Ang Mga Ibon Ni Pedro

ANG MGA IBON NI PEDRO
ni Kamalayang Kalayaan

Tiktilaok! Tiktilaok! Tiktilaok! Gising ng tandang na parang namamaos sa dahan-dahang pagpapakita ng araw sa umagang iyon. Inaantok-antok pa si Pedro ng lumabas sa kanyang silid, tumuloy muna sa banyo para gawin ang araw-araw na ~kinagawian pagka-gising. Pagka-ligo ay pumunta na sa kuwarto upang magbihis at maghanda sa pagpasok sa eskuwelahan.

Nasa ikalawang taon na sa kolehiyo si Pedro sa kursong Advertising and Public Relation sa isang pang publikong pamantasan, malapit at katabi nito ang isang riles ng tren, na kasa-kasamang matatanaw ang nakahelerang tagpi-tagpi at dikit-dikit na mga bahay sa isang lugar ng Santa Mesa. Sa sobrang trapik ngayon ay kinakailangan gumising ng mas maaga. Lalo pa ngayong lunes, sasalubungin na naman ang masikip na daan ng Aurora Boulevard, dahil sa ginagawa ritong LRT na tila hininto ang paggawa. Mukhang hindi yata nababayaran ng gobyerno ang proyekto, kaya hayun iniwan na lang nakatambak at nakahambalang ang mga gamit sa daan.

Bukod sa ~kumitid ang mga daanan ay hanggang ngayon hindi pa rin nagbabago ang mga drayber, papalapit na tayo sa ika-dalawang libong taon o sa tinatawag nilang susunod na milenyo, ay wala pa rin silang disiplina. Kaya laging asar talo sa lumalalang sitwasyon sa trapik, dahil dito siya tuloy ang naging paborito ng propesor sa unang sabdiyek.

Madalas kasing nahuhuli ito na laging late. Tuloy ay nagiging tampulan ng asaran at tawanan, ng mga kaklase niyang alaskador kapag kinagagalitan. Maaga pa naman kaya hindi nag-aalala na mahuhuli. Halos isa’t kalahating oras kasi ang tinatagal para makapag-ayos sa pagpasok. Pagka-tapos ayusin ang sarili ay agad na itong tutungo sa ~kumedor, at duon nakahanda na lagi ang kanyang almusal.

“Pedro!”

“Bakit po nay?” magalang na sagot ni Pedro.

“Handa na ang almusal mo. Mauna ka ng kumain, tatapusin ko muna ang pagwawalis dito sa likod!” sabi ng kanyang Nanay.

Hindi sumasabay ang nanay niya sa pagkain tuwing umaga, tinatapos na muna nito ang paglilinis at pagdidilig ng halaman sa kanilang likuran. Hangang-hanga siya sa kasipagan ng kanyang ina, alas-kuwatro pa lang ng umaga ay gising na ito para ipag-init siya ng tubig na ipaliligo. Araw-araw ay ganun palagi ang takbo ng buhay, ang maagang bumangon upang simulan ang mga gawain sa kanilang tahanan. Ang pagluluto, paglilinis sa loob at labas ng paligid, ang maglaba, maghain at mag-asikaso sa kanilang lahat.

Una siyang nagigising at huling natutulog sa bahay. Mahirap talagang mapantayan ang kasipagan ng isang ina, lahat ng pagsasakripisyo ay ginagawa alang-alang sa pagmamahal sa kanyang pamilya. Sa isip ni Pedro ay maraming lumalaro na tanong, samu’t-sari ang mga nakikita na hindi maipaliwanag sa papel ng isang nanay sa pamilya, mula pa ng unang sumibol ang mga tao ay tila kinahon na ang kanyang buhay sa mga gawain sa tahanan. Parang walang mapagpipilian o tinakda ng ~pagkakataon na para gampanan, mukhang hindi man lang natin sila tinanong kung gusto nila ang kanilang ginagawa, o kaya naman baka napipilitan lang.

Hanggang ngayon ay isa pa ring ~palaisipan sa ating lahat kung ano ang nasa isip at puso talaga ng isang ina. Paminsan minsan ay dumadaing at nasabi nito na nagsasawa na rin sa ganuong pamumuhay, pero lubos ang pagtataka ni Pedro dahil patuloy pa rin niya itong ~ginagampanan. Naging konsuwelo na lang sa sarili ang paghahalaman, mahilig ito sa iba’t ibang uri ng halaman, nagmimistulang gubat na nga ang kanilang likod sa dami ng puno at halaman rito. Bukod duon mayroon din itong mga magaganda at makukulay na orkidea na lubos na pinagli-libangan, inaalagaan katulad ng ~pagkalinga at pag-iingat niya sa isang anak.

~Habang kumakain ay napatingin si Pedro sa bintana na malapit sa kinakainan, madalas kasi niyang marinig ang maraming matitining na huni, nagmumula ito sa itaas ng punong buko sa likod ng bahay. Patuloy na pinagmamasdan ang mga ~maiilap na ibong maya, na kinakain ang natirang kanin ng aso nilang si Tootsie. Natutuwa siya kapag nakikita niya ang mga ito, parang mga batang nagkukulitan at naghahabulan. Lalo na kapag mayroon nakuhang pagkain ang isa, ay agad-agad itong lilipad at hahabulin ito ng iba niyang kasamang ibon. Lahat sila ay magkakasama at masayang kumakain, ang iba naman ay bumabalik kaagad sa mga puno nila upang ibigay ang pagkain sa kanilang mga inakay.

Samantala habang pinapanood ni Pedro ang mga ibong maya, sa sandaling iyon mayroon namang nagaganap na mahalagang paghihintay sa itaas ng puno ng buko. Bukong kulay dilaw na ~animo’y ginto ang bunga, sa ingles tinatawag raw itong “golden coconut”. Sa itaas ng punong iyon ay naroon rin ang mag-asawang ibong maya na matiyagang naghihintay.

“Ano ka ba Huan! Lakad ka ng lakad, hindi ka mapirmi sa lugar mo.” inis na sabi ni Huana.

“Kinakabahan kasi ako.” sagot ni Huan.

“Bakit naman?”

“Siyempre! Magiging tatay na ako.”

“Ha! Ha! Ha! Kaya naman pala.” natatawang reaksiyon ni Huana sa asawa.

Naputol ang kanilang usapan ng marinig nilang ~lumalagutok na ang balat ng itlog. Hindi ~mailahad ni Huan ang kanyang nararamdaman, lalong bumibilis ang kanyang lakad at pabalik balik sa kinalalagyan. May kakaibang tuwa na makikita sa kanyang mukha, at tila hindi na makapaghintay sa paglabas ng unang anak. Ganuon din si Huana na medyo kinakabahan sa kanyang kinatatayuan.

“Bilis! Labas na anak, naghihintay na ang iyong tatay. Pipito sige pa! Kaya mo yan!” bigkas ni Huan sa inakay na pinipilit naman makawala sa balat ng itlog.

“Pipito! Sinong Pipito?” tanong ng nabiglang si Huana.

“Eto si Pipito!” tinuro ng dulo ng pakpak ni Huan ang itlog.

“Sigurado ka na bang lalaki yan, binigyan mo agad ng pangalan.” masungit na balik ni Huana.

“Basta si Pipito natin ang lalabas diyan. Di ba Pipito?” patanong na sabi ni Huan sa itlog.

“Paano mo nalaman?”

“Napanaginipan ko!”

“Hanggang ngayon ba sa tanda mong yan naniniwala ka pa rin sa panaginip, para lamang yan sa mga paslit.”

“Hindi ha! Walang pinipili ang panaginip, bata man o matanda mayroon pa rin yang kanya kanyang kahulugan. Naalala ko nga sabi ng aking ama, may mga sulok raw ng buhay na hindi naman talaga tumatanda at may mga silid ang puso na nananatiling mga musmos.”

“Hmm! Ang lalim non ha.” bigkas ni Huana.

“Maniwala ka, malakas ang ~kutob kong lalaki ang bubulaga sa atin.”

Biglang naputol ang pagtatalo ni Huan at Huana, ng ~dagliang lumabas ang tuka, at sumunod ang basang mga pakpak, hanggang sa ito gumulong gulong at kumawala na sa balat ng itlog. Tiningnan agad ni Huan ang inakay at sabay.

“Ha! Ha! Ha! Ha! Ha! Ha! Ha! Ha! Ha!”

