ko sa kanila ang aking buhay, pero paano naman aking puso.

Mananatili na lang bang sunod sunuran sa utos ng aking magulang. Hindi puwedeng turuan ang aking damdamin para bigla itong bumukas sa iba, kailangan kusa ang kanyang pagbukas. Sa binatang ito na sa aki’y pinagkakasundo sigurado raw ang aking buhay. Sa araw-araw ako raw ay may makakain. Hirap na hirap na ako. Iisa lang ang isinisigaw ang aking puso, siya talaga ang aking mahal. Ano raw ang aking makukuha sa isang mananayaw lang, walang kasigurahan sa kanyang hanapbuhay. Patuloy ang paghamak ng aking ama sa lalaking aking pinakaiibig. Wala akong nagawa kung’di maging sunud sunuran lang ako sa aking magulang. Aking sinimulang iwasan si Alexander kahit ito’y masakit sa akin dahil mahal ko ang aking magulang. Subalit hindi roon nagtapos ang mga pangyayari.

Minsan habang ako’y papauwi sa aming bahay ay binigla ako ni Alexander, pilit ko siyang iniiwasan subalit matiyaga siyang sumusuyo sa akin kahit ito’y palihim at nahulog na rin ang aking loob sa kanya. Madalas kaming nagkikita ng palihim, si Remedios ang aking daan at tumutulong sa akin para kami ay magkita ni Alexander. Lagi kaming masaya ni Alexander, buhay na buhay ako sa piling niya, pakiramdam ko nasa ibang daigdig na malayang nakapagsasama. Sana’y ito ay hindi na magkaroon ng wakas. Aming napagkasunduan ni Alexander na kami’y magtanan at ako’y sasama sa kanyang pinagmulan na bayan. Kahit maraming bumabalakid sa aking isip at puso sa gagawin kong iyon. Subalit hindi ko na kaya pang malayo sa nilalang na ito na aking pinakamamahal, buhay at kaluluwa ay binigay ko na sa kanya. Ngunit ang aming pagmamahalan ay biglang nagwakas. Isang araw ako pala ay nasundan ng aking ama, at duon niya nakita ang lahat ng aming ginagawa. Galit na galit si ama walang pakundangan kinaladkad ako at pilit na inilalayo kay Alexander. Hindi ko na nakikilala ang lalaki na sa aki’y nagpalaki, hindi na siya ‘yung maamo at maunawain na ama.

Tumatagos ang kanyang kamay sa aking braso na parang bumabaon, nanlilisik ang mga mata sa galit. Ang aking ina ay awang awa sa ginagawa sa akin, ngunit wala siyang magagawa. Gustuhin man niya ako’y tulungan ay hindi niya magawa, wala siyang kapangyarihan na gawin iyon, ano ang magagawa ng isang babae na hinugot lang daw sa tadyang ng mga lalaki. Nang ako ay iwan duon nakalapit si ina, na nagdurugo ang puso sa sinapit ko. Mula nuon hindi ko na nakita si Alexander pinagbawalan ako ng aking ama na lumabas ng aming bahay. Ganun din si Remedios na aking matalik na kaibigan ay pinagbawalan makatuntong sa aming tahanan. Nalaman ni ama isa siya sa mga dahilan kung paano kami nagkikita ni Alexander. Mga panahon ring iyon ay tinakda ang aking kasal sa binatang gusto nila para sa akin. Iniisip kung anong kasawian ang aking dinaranas, isang pag-ibig na pinutol ng mga tao at hindi ang tadhana.

Hanggang kailangan ko ito makakayanan, hanggang kailan. Ang natitira na lang sa akin ay ang iniwan niyang alaala at hihintayin na lang itong tumubo at umusbong. Para sa kanyang paglaki ay makita ang parehong hugis na nagnilay sa mukha ng kahapon. Hanggang saan ko dadalhin? Hanggang kailan ko papasanin? paano ko ito kakayanin? Gusto ko ng wakasan ang aking buhay, ano pang kinabukasan ang sa aki’y naghihintay kung ang aking makakasama naman ay hindi ang aking pinakamamahal. Ano halaga ng buhay? Sa mga patak ng dugo na unti unti na ngayong kumakalat ang hapdi
Napansin ni Armando ang pahinang puno ng natuyong tulo ng dugo na hindi natapos ang pagsulat.

Hinanap niya ang karugtong nito sa kabila ng pahina ngunit wala siyang nakita rito, nanatiling malinis ang kabilang pahina. Mababakas sa mukha niya ang pagkatakot sa kanyang sarili kung bakit hindi na napagpatuloy ng kanyang ina ang kanyang sinusulat. Naging isang malaking palaisipan kay Armando ang pahinang puno ng patak ng dugo sa aklat talaarawan ng kanyang ina. Bumubuo sa kaisipan niya ang mga tanong na.