Lumipad ng paikot-ikot sa kanilang pugad si Huan, kasabay ng tawa na di mapigil ang kasiyahan. Agad namang pinuntahan ni Huana ang inakay at binigyan ng init ang basang katawan, kasabay ng pagyakap at ~dinampian ng may maingat na halik sa noo.

“Ha! Ha! Ha! Ha! Ha! Ha! Ha! Ha! Ha!”

“Bakit ganyan ang tawa mo?” tanong ni Huana.

“Pipito nga!” tuwang-tuwang sinigaw ni Huan ang nakita at habang paikot-ikot sa puno ay sinabayan pa ng kantang kanyang gawa.

“Si Pipito isinilang na, ~minulat niya ang mga mata, nakita paligid na maganda. Lalo na ang guwapong tatay niya.”

Samantala sa ibaba ay naroon ang mga ibong nagtataka at nag-iisip, kung ano ang naririnig nilang ingay na nanggagaling sa itaas ng puno ng buko na malapit sa kanila. Kasalukayan naman ang amo nilang si Pedro ay binibigyan sila ng pagkain, ito ang ginagawa tuwing umaga bago ito umalis papasok sa eskuwelahan. Pinalitan rin nito ang lalagyan ng inumin na laging dumudumi, dahil sa natatapunan ito ng pira-pirasong pagkain at mga nalalaglag na dumi ng mga alaga niyang ibon. Mayroon siyang “Myna Bird” na pinangalanan niyang Sgt. Pepper, ganun din kasi ang pangalan ng alagang loro ng idol niyang si John Lennon nung nasa “Beatles” pa ito.

Hindi na inabutan si John Lennon, malamang ay nasa tiyan pa siya o kasalukuyan pa lang inaasembol ng ito ay ~paslangin ng kanyang sariling tagahanga. Kumbaga kay Pedro “in memory of John Lennon na lang” kaya iyon ang ginawa niyang pangalan. Niregalo si Sgt. Pepper ng kanyang pinsan nung mga nagdaang pasko. Kahit anim na taon na niyang alaga si Sgt. Pepper ay ~mailap pa rin, lagi siyang tinutuka kapag pinapasok ang kamay para lagyan ng pagkain. Kaya naisip niyang hindi maganda ang ugali nito, siya na nga raw ang binibigyan ng pagkain ay nanunuka pa. Minsan tuloy kapag naiinis sa ibon ay nasasabihan itong mayabang. Hindi lang “Myna Bird” ang alaga niya, mayroon rin siyang dalawang puting kalapati na nakuha sa isang kasal na kanyang dinaluhan. Medyo matanda na ang lalaking kalapati, nagsisimula na kasing malagas ang balahibo sa tuktok ng ulo nito.

Bininyagan ang mga ito sa pangalang Doro at Doray. Nandiyan din si Ka Leroy ang matandang loro, bali ang pakpak ng makuha sa harap ng kanilang bahay, sugatan ang isang pakpak dahil sa tama ng isang bato na galing sa tirador ng isang bata. Naawa siya sa loro at naisip niyang mukhang napabayaan ng amo, at pinakawalan na lang dahil sa kanyang katandaan. Siyempre ang batang magkapatid na ibong martines, na si Walter at Jaime na nabili sa isang bilihan ng hayop sa Arangke Market. Sila ang limang alagang ibon ni Pedro. Bukod duon sa nakakulong ay tinuturing mga alaga na rin niya ang mga ibong maya, na palaging nangingingain sa mga pagkain ng alaga.

Kinabukasan ng umagang iyon ay bumaba agad si Huan upang kumuha ng pagkain, masiglang-masigla at may pasipol-sipol pa habang lumilipad paibaba sa lupa. Pinuntahan agad ang nagkukumpulan na mga kauri niyang mga ibong maya na kumakain, ang iba ay nakatayo sa gilid ng kainan ng asong si Tootsie. Ang ibang ibon naman ay nasa loob na ng kainan. Samantalang tumutuka ng kanin si Huan, siya ay napahinto ng mayroong biglang tumawag sa pangalan niya.

“Huan! Huan!” sigaw ni Sgt. Pepper.

Lumipad sa lamesa si Huan kung saan nakapatong ang kulungan ng ~hambog na si Sgt. Pepper. Binaba muna ang pagkaing dala na nakaipit sa kanyang tuka.

“Magandang umaga po sa inyo Ginoong Sgt. Pepper.” pagbati na may paggalang ni Huan.

“Sino bang may kaarawan? May narinig kasi kaming nagaganap na kasiyahan sa inyong pugad kahapon.”

“Wala po, Napisa na po kasi ang ~nililimliman na itlog ni Huana. ~Ganap na tatay na ako, pagkatapos ng matagal na paghihintay. Sa wakas ay lumabas na si Pipito ko, Pipito nga po pala ang pangalan ng malakas kong inakay.”

“Hmm! lalaki pala ang inakay mo!”

“Napakalikot at napakasigla po niya, nakinikinita ko na, na magiging katulad ko po siya.” pagbibida ni Huan sa kausap.

“Ganun ba! Mabuti yon.”

“Hmmp! Magiging katulad mo rin siyang ~walang sinabe tulad pa ng iba niyong mga kalahi.” pangising sabi ni Sgt. Pepper sa kanyang isip.

“Sige po! Maiwan ko muna po kayo at dadalhin muna ang pasalubong kay Pipito ko.”

Lumipad na si Huan upang bumalik sa kanilang pugad at tuluyan na niyang iniwan ang ~palalo na si Sgt. Pepper. Bitbit-bitbit ang mga pagkain na nakuha sa ibaba, ito’y nakaipit sa kanyang maikling tuka.

Unti-unti ng lumalaki si Pipito, ~marahan na niyang ibinubuka ang dalawang pakpak, kanyang sinusubukang ~ipagakpak ito na parang umaakmang lilipad. Mahina pa ang kanyang mga pakpak, maraming panahon pa ang lilipas upang ganap na lumakas at magamit sa paglipad. Habang pinaglalaruan ang kanyang maliit na ~bagwis ay napagmasdan niya ang isang paruparo na lipad ng lipad sa kanilang puno, ~manghang-mangha siya sa ganda ng pakpak nito, matingkad ang mga kulay na parang sa isang bahaghari.

Bakas sa kanyang mukha ang konting inggit sa ginagawang paglipad-lipad nito, kaya dahan-dahan niyang ginagaya ang pagaspas ng mga pakpak ng paruparo, pero nabigla ito ng dumapo ang kulisap sa kanyang maliit na tuka, siya ay tinitigan at sila ay naghahabulan ng tinginan. Taas, baba, kaliwa at kanan ang direksiyong pinuntahan ng kanilang mga mata. Laking gulat na lang ni Pipito ng biglang pitikin ng maliit na paa nito ang isang mata niya ng pilyong paruparo. Napapikit at pagdilat ay gagantihan sana ng kanyang tuka, ngunit ito’y nakailag at bigla nang lumipad pataas na palayo sa puno.

Sa galit ay pinipilit niyang lumipad kahit mababa upang habulin ang kulisap, subalit ilang beses siyang bumagsak sa kanilang pugad. Lingid sa kaalaman matagal na pala siyang pinagmamasdan at lihim na napapangiti ang kanyang ama. Nilapitan si Pipito na natutuwa pagkatapos nitong bumagsak habang ~pinagsisikapan nitong lumipad. Tumama na una ang ulo sa kanyang pagkahulog at sabay sabing.

“Aray! Ulo ko! Ang sakit!”

“Ha! Ha! Ha! Ha! Ha! Ha! Ha!”

“Bakit niyo po ko pinagtatawanan?”

“Wala kang kamalay-malay na kanina pa kita pinagmamasdan riyan, at hindi kita pinagtatawanan, natutuwa lang ako sa’yo anak dahil sariwa pa sa aking ~gunita nung ako’y bata pa. Tulad mo rin ilang araw pa lang nakalalaya sa itlog, ~ninanais ko na ring gamitin agad ang aking mga pakpak at lumipad ng na…..pakataas.”

“Gusto ko na pong makalipad itay.”

Huminga ng malalim si Huan, sabay inakbayan si Pipito upang ipaliwanag sa anak ang mga bagay-bagay na dapat niyang malaman.

“Sa buhay natin hindi puwedeng madaliin ang paglipad, malaking ~kapahamakan ang ~idudulot sa’yo nito kung ang iyong ~kainipan ay pagbibigyan. Kailangan mong isabay ang paglakas at pagtibay ng iyong mga pakpak sa ~agos ng panahon. Kapag dumating na iyon malaya mo nang mayayakap ang kalawakan.”

“Panahon? Ano po yon?” nagtatakang tanong ni Pipito sa kanyang ama.

“Hay! Paano ko ba ito ipaliliwanag.” natatawang reaksiyon ni Huan.

“Nakikita mo ba ang puno sa paligid natin.”

“Opo!” sagot ni Pipito.

“Ang mga puno ay hindi kaagad-agad nagiging isang mataas at malaking puno.”

“Ano po ang ibig niyong sabihin?”

Lalong nagkaroon ng pagka-lito si Pipito sa pinaliliwanag ng kanyang ama. Lumipad si Huan sa ibaba at kumuha ng isang maliit na bato sa pamamagitan ng kanyang paa at agad-agad na bumalik sa pugad. Binagsak niya ang maliit na bato sa harap ng kanyang anak. Nilarolaro naman ni Pipito ang maliit na bato ng kanyang tuka. Pinagugulong-gulong at sinisipa ng kanyang maliit na paa.

“Puno po ba ito?” turo ni Pipito sa bato.

“Ha! Ha! Ha! Hinde anak, isang maliit na bato yan, gusto ko lang ipakita sa’yo na kasinlaki nitong maliit na bato ang pinagsimulan ng isang puno.”

“Talaga po!” pagkabigla na may pagtataka.
Kinuha ng munting tuka ang maliit na bato at minamasdan ng husto, saglit lang ay binuka na ang tuka at nahulog ito sa harap niya.

“Paano po siya nagkasya rito.” habang pinandidilatan ni Pipito ang bato.

“Ha! Ha! Ha! Nakakatuwang tanong ng isang inosente.” halakhak ni Huan.

“Hindi pa siya puno, kailangan mo munang itanim ang isang binhi ng kasingliit nitong batong nasa harap mo. Dapat mo muna siyang ibaon sa lupa, kinakailangan din itong diligan, pagkatapos ay hintayin ang ~pagsibol ng isang munting halaman. Bibilang pa ng maraming araw, buwan, taon, bago siya maging isang ~ganap na puno. Patitibayin siya ng ilang libong beses na pagtago ng buwan at paglitaw ng araw. Napakaraming pag-iiba ibang panahon ang sasalubong sa kanya. Madaming bagyo pa siyang ~susuungin, mga bahang kailangan lagpasan at tagtuyot na pagtitiisan. Tulad mo’y marami ka pang pagbagsak sa pugad na mararanasan bago ka makalipad ng tuluyan at maging katulad ko. Hintayin mo ang tamang panahon.” ~pahayag ni Huan sa anak.

“Kailan po ang tamang panahon?”

“Hindi ko alam, walang nakakaalam. Ang panahon at ikaw lang ang aalam non.” sagot ni Huan.

“Bakit kailangan ko pang danasin ang maraming pagbagsak, hindi ko po ba puwedeng ~lagpasan iyon at upang makalipad agad.”

“Hay… Alam mo anak hindi natin maaaring lagpasan yon, lahat tayo na narito sa mundo ay hindi ito puwedeng ilagan, lalo na ang hapdi at sakit ng isang ~likas na daloy ng buhay. Ngunit maaari itong ~maiwasan sa sandaling maulit ito sa’yo. Dapat nga lang ay iyong ~mabatid ang nagawang kamalian nuon o mga hakbang na nagdulot ng hindi magandang ~kinalabasan ng iyong mga ~kilos.”

“Itay mukhang napakahirap pala ang manirahan dito, sa inaakala kong ~payak na buhay sa daigdig natin. Sana’y nanatili na lang ako sa loob ng itlog, kahit na nag-iisa ay ~panatag ang aking kalooban sa madilim kong mundo, walang nakikita, walang anumang sakit na nadadama, walang maririnig na ~taghoy na ~dumadaing.”

“Alam mo anak kaya nga kami narito ng iyong ina upang ~hubugin at palakasin ang iyong mga pakpak. Patnubayan ka sa ang iyong paglaki at ~pawiin ang ~pangamba sa iyong sasalubungin na buhay. Nuong bata pa ako habang naglalaro sa itaas ng puno, nakita ko ang ~bahay-uod ng isang pinaka-magandang paruparo. Pinagmamasdan ko ang ~pakikipaglaban niyang makalabas, gayon pa man ang ~seda ng bahay uod ay nagpapahirap sa kanya para makatakas. Naisipan kong tulungan ang paruparo sa loob ng bahay-uod, kaya ito ay aking sinira. ~Kinaway ng paruparo ang kanyang mga pakpak ng maraming beses, kaya lang sa halip na makalipad, siya ay bumagsak.” istorya ni Huan.

“Bakit hindi po siya lumipad at dagling nahulog pa? Dapat pa nga ay nakalipad dahil hindi na siya nahirapan sa pagtanggal ng sedang dikit-dikit na nakapalibot sa kanya.”

“Lumipas ang maraming panahon ay aking napag-alaman at naunawaan, na ang bahay uod pala ay nagbibigay ng tamang ~puwersang salungat para sa isang paruparo, ang ginagawang ~pagpupumilit niya para makalaya, ay magpapatibay pala sa kanyang mga pakpak. Ang mahirap na pag-alis at dahan-dahang pagsira sa sedang dikit-dikit, ay dito niya ~matatamo ang ~nararapat na ~puwersa, at ang puwersang iyan ang magbibigay sa kanya ng ~sapat na lakas para ganap na makalipad.”

“Ha… E ano naman po ang ~kaugnayan sa akin ng mga pakpak ng isang paruparo, na kailangang piliting makawala sa sedang dikit-dikit?”

“Katulad mo anak marami ka pang pagka-laglag na dadaanan para tuluyang makalipad, ang mga pagkahulog mo ng maraming beses, at pagtayo ulit ang magpapatibay sa ~buo mong pagkaibon. Kaya nga nararapat na ihanda mo ang iyong sarili dahil marami pang darating na ~unos sa iyong buhay, asahan mong ikaw ay mahihirapan, pero kailangan mo itong labanan para tuluyang magkaroon ng lakas at ~makamtan ang tunay na kaginhawaan. Mag silbing aral sa’yo ang mga kabiguan at matuto sa mali ng nakalipas. Ito ang magpapatatag sa’yo upang iyong makayanan sa susunod na ikaw ay mabigo. Siyempre sa tulong ng iyong ~pananalig at paniniwala sa sarili mo ay mas malinaw mong matatanaw ang pag-asa.”

“Bakit kailangan ko pang makipaglaban sa takbo ng aking buhay?”

“Kung walang ~pakikipaglaban sa buhay, ay walang magaganap na pag-unlad at ~pagbabago sa iyong sarili, ganun din sa iyong ginagalawan na daigdig. Kung susuko ka na, ngayon pa lang ay ~mananatili ka na lang sa iyong pugad at kailan man ay hindi ka na makalilipad, lalo na ang iyong ~kamalayan.” pangaral ni Huan sa anak.

Samantala sa ibaba naman nila ay nagkukumpulan ang maraming ibong maya, naroon sila malapit sa lalagyan ng pagkain ng aso, para bagang nagbubulag-bulagan si Tootsie na hindi nakikita na kinakain ang kanyang tanghalian. Laging matamlay at hindi makakain, madalas ay maraming natitirang pagkain sa kanyang lalagyan, kaya galit na galit at palagi siyang nasisigawan ng nanay ni Pedro. Samantala nag-uusap-usap naman ang mga ibon na nakakulong at kanilang pinag-uusapan ang paborito nilang ~paksa, ang mga ibong maya.

“Hindi ba kayo naiinggit sa mga maya.” tanong ni Doro habang nakatingin sa mga ibon sa labas ng kulungan.

“Bakit naman ako maiinggit sa kanila?” sabi naman na may pagmamalaki ni Sgt. Pepper.

“Tingnan mo malaya sila, malaya nilang naigagalaw ang kanilang mga pakpak, nakakapunta sila sa mga lugar na gusto nilang puntahan, di tulad natin patalon-talon lang sa mahabang kahoy na nakatusok sa magkabilang dulo ng kulungan natin.” may pagkabigo at nalulungkot na salita ni Doro.

“Dapat sila ang mainggit sa atin.” pagyayabang ni Sgt. Pepper.

“At bakit naman?” tanong ni Doro.