“Bakit hindi natapos?”

“Ano ang nangyari kay ina habang nagsusulat?”

Tinangka niyang sagutin ito sa isip niya, pilit binalik ang kahapon hindi naman siya naging saksi. Kung ano ang mga patak na iyon? Duon naalala niyang minsa’y naikwento sa kanya ni Nanang Remedios kung gaano ako kamahal ng aking ina kahit na muntik na niyang bitawan ang kanyang buhay dahil sa kasawian na sa kanya ay naganap. Parang narinig niya ang tinig ng matanda na bumubulong sa isip niya.

“Mahal ka ng iyong ina, hindi niya kayang tanggapin sa sarili na idamay ka sa kanyang kapighatian, kaya nilabanan niya ang ginawa niyang pagtitiwakal. Dahil sa kanyang kahinaan at natitirang lakas na naglalaban sa kanyang sarili. Unti-unti na lang itong tinanggap hanggang sa ika’y mailabas dito sa mundo.” sabi ng tinig na biglang nawala

Dahan-dahan namang may tumutulong luha kay Armando, nakaramdam siya ng pagkaawa sa kanyang pinakamamahal na ina, sa mga kasawian na kanyang pinagdaanan, sa mga pangyayaring wala siyang magagawa dahil nandoon palang siya sa sinapupunan nito ng maganap ang kasawian.

Nakita niya ang kahinaan at lakas ng kanyang ina. Ang kahinaan ay nagtulak sa kanyang wakasan na ang buhay na sa kanya ay pinahiram lang, lumabas ang kawalan niya ng kapangyarihan sa panahon ng isang mapinsalang daluyong, pilit siyang ibinabagsak ng isang malakas na puwersa, na humihila pababa sa kanyang natitirang lakas. Ngunit ang natitirang lakas sa sarili ay ginamit niya upang makatayo, pagkalugmok sa lupa nasa kanya ay humihila.

Ang natitirang lakas ay para sa batang nasa sinapupunan niya. Hindi niya mapapayagan pati siya ay idamay sa kahinaan na ayaw niyang labanan. Dahan dahang nabubuo na sa kanyang kaisipan ang mga pangyayari kailan man ay hindi niya maintindihan. Nagsimula siyang maglakbay at kinausap ang kanyang isipan.

“Lumilinaw ng unti-unti ang tunay na naganap sa batis ng mapaslang ang aking ina. Napagtagpi tagpi ko ang mga bagay na aking nalaman at pilit ko itong pinagdudugtong-dugtong. Ang mga iba’t-ibang pangyayari na tila mahiwaga para sa akin nuon. Hindi ang mga tulisan ang may sala gaya ng sinabi ng kinikilala kong ama. Hindi hiwa ng mga tulisan ang sugat sa kanyang katawan.

Hiwa iyon ng mga galit sa katotohanan na kanyang nalaman. Hindi rin sila ang kumitil sa aking ina kung di ang galit na naramdaman ng isang taong nadaya sa kanyang pagmamahal. Ang pagiging totoo ng aking ina sa sarili, ay inakala niyang simula ng kanyang paglaya. Sa isang bagay na dapat ay nuon pa niya nilabas, ngunit nagkaroon din ng pagkatakot kaya pinanghinaan siyang sabihin ang totoong nilalaman ng kanyang puso.

Katotohanan ang sa kanya ay magpapalaya, kaluluwa niya ay nakawala ngunit hindi ang mortal niyang katawan. Kinitil ng poot ang kanyang kalamnan, tinalo ang maunawaing puso ng isang mapusok na kaisipan. Hindi nasupil ng taong pakiramdam niya siya ay nalinlang, ang nagsilakbong galit na namumuo sa kanyang pagkatao at nagawa ang isang bagay na karumal-dumal. Kapag natauhan na ay pagsisisihan ang kanyang nagawa. Bigla akong binalik at naglakbay ang aking isip sa lugar na pinangyarihan ng pagpaslang sa aking ina.

Nakita ko kung paano hampasin ng gitara ang babae at ito’y natumba habang may tumutulo ng dugo sa kanyang noo at sa gitara ito rin ay bumabagsak. Kinuha ulit ang gitara para ihampas sa babae na pilit namang lumalayo. Galit na galit ang lalaki at hinampas ulit sa likod ng babae habang tumatakbo. Tumalsik ang duguang gitara sa batis. Samantalang ang babae ay nagmamakaawa. Binunot ang itak at inumpisahang pahagingan ang takot na takot na babae. Nagkaroon siya ng pagkakataon na mahawakan ang kamay na may hawak na itak para ito pigilan.