“Alam mo Doro, tayo ay nakakasiguro na laging may kakainin, hindi tulad nila kung wala pang matitira yang si Tootsie, eh wala silang mailalagay sa tiyan nila, magtitiyaga na lang sa kung ano-ano na nariyan sa lupa, o kaya sa mga nalalaglag at nabubulok na bunga ng mga puno, na hindi naman laging namumunga.” paliwanag ni Sgt. Pepper.

“May ~katwiran siya Doro, hindi mo ba alam na laging nanganganib ang buhay natin kung tayo ay nasa labas. Iyong pansinin ang paligid, nariyan ang mga taong bumabaril sa atin, nandiyan din ang mga lumalabag sa batas na ~nagtro-troso, na walang ~pakundangan na pumuputol sa ating mga tahanan. Nakakatakot na talagang manirahan sa labas.” singit ng matandang si Ka Leroy.

“Pero sangayon ako kay Doro, iba pa rin ang malaya. Ang kumain na lang ba ang pinaka-mahalagang bagay para sa isang ibon. Di ba dapat nating ~tuklasin at ~suriin ang ~kailailalimang dahilan ng ating paglipad sa kalawakan.” biglang sabat sa usapan ni Jaime.

“O siya! Siya! Lahat naman tayo hindi nating ginusto na malagay rito sa kulungan, at nagkataon na wala tayong karapatang pumili ng mas ~mainam na pamumuhay para sa ating mga sarili. Sino ba ang natutuwa? Kaya lang naman tayo narito dahil hinuli at pinagkakaperahan ng mga sinumang hinayupak na mga iyon. Ang pang ~palubag-loob lang natin ay ang ~kasiguruhan na hindi tayo magugutom sa kamay ng ating mga amo.” ulit ni Ka Leroy.

“Siyempre hindi nila tayo gugutumin at siguradong bubusugin pa, sayang naman ang binayad nilang pera ng bilin tayo sa tindahan.” hirit naman ni Sgt. Pepper.

“Kung ako ang papipiliin gugustuhin kong maging malaya. Para sa akin mayroon tayong kalayaan na ~magpasiya, kung gusto nating ~makipag-sapalaran sa ating paligid. Hindi na baleng nangangamba ka sa tuwing lilipad, at baka may bigla na lang bumaril o kaya tumirador sa iyong mga bata. Ang mahalaga sa sarili natin, nagkaroon tayo ng ~pagpapasiya sa isang bagay na kagustuhan natin at hindi ang ~idinidikta sa atin.” sambit ni Walter.
“Iho! Masyadong ~mapangahas at ~mapusok kung ikaw ay mag-isip. Ang mga ganyang ~pananaw ay malapit sa ~kapahamakan.” sagot ni Ka Leroy.

“Mas malaking kapahamakan naman po ito sa ating mga sarili kung hindi natin ito isasakatuparan, para sa akin dapat lahat ay gawin, kahit ano ay titiisin, ano mang panganib ay haharapin hanggang ang kalayaan at tagumpay ay marating. Ako ay isa sa mga mapalad na ginawa ng ~Maykatha rito sa mundo, na binigyan niya ng lakas na loob kaya ito ay hindi ko sasayangin.” habol ni Jaime.

“Mga kasama dapat na sigurong alugin ang utak ng dalawang magkapatid na ito, para bumalik sa tamang pag-iisip nila.” sabi ni Sgt. Pepper na ~nanunuya sa dalawang batang ibong martines.

“Basta kami kapag nagkaroon ng ~pagkakataon na makalaya, iyon ang aming pipiliin at gagawin. ~Nakaligtaan niyo na po yata ang kasabihan na ~pinamana sa atin ng ating mga ninuno, ang sinumang nakakakita sa malayo ay makalilipad ng mas mataas.” sagot ng magkapatid.

“Hindi na magaganap ang mga iniisip niyo mga iho.” balik ni Sgt. Pepper.

“Hindi niyo masasabi, baka maiwanang bukas ng di sinasadya ng mga amo natin ang pinto ng kulungan.” bigkas ni Walter.

“Hmmp! Mangyari kaya yon! Aber!” ~tugon ni Sgt. Pepper na naiinis at galit.

“Ang ibon raw na may ~pagka-maasahin ay nasa kanya ang matuwid na dahilan para madala ang tagumpay. Subalit ang ~mahilig sa pagmamasama ay palagiang binibigyan ~panganga-twiran ang bawat pagkakamali sa kanyang ~kilos.” habol ni Jaime.

“Hay! Hay! Hay! Ang buhay nga naman, dati rati’y ang mga ibon raw ay singlaya ng mga tao.” pahabol ni Doro.

“Malaya nga ba ang mga tao?” tanong ng magkapatid na ibong martines.

“Ewan ko!” balik ni Doro.

“Magsitahimik nga kayo diyan! Huwag na kayong magtalo-talo, pare-pareho kayong mali, kahit ano pa ang sabihin niyo, dito na tayo sa ating mga kulungan isa-isang mamatay.” galit na sabi ni Doray sa mga kasama.

Dumaan ang maraming buwan at sinimulang tubuan na ng balahibo si Pipito, lalong naging maliksi at matulin na ~naiwa-wagayway ang mga pakpak na dati rati ay hirap na hirap. Ngayong lumaki ay madalas na siyang naiiwan ng nag-iisa sa itaas ng puno nila, umaalis ang kanyang tatay at nanay para maghanap ng kanilang makakain. Hindi mapakali ang munting ibon sa kinalalagyan, nakalilipad na rin ng mababa at madalas duon lang sa palibot ng kanilang pugad lumilipad-lipad. Nagkaroon ng pagkainip si Pipito dahil walang magawa at makausap, wala naman ang kanyang ina na puwedeng kulitin sa mga tanong. Ganun din ang amang palagi niyang kalaro at kakuwentuhan. Tanging ingay lang ng dahon at mahihinang tinig na parang nag-uusap-usap na nagmumula sa ibaba ang kanyang naririnig. Kaya dumungaw si Pipito sa pugad, biglaan namang nalula sa taas ng kanilang kinatitindigan at mabilis na lumabo at luminaw ang paningin, hanggang sa ito ay magbalik sa dati at matanggal ang hilo. Natanaw niya na mayroon mga gumagalaw-galaw sa ibaba, umiral ang kanyang pagtataka at inusisa ang isip kung ano ang mga ito. Kaya nakatuwaan niyang ilagay ang mga paa sa dulo ng pugad, nanginginig-nginig ang mga tuhod na hindi pa mabalanse ang sarili. Sabay binuka ang mga pakpak at aakmang tulad ng isang lilipad. ~Tinutularan niya ang ginagawa ng kanyang ama kapag nakikita ito sa umaga, tuwing lumilisan sa pugad nila. Alam naman niya sa sarili na hindi pa siya ganap na makalilipad ng mataas at malayo. Wala pa sa panahon at mahina pa ang mga pakpak. Habang ~wina-wagayway ang pakpak ay biglang dumating ng hindi inaasahan ang isang malakas na hangin, animo’y tinulak at saba’y nawalan ng balanse sa kanyang kinatatayuan. Nagtuloy-tuloy na nahulog at nagsisigaw sa takot si Pipito, at parang mabilis na tinatambol ang kanyang dibdib sa kaba samantalang matulin na bumubulusok paibaba, kaya basta-basta na lamang pinagaspas ang mga pakpak na walang direksyon para lang makalipad. Buti na lamang nung malapit na sa ibaba ay natama niya ang pagaspas ng pakpak. Unti-unti ng pumapantay ang kanyang lipad, kaya lang hindi napansin ang mga pulang palma na nakapaligid sa puno ng buko, naumpog at tuluyang bumagsak sa kumpol ng mga halaman. Lumabas si Pipito na himas-himas ang ulo ng kanyang kanang pakpak sa halamanang binagsakan. Hindi naman masyadong nasaktan, nakangiti pa ito na natatawa sa nangyari, at biglang naalala ang nagawa habang pabagsak.

“Ah! Tila yata nakalipad ako kanina?”

“Oo nga! Nakalipad nga ako kanina.”

“Hi! Hi! Hi! Hi! Hi! Hi! Hi! Ayos!”

“Nakalilipad na ako! Nakalilipad na ako!” sigaw ng tuwang-tuwang si Pipito.

“Hi! Hi! Hi! Hi! Hi! Hi! Hi!”

Sabay lipad at masayang masaya ang batang si Pipito, kakaibang kasiyahan ang nararamdaman sa kanyang nagawa, matagal na itong inaasam-asam at ngayon ay naganap na.

“Nakalilipad ka nga! Pinaliparan mo naman ako ng isang bukol!” biglang sabi ng tinig na nanggagaling sa halaman na pinagbagsakan niya.

“Ha! Sino yan? May ibon po ba diyan?” bigkas ni Pipito.

Mabilis siyang tumingin sa harap at likuran ngunit wala namang ibang naroon. Bumaba sa lupa at lumapit ulit sa kumpol ng mga halaman, hinawi ang makapal na damo at hinahanap kung saan nanggagaling ang boses na narinig, biglang ~tumambad sa kanya ang isang tandang na manok. Laking gulat ni Pipito sa nakita, isang malaking hayop na parang katulad nila na may pakpak, dalawa ang paa at tukang hindi naman kahabaan. Siya’y pinandilatan sa galit ng tandang at aakmang parang tutukain, ito’y nagkaroon ng bukol sa tuktok ng ulo dahil sa pagkakahulog niya rito. Takot na takot ang pipit at nakiusap sa tandang na manok.

“Huwag mamang higanteng ibon! Huwag niyo po akong tukain, hindi ko po sinasadyang kayo ay mahulugan.”

“Ano! Hmm! Sinong nagsabi sa’yo na ako’y isang ibon?”

“Di ba po kayo’y isang ibon?”

“Hinde! Hinde ako ibon!” galit na pahayag ng tandang.

“Masasabi mo nga na ang mga paa, pakpak, at tuka ko ay walang pinagkaiba sa inyo. Ngunit ako ay isang manok na matapang at walang inuurungan!” may kaunting pagmamalaki na sabi ng Tandang.

“Ganun po ba.”

“Romeyo ang tawag sa akin ng mga kaibigan kong Tandang.”

“Tandang?” nag-iisip na sabi ni Pipito.

“Oo, isang manok na panabong.”

“Panabong?” tanong ni Pipito na walang alam.

“Hindi mo ba alam yon, nilalabanan namin ang kapuwa namin Tandang na manok.”

“Naglalaban?”

“Yung bang, nilalagyan kami ng tari sa paa, matulis na bagay yon na ikinakabit ng isang sabungero sa kanyang manok, pagkatapos ay bibitawan na kami ng aming mga amo para umpisahang maglaban.”

“Bakit po, kagalit ba ninyo ang kinakalabang tandang na manok?”

“Ano ka ba? Hinde!”

“Kung hindi pala po. Bakit kailangan niyong mag-away?”

“Kinakailangan, magagalit ang mga amo naming sabungero kung hindi namin ito gagampanan, baka kami ang ~sentensiyahan at gawing tinola para sa tanghalian nila.”

“Amo? Sabungero?” tanong ni Pipito.

“Yun ang tawag namin sa taong nag-aalaga sa amin, nagpapakain, naghahanda para sa aming mga darating na laban.”

“Mang Romeyo di ho ba masama ang makipag-away?”

“Ang dami mo namang tanong bata ka. Basta yan ang papel naming mga tandang dito sa mundo, ang makipaglaban sa kapuwa tandang.”

“E… Bakit po?”

“Ah…………. Para patunayan kung sino ang tunay na lalaking tandang.”

“Bakit kailangan niyong patunayan? Hindi po ba kayo lalaki?”

“Siyempre lalaki!” inis na sagot ng Tandang.

“O siya ako’y aalis na at maghahanap ng bagong pagtataguan.”

“Bakit po kayo nagtatago?”

“Para di sumakit ang katawan.”

“Ha! Sino po ba ang pinagtataguan niyo?”

“Ah… Yung……. asawa ko, si Julieta.”

“Bakit niyo po siya pinagtataguan?”

“Ah kasi? Ano. Ah……… Malamang nalaman na niya na hindi ako nagpalipas ng gabi sa tiklis namin.”

“Romeyo! Romeyo! Lumabas ka at magpakita sa akin!” sigaw na galit ni Julieta sa malayo.

“Naku! nariyan na siya, lagot ako ron kapag ako’y inabutan, tiyak buntot ko lang ang walang tuka at hindi ~kinahig. Pagnakita ka niya huwag mo akong ituro, sabihin mo hindi mo ako nakita.”

“E, nakita ko naman po kayo Mang Romeyo.”

“Ano ka ba naman? Kunwari nga! Hindi mo ako nakita, wala kang nakita ha!”

“Masama ho yon, masama ho ang magsinungaling.”

“Sige, aalis na ako!”

“Sandali lang ho may itatanong pa po ako sa inyo.” pahabol ni Pipito na biglang hinawakan at hila-hila ang pakpak ng tandang.

“Diyaskeng pipit ka! Ano ba yon?”

“Akala ko ho wala kayong inuurungan?”

“Sinasabi ko yon sa lahat ng mga tandang pero hindi sa inahen kong asawa na si Julieta, taga bisaya yon, may lahing waray at saksakan ng tapang. Ipinaglihi yata yon sa mga manok ni Gabriela Silang.”

“Ho!”

“Sige diyan ka na!”

~Dagliang umalis at kumaripas ng takbo si Romeyo na iniwang nag-iisa ang ibong pipit, sabay namang dumating ang inahen sa harap na kasunod ang kanyang mga sisiw na nag-uunahan, siya ay dinaanan lang at hindi pinag-ukulan ng pansin. Natatawa lang si Pipito sa kakaibang ikinilos ng tandang, kaya nag-disisiyon na umpisahang maglakad palayo sa kanyang binagsakan. Tumitingin at ginagala ang mga mata sa paligid habang nadadaanan niya ang iba’t-ibang klase ng halaman na nakalagay sa paso, ang iba naman ay sa ubos na lalagyan na plastik ng pansit na may sabaw. Nakatambak rin duon ang mga sirang gulong na nabubulok at nagkaroon na ng tubig sa gilid dahil sa buhos ng ulan, pinamumugaran at ginagawa na itong tirahan ng mga lamok. Naroon rin ang mga butas na lumang drum na tuluyan ng kinakain ng kalawang. Mga silyang kulang-kulang ang paa at mga pinagtabasan na yero at kahoy na nakasandal sa pader ng bahay. Tiningala niya ang ulo patalikod upang tingnan ang kanyang pinagkahulugan. Hindi niya namalayan na mababangga na pala siya sa ilong ng natutulog na asong si Tootsie. Nakakita ng bituin sa umagang iyon si Pipito dahil sa pagkakaumpog, pagdilat ng kanyang mata ay nabigla at malaking takot ang naramdaman. Ngayon lang nakakita ng ganitong klase ng hayop si Pipito, singlaki lang siya ng mga paa nito. Sa isip ay lumaro na kaya siyang kainin sa isang ~iglap o kaya durugin ng mga paa sa isang hakbang. Idinilat lang ng aso ang mga mata at agad ring ipinikit na parang walang bumangga. Napawi agad ang kaba sa dibdib ni Pipito, at sinimulan kausapin ang aso para humingi ng paumanhin.

“Pasensiya na ho kayo. Naistorbo ko ang inyong pagtulog.” sabi ni Pipito.

Hindi sumagot ang aso at para itong walang narinig, ~mababanaag sa mukha nito na tila may mabigat na dinaramdam.

“Ako po si Pipito, isang ibong maya.”

Humikbi lang ang aso at may tumulong isang patak na luha sa mga mata. Kaya nagtanong ulit si Pipito.

“Bakit po kayo umiiyak?”

“Hu! Hu! Hu! Hu! Hu!”

Tuluyan ng humagulgol sa iyak ang aso, lumipad naman si Pipito sa itaas ng ulo at sinimulang himasin ng kanyang pakpak
ang ulo nito. ~Awang-awa si Pipito sa ~pagdadalamhati kaya pilit niya itong ~pinapakalma.

“Tahan na ho, huwag na po kayong lumuha.” sabi ni Pipito.

“Hu! Hu! Hu! Hu! Hu! Hu!” sabay iyak ng aso.

“Masama ho ba ang nasabi ko?”

“Hindi Iho.”

“Kung hindi po ako. Bakit po kayo malungkot?”

“Naalala ko kasi yung mga anak ko.”

“Nasaan na po sila?”

“Ipinamigay na sila ng amo ko. At bilang isang ina ay hindi ko man lang sila naipaglaban. Hu! Hu! Hu! Hu! Hu! Hu!”

“Ho! Bakit po kayo pumayag?”