Nangbuno sila at nasusugatan nila ang bawat isa dahil sa pag-aagawan. Nanghina ng tuluyan ang babae at biglang naiturok ng lalaki ang hawak hawak na itak sa puso ng babae. Nagulat ang lalaki sa kanyang nagawa, agad niyang hinugot ito sa puso at kanyang hinawakan ang ulo, sabay iyak at humihingi ng kapatawaran sa kanyang nagawa. Hanggang may luhang umaagos sa mga mata ng kaawa-awang babae.”

Walang tigil ang tulo ng luha sa kanyang mata ng iwan niya ang kanyang kaisipan at bumalik sa realidad. Pagod na pagod sa kanyang paglalakbay, naglakbay siya sa lugar ng katotohanan. Dito niya naintindihan kung bakit simula ng mamatay ang kanyang ina ay hindi na siya minahal ng kanyang ama. Kung bakit napakaraming palo ang kanyang natatanggap.

Galit at pagkalito ang sa kanya tumanim, hindi sa sakit ng mga palo, dahil sa hindi maintindihang dahilan ng pagpalo. Mula nuon ay naging manhid ang loob at labas ng kanyang katawan sa nakikita at nadadama. Gusto na niyang ihimlay ang kanyang kaisipan, matagal na ring hindi ito nakatikim ng pahinga. Ngayon ang unang pagkakaton na siya mahihimbing, at hindi gising sa katotohanan na ngayon lang niya naintindihan. Pagkatapos ay pumasok na si Armando upang ipahinga ang pagod na katawan at isipan.

Kinabukasan ay humahangos si Densio na nagmamadali at tila napakahalaga ng sasabihin.

“Pareng Arman! Pareng Arman.”

“O, Densio! bigla kang napasugod.”

“Huwag kang mabibigla, si Nanang Remedios mo”

“Ano? Anong nangyari?” tanong na nagaalala ni Armando

“Binawian na raw ng buhay kagabi si Nanang Remedios.”

“Ha!” gulat na reaksiyon at hindi agad nakapagsalita si Armando. Sinimulan kausapin ang kanyang isip.

“Tinadhana ba ito ng pagkakaton kagabi lang luminaw ang lahat sa akin. Sinikap sagutin ang mga tanong mula ng aking kamusmusan. Kahapon ay lumiwanag ang matagal na ikinubli ng kadiliman, namahinga na ang anino na sunod ng sunod sa akin, aninong akala ko ay hindi na ako patatahimikin hanggang sa aking huling hininga. Sabay na kami ni Nanang Remedios na mamahinga sa matagal naming paglalakad kasama ang anino ng nakaraan. Sa katotohanang dala dala at pasan pasan namin dito sa mundo.

Pagkakataon ay hindi sa amin ipinagkait at kusa na itong lumabas upang malaman kung ano ang nasa likod ng aming mga buhay. Sa bagong mundong lalakbayin ng kanyang kaluluwa duon niya yayakapin ang naghihintay sa kanyang bagong kaligayahan at katahimikan, na matagal niya nang hinahangad. Maraming panahon ang kinain bago ko ito natagpuan, panahon lang pala ang makapagsasabi sa mga mangyayari. Hindi ito madidiktahan ng sinumang nilalang, panahon lang ang makapaghihilom sa sugat na hindi gumaling galing. Dati ako’y isang sugatan at kulang kulang ang pakiramdam sa mga bagay na hindi ko maunawaan.

Panahon sa akin ay nagpatunay at nagturo na mayroon akong bagong bukas na dapat kong harapin. Dito na nakasalalay ang kasalukuyan at kinabukasan. Ito’y aking dadalhin para maging sandigan sa aking pagsisimula. Kailangan ko nang tanggapin at iwan ang nakaraan. Kunin na lang ang aking mga natutunan upang ganap na makapagumpisa sa panibagong buhay na dapat kong pagsikapan. Kailangan tulungan ko ang sariling labanan ito alang alang sa naghihintay na kinabukasan. Ngayon ay sisimulan ko ng lumakad na malaya, matiwasay at walang inaalalang sumusunod sunod sa aking patutunguhan.”

“Paalam anino ng nakaraan.”

“Paalam.”
__________________________________________

“Inaalay ko ang kuwentong ito sa lahat ng mga tao na magpasahanggang ngayon ay sinusundan ng kakaibang mga anino, anino ng kanilang mga nakaraan.”

anino ng nakaraan
sinulat ni Kamalayang Kalayaan
natapos nuong Hunyo 25, 1999

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s