“Wala naman akong magagawa dahil yon ang gusto nila, ako lang raw ang kaya nilang pakainin.”

“Pero anak niyo po yon. Kayo ang may karapatan sa kanila.”

“Pero ako’y isang aso lang na kailangang sumunod sa gusto ng aking amo.”

“Kaya po ba hindi kayo makakain? At hindi nauubos ang pagkain niyo.”

“Oo, tama ka. Hindi ko malunok ang bigay ng mga taong ~sanhi ng pagkalayo naming mag-anak. Di ko matanggap ang pagkawalay ng mga tuta ko sa akin.”

“Nalulungkot po ako sa nangyari sa inyo, kung mayroon lang magagawa ang isang kagaya ko.”

“Malaking bagay na sa akin ang pagdamay mo ngayon. Salamat sa’yo Pipito.”

“Saan po?”

“Sa pakikinig, ikaw lang ang ~nagdulot sa akin ng panahon at binigyan pansin ang aking dinaramdam.”

Nagpaalam na at iniwan ang aso na kahit papaano ay ginantihan siya ng maliit na ngiti habang papalayo rito. Ngunit mababakas pa rin sa mukha ang pangungulila sa mga anak na nawalay sa kanya. Samantala habang ginala niya ang kanyang paningin at naglakad-lakad sa paligid. Napatabi siya sa paa ng lamesa, na malapit sa pinagpapatungan ni Doro at Doray na kalapati.

“Psst! Batang ibon! Batang ibon!”

“Ha! Mang Romeyo kayo po ba yan?”

“Hinde ha! Wala naman akong palong at hindi ako tumitilaok.” bigkas ng may mababang boses na medyo inis at sabay sabing.

“Lumipad ka sa itaas ng lamesa para ako’y iyong makita.”

Lumipad si Pipito ng pataas papunta sa lamesa at duon ~lumantad sa kanya ang iba’t ibang klaseng ibon na nasa kulungan, sila ay mayroong sari-saring mga kulay.

“Halika, narito ako sa puting kulungan sa harap mo.” tawag ni Doray.

“Ha! Ako po?”

“Oo, ikaw nga, lumapit ka rito.”

Lumipad siya papalapit sa tumatawag sa kanya.

“Anong ginagawa ng tulad mo na isang munting ibon dito? At mukhang nag-iisa ka yata?”

“Bawal po ba rito ang mga tulad ko?”

“Ha, hindi naman, kaya lang ako’y nagtataka, delikado para sa’yo ang walang kasamang nakakatanda.”

“Nahulog po kasi ako sa itaas, duon po sa punong buko naroon ang aming pugad.”

“Ah! Kung hindi ako nagkakamali ikaw si Pipito.”

“Opo! Ako nga po si Pipito, isang ibong maya.”

“Alam kong ikaw ay isang ibong maya.”

“Paano niyo po nalaman?”

“Parang kailan lang, ang laki mo na ngayon.”

“Manghuhula po ba kayo?”

“Ha! Ha! Ha! Hi! Hi! Hi! Hindi siya manghuhula! Isa siyang Babaeng Kalapating mababa ang lipad. Ha! Ha! Ha! Ha! Ha! Ha!” malokong sabat ni Doro kay Pipito.

“Ano ka ba! Kung anu-ano ang nilalagay mo sa isip ng batang ito. Ako si Doray. Tawagin mo na lang akong Aling Doray mo.”

“Eh siya po?” turo ni Pipito kay Doro.

“Ha! Yan! Pipito rin ang pangalan niya.”

“Ha!” umiiling na nagtataka si Doro sa sinabi ni Doray.

“Talaga ho?”

“Oo Pipito rin yan, Pi…Pito ang buhok sa tuktok ng ulo. Ha! Ha! Ha! Ha! Ha! Ha!” ganti ni Doray sabay ang malakas na halakhak na ng aasar.

“Hi! Hi! Hi! Hi! Hi!” tawa rin ni Pipito.

“Hmp!” inis na sambit at sabay hawak sa tuktok ng ulo niya si Doro at sabay sabing.

“Makatulog na nga lang.”

“Alam mo hindi ka pa nga napipisa ay ipinagmamalaki ka na sa amin ng tatay mong si Huan.”

“Talaga ho! Kilala niyo ang tatay ko?”

“Siyempre! Sino ang hindi makakakilala sa tatay mo, palagi siyang narito tulad ng iba ninyong kauri at nangingingain ng mga tira-tira naming pagkain!” singit ng matapobreng si Sgt. Pepper.

“Ano po ang sinabi niya tungkol sa akin.” sabik na tanong ni Pipito na hindi binigyan pansin ang sinabi ni Sgt. Pepper.

“Ikaw raw ay magiging katulad niya, magiging makisig at malakas na isang ibong maya.” sagot ni Doray sa tanong.

“O nga po, sabi ng aking Ama, mapalad daw kaming mga maya, kahit maliit at hindi katangi-tangi ang kulay. Kami raw ang pambansang ibon ng bayan natin.”

“Ha! Ha! Ha! Ha! Kaawa-awang munting nilalang na ~nilinlang!” nakakainsultong bigkas ni Sgt. Pepper.

“Hmm! Sino po ba siya?” naiinis na usisa ni Pipito kay Doray.

“Yan ang hambog na si Sgt. Pepper, huwag mo yang pakikinggan, I.N.K.S.P. lang yan.”

“I.N.K.S.P! Ano po yon?”

“Oo, yun ang Ibon Na Kulang Sa Pansin, mga ibong wala lang magawa sa buhay nila, at mahilig makialam sa buhay ng may buhay. Mga ibong mahilig humanap ng mali ng iba, pero kanilang sarili ay hindi muna nila tinitingnan.” ~paglalahad ni Doray.

“Lumapit ka rito sa akin Pipito.” tawag ni Sgt. Pepper sa pipit.

“Bakit po?”

“Huwag kang matakot iho. May napakahalagang bagay lang akong sasabihin sa’yo. Ha! Ha! Ha! Ha!” sagot ni Sgt. Pepper.

“Ayoko po! Mukhang salbahe kayo e.”

“Sige ikaw ang bahala, magsisisi ka kung hindi mo ito malalaman.”

“Tsk! A… Hmmm! Sige na nga po. Ano po ba yon?” sabay lipad at lapit ni Pipito kay Sgt. Pepper sa kinaroroonan nito.

“Yan ang mabuting pipit, masunurin. Ha! Ha! Ha! Alam mo bang hindi na kayo ang…..”

“Ano ka ba Sgt. Pepper! Wala kang karapatang magsabi niyan sa kanya.” pigil ni Doray.

“At bakit wala! Karapatan niyang malaman ang katotohanan. Ha! Ha! Ha!”

“Ano po ba talaga yon?” tanong na may pagkalito ni Pipito.

“Hindi na kayo ang pambansang ibon dahil pinalitan na kayo ng Agila. Hi! Hi! Hi!” nakangising bigkas ni Sgt. Pepper.

“Hinde! kami po! Sabi ng aking Ama panahon pa ng kastila kami na ang pambansang ibon.” ~pagsalungat na reaksiyon ni Pipito.

“Nuon kayo pero ang Haring Agila na ngayon, dahil sila ay mas malakas, matapang, mabilis, matipuno, makisig, lahat ng katangian ay makikita mo sa mga ~nilalang na ito.”

“Hindi po totoo yan! Kami po!” pagtatanggol na may kasamang ~lumbay sa mukha ang sabi ni Pipito.

“Yan ang totoo! Itanong mo sa iyong Ama?” sabi ni Sgt. Pepper na ngumingisi sa pipit.

“Aling Doray sabihin niyo po sa kanya na hindi totoo yon.” nagmamakaawang sabi ni Pipito.

Yumuko na lang si Doray at hindi makatingin ng tuwid sa paslit, parang inamin na tama ang lahat ng sinabi ni Sgt. Pepper. Parang sumikip ang paligid kay Pipito sa pagkakataong iyon, kaya kahit hirap pa siyang lumipad ng mataas ay pinilit niyang makaalis sa lugar na kinatatayuan pabalik sa pugad nila. ~Dala-dala ang unang kabiguan na nararanasan, hindi malaman kung paano nakalilipad kahit sobrang bigat ang binibitbit sa loob ng dibdib.

Sa itaas naman ng pugad ay ~balisang-balisa ang mag-asawa dahil dinatnan nilang wala roon si Pipito. Iniisip nilang baka ito ay nahulog sa kalikutan o kaya dinagit ng malalaking ibon. Kaya nagpasiya silang hanapin. Paalis na sana ang dalawa ay sabay naman ng dating ng kanilang pinakamamahal na anak.

“Pipito! Kanina pa kami nag-aalala rito!” galit na sigaw ni Huan.

“Anak saan ka ba nagpunta? Ayos ka lang ba anak? Hindi ka ba nasaktan?” sunod-sunod na tanong ng kanyang ina na alalang-alala.

“Sa uli-uli huwag mo ng gagawin ito Pipito.” ~paalala ni Huan sa anak.

Parang walang narinig at tumuloy-tuloy sa kabilang sulok, tumanaw ng napakalayo at parang panandaliang nilalakbay ang isip. Biglang ~napukaw at nagkaroon ng pagkahabag si Huan dahil sa kakaibang ikinikilos ng anak. Nabatid niyang mayroon itong mabigat na ~suliranin. Kaya agad na nilapitan ito at sabay na inakbayan. Kinausap ng mahinahon at sinamahan sa kanyang matinding dinaramdam.

“Anak may problema ka ba?”

“Wala po itay.” sabi ng matamlay na tinig ni Pipito.

“Pipito mababanaag sa mukha mo ang dala-dala mong lungkot?”

“Tay, di ba tayo ang pambansang ibon?”

“Ah, Bakit bigla mo naman naitanong?”

“Sabi po nila, hindi na raw tayong mga maya.”

“Sinong nagsabi sa’yo?”

“Yong isang ibon na nakakulong sa ibaba.”

Parang napahiya si Huan sa tanong ng anak, napilitan na niyang sagutin ang nalulumbay na bata. Hindi na kayang ~ikubli ang totoo sa paslit, na mababakas sa mukha ang kabagsikan ng kabiguan.

“Oo, sila na nga ngayon, pinalitan tayo ng mga tao. Mas malakas at makisig raw ang Haring Agila kaysa sa atin. Mula nang tinanggal sa atin yon ay lalo na tayong minamaliit ng mga katulad nating mga ibon, hindi naman daw karapat dapat sa atin ang karangalang iyon. Masakit sa akin at sa lahat ng kauri natin ang ginawa ng mga tao. ~Hinusgahan agad nila ang ating ~kakayahan, sa pamamagitan lang ng ating laki. Ganyan yata talaga ang mga tao, kung ano lang ang nakikita nila, yun ang mahalaga para sa kanila. Hindi man lang nila sinilip kung ano ang malaking kakayahan natin sa loob ng ating mga puso, bilang isang maliit na ibon. Ang mga tao talaga ay mahirap unawain, sinasagot nila ang di mo naman itinatanong.” pahayag ni Huan sa anak.

“Totoo pala ang sinasabi nila.”

“Oo, patawad anak hindi ko pinaalam sa’yo ang totoo. Gusto ko lang sana ay ~manalaytay pa sa ating sarili ang karangalang dati-rati ay sa atin. Masakit para sa akin ang nangyari, sabagay ang kulay natin ay di-singganda ng isang Loro, o ang ating pangangatawan ay kabaligtaran ng isang Agila, walang lakas at mahina, siguro nga’y kailangan ko nang ~tanggapin ito sa aking sarili at ~harapin ang katotohanang lagi kong iniiwasan.”

“Ako pala’y wala ring pinagkaiba sa isang karaniwang mga ibon.”

“Pipito anak, hindi na natin kailangan ang karangalan yon, ang mahalaga, lumaki kang isang ~mulat na ibon, lahat ng bagay ay napapansin, bawat kilos ay may dahilan, bawat lipad ay may patutunguhan.”

“Opo.”

“Sa ating buhay anak, hindi na mahalaga ang ating panlabas na kaanyuhan, aanhin mo ang isang kagandahan kung bulok naman ang iyong kalooban, o kaya ang lakas kung gagamitin lamang upang tapakan ang hindi makalaban. Ang ganda ng isang buhay ay hindi ~nakasalalay kung gaano tayo kayaman, kalakas, kaganda o kasaya, pero kung gaano kaligaya ang iba dahil sa atin. Lagi mong isapuso sa iyong ~diwa at laging pagkakatandaan na hindi tayo nabubuhay para lang sa ating mga sarili, kundi para sa nakakarami.” paliwanag ni Huan.

“Opo itay! Lagi ko pang tatandaan yan.”

Naguusap-usap ang mga ibon ni Pedro nang biglang dumilim, at may naramdaman silang dumating na malakas na hangin sa itaas. Ang laki ng ~pagkamangha ng mga ibon ng tumambad sa kanilang harapan ang isang Agila. Sugatan ang isang pakpak nito at tila hingal na hingal na parang may humahabol sa kanya.

“Anong dahilan at napadpad ka rito. Hindi ba dapat ay nasa kagubatan ka? At hindi rito sa magulong siyudad.” tanong ni Jaime.

“Dapat nga, pero dito ako ~tinaboy ng aking mga pakpak.” pailing-iling habang nagsasalita ang sugatang Agila.

“Pagod na pagod ka at mukhang malayo-layo rin ang iyong nilakbay.” sabi ni Walter.

“Oo galing pa ako sa dakong bahagi ng Timog Kanluran, kailangan ko munang magpahinga sandali, bago ipagpatuloy ang aking paglalakbay.”

“Kaibigan! May sugat ang iyong pakpak?” ~mabagabag na sabi ni Doray.

“Binaril ako ng mga mangangaso sa aming lugar, kaya napilitang ~lisanin ang aking tahanan. Mapalad pa rin at ako’y nadaplisan lang, maliit na sugat lang naman ‘to.”

“Akala ko ba’y pinagbabawal nila ang ~tugisin at hulihin ang mga tulad mo.” tanong ni Sgt. Pepper sa Agila.

“Marami pa ring mga taong hindi mo malaman kung ano ang kanilang dahilan sa pagbaril sa aming mga Agila. Ang gusto lang naman namin ay lumipad sa kalangitan, tingnan ang paligid habang nasa ilalim ng mga ulap. Ang iba kong ~kapanig ay takot ng lumabas at sila’y nagkukulong na lang sa mga kuweba. Ayaw na nilang idipa ang kanilang mga bagwis at ~ipamalas ang mga balahibong magaganda, duon sa pinagtataguan ay hinihintay na lang nila ang kanilang kamatayan.

Tuluyan na nilang tiniklop ang kanilang mga ~plumahe at hinubad ang kanilang mga pakpak. Sapagkat sa kanilang paglabas ay may ~nagbabadya ring panganib sa buhay. Natatakot akong sa pagdating ng panahon, kami ay hindi na masilayan pa ng mga kabataan.” nagdadalamhating pahayag ng Agila.

Habang kinakausap ng mga ibon ni Pedro ang Agila, ay natanaw pala ni Pipito ang napakalaking ibon na ngayon niya lang nakita. Siya ay ~namangha at humanga sa laki, sa gilas at kisig ng mga pakpak nito.

“Tama ka kaibigang Agila, baka maging huli ang lahat at sa pagnanais nilang makita ka pa, sa kanilang pagtitig at pagtingala sa kalangitan ay tuluyan na silang mabigo.” sabi ni Jaime.

“Huwag sanang umabot, na sa aklat ka na lang makikita ng mga susunod na ~salinlahi.” nababagabag na salita ni Ka Leroy.

“Nakalulungkot nga itong nangyayari sa atin ngayon, dahil sa kasakiman ng mga tao, hindi na nila ~alintana ang nagagawa nilang ~kapinsalaan.” habol ni Doray.

“Ang lahat ng mga ito mayroong ring kabayaran sa kanila, tulad ng pagputol ng mga puno sa bundok ng isang probinsiya. Maraming tao ang nalunod ng mayroong biglang dumating na malaking ~agwahe sa isang nayon ng Bisaya. Marami ang namatay, babae, lalake, bata, matanda walang pinili ang naminsala. Sa isang ~iglap nawala ang napakaraming buhay dahil sa mga taong hindi mabusog sa kanilang hinahawakang kapangyarihan.” ~nakagigimbal na salaysay ng Agila.

“Nag-uumpisa na ang ganti ng inang ~kalikasan sa sangkatauhan, patuloy na mauulit ito kung hindi matitigil ang kanilang ~pang-aabuso sa ating kapaligiran. Maraming mga mabubuting tao ang nadadamay dahil sa ~pagka-gahaman nila, at sa labis-labis na paghahangad sa kayamanan, dati rati’y ang kabundukan kay gandang tanawin at pagmasdan, subalit ngayon ito ay unti-unting nahahati at nauubos dahil sa pagkuha nila ng mga bato’t buhangin. Maraming tao ang sapilitang inagawan ng hininga sa ~pagguho ng kanilang mga bahay na malapit sa mga kabundukan. Ito’y kagagawan ng iilang taong walang natirang bait sa kanilang mga sarili, na ang mahalaga sa kanila ay kapangyarihan at ang yaman lang. Nasagad na ang pagtitimpi ng inang kalikasan sa ~kalapastanganan ng tao, tila nakalimutan na nila ang paggalang sa lahat ng ~lalang ng nakakataas sa atin, totoong ngang lahat ay may hangganan rin.” ~himutok na sabi ni Ka Leroy.

“Tama po kayo. Lahat ng bagay sa daigdig ay mayrong hangganan, kung mayroong simula mayroon ding katapusan, ang lakas ay may ~humpay rin.” balik at may pagsangayon ng magalang na Agila kay Ka Leroy.

“Kinaligtaan na yata nila na tayo ay narito para mabuhay at pahalagahan ito, hindi ang kumitil ng buhay.” bigkas ni Ka Leroy.

“Kailan po kaya sila matututo? Kailan po kaya sila magbabago ka Leroy.” singit ni Walter.

“Kaya nga hangga’t di nila matagpuan ang puno’t dulo ng buhay. Hanggang hindi pa nila naiintindihan ang tunay na dahilan ng ating pagkakasilang. Lahat ay masasayang lang, mawawalan din ng ~saysay.” sabi ni Ka Leroy.

“Ano po ang kailangang gawin? Ano po ang tunay na dahilan ng ating pagkakasilang.” tanong ni Jaime.

“Kailangang hanapin mo ang Maykapal, tanggapin at ihimlay mo siya sa iyong puso, panatilihin mo siyang isama sa iyong pamumuhay, sa loob at labas na iyong ginagalawan, dahil siya ang kahulugan, siya ang tunay na dahilan, at nagwikang siya ang simula at hangganan.” sagot ng Agila.

“Saan ka ngayon tutungo?” tanong ni Doro.

“Hindi ko alam, ang mahalaga ako ay makaalis at makalayo sa mga tao. Kung ako’y hindi ~papalarin at kanilang ~masupil, ang mahalaga sinubukan kong humanap ng panibagong daan, kahit ang daraanan ay alam kong baka dito na magwakas, at tayo’y hindi na muling magkita pa. Paalam sa inyo mga kaibigang ibon.”

Medyo nagtataka at hindi maintindihan ang sinasabi ng Agila. Dahan-dahang itong lumipad pataas at dumapo sa isang sanga ng mataas na puno. ~Luminga-linga sa paligid upang hanapin kung saang direksiyon siya patutungo. Samantala, naroon at napatanga naman ang mga ibon, patuloy pa rin nilang iniisip ang iniwang salita ng hari ng kalawakan.

“Akala ko ang Agila ang hari ng kalawakan, at tayong lahat na mga ibon ay nasa ilalim ng kanyang kalakasan. Bakit hindi niya ito ginamit?” pagtatanong ni Doro.

“Kahit ang Agila ang hari ng kalawakan, ang tao pa rin ang naghahari sa ating lahat. Nasa kamay nila ang ating buhay at hindi tayo makakalaban.” paglalahad ng matandang loro na si Ka Leroy.

“Bakit hindi? Mayroon din naman na lumaban na hayop sa mga tao kapag sila’y inaapi. Katulad ng isang elepante na nagtatanghal sa isang sirko. Nagwala ito sa harap ng mga tao, hindi niya na matagalan ang pagpapahirap at ~kalupitan ng kanyang ~tagapagsanay. Hinuli at nilayo siya sa kanyang tirahan at sa kanyang mga kapamilya. Pinipilit na pinasusunod sa mga utos, kung hindi gagawin ay matitinding palo ang ibinibigay sa kanya.” singit ni Jaime.

“Kadalasan pa ay hindi pinapakain ng tama kapag ayaw niyang ~tumalima sa pinagagawa ng amo niyang tao. Kaya nasagad na ang kanyang ~pagtitimpi sa sarili at napilitan ng lumaban, kahit mataas ang ~pagpupugay niya rito, kailangan niyang ipaglaban ang karapatan niya.” dugtong ni Walter.

“E, nagtagumpay ba sila?” tanong ni Ka Leroy.

“Hindi po. Binaril po siya. Sana nga lang po ay tanungin ng bawat isang tao ang kanilang mga sarili. Kung bakit ginawa iyon ng elepante? Kung bakit siya nagwala?” sagot ni Jaime.

“Kaya dapat nating simulang tanggapin lahat at maintindihan iyon, na tayo ay mga nilalang na puma-pangalawa lang sa mga tao.” sabi ni Ka Leroy.

“Pero kailan din po nila tayong irespeto. Kahit tayo ay pangalawa lang sa ating dakilang ~Maylikha, may karapatan pa rin tayong magsalita at malaman nila ang ating nadadama. Kung mayroon nga lang silang paggalang sa karapatan ng bawat isa, matahimik sana itong mundo.” sabi ni Walter.

“Mga kabataan nga naman, masyado kayong mapupusok sa inyong mga pag-iisip at damdamin.” sabi ni Ka Leroy sa magkapatid na Jaime at Walter.

“Sa tingin ko hindi naman po, tama nga na kami’y mga bata at nakahihigit ang panahong pinagdaanan niyo. Ang sa amin lang naman ay pare-pareho lang naman tayong mga nilalang, na may pangangailangan sa isa’t isa. Respeto lang naman po ang hiling ko dahil sila ay ating ginagalang at tinitingala.” pagpapaliwanag ni Jaime.

“Sa ayaw at sa gusto niyo ay nakakahihigit pa rin sila sa atin, tayo’y narito para igalang at irespeto ang mga tao, at sumunod sa utos at dikta nila.” sabat ni Sgt. Pepper.

“Pero ang pagbibigay po ng respeto ay hindi inuutos o dinidikta, kusa po itong ~iginagawad sa simumang marunong ~kumilala at gumalang sa karapatan ng iba.”

“Hay! Hay! Hay! Hindi niyo talaga maintindihan ang takbo at ikot ng ating buhay dahil bubwit pa inyong kaisipan. Kailangan nating ~tanggapin ang kapalaran natin sa mundo, ang maging sunod sunuran sa mga matataas na uring ito.” inis na sabi ni Sgt. Pepper.

Tuluyan ng lumipad ang Agila at mapapadaan sa bahay nila Pipito. Tinawag siya nito, ngunit sa liit ng tinig ay hindi narinig, kaya bigla na lang itong sumabay at sumagi sa pakpak ng malaking ibon. Sa lakas ng pagaspas ng pakpak ay umikot-ikot ito sa ~himpapawid. Buti na lamang ay napansin nang Agila na mayroon tumama sa kanya, kaya agad na lumingon at nakita ang munting ibon. Kanyang tinulungan si Pipito na patuloy paring paikot-ikot sa hangin. Dinakma na may lubos na pag-iingat ang maliit na ibon, habang palipad papunta sa makapal na ~alapaap. Nagkaroon naman ng matinding takot na namumuo sa maliit na mukha nito, kinakabahan at baka siya ay kainin o iuwi sa mga inakay ng malaking ibon, na ang wari niya’y malaki pa sa kanya. Napansin din ng Agila na gustong nitong makalipad at pinipilit na makawala sa kanyang mga matutulis na paa.

“Alam kong ikaw ay nangangamba, na baka kainin kita.”
Namumula ang mukha ni Pipito at nanginginig sa matinding takot sa malaking ibon.

“Ha! Ha! Ha! Huwag kang mag-alala katatapos ko lang mag-agahan.”

“Ha! Huwag po! Maawa na po kayo.”

“Nagbibiro lang ako. Hindi kita gagawing almusal. Alisin mo na ang malaking takot sa iyong mukha munti kong ibon.” malumanay na sagot ng Agila.

Kinuha ng isang pakpak niya sa paa ang batang pipit at sabay inilagay sa taas ng kanyang likod ang hilong-hilong si Pipito. Sabay naman ang mahigpit na kapit niya sa plumahe, umiikot pa ang paningin habang siya ay kinakausap ng malaking ibon.

“Talaga po bang hindi niyo ako kakainin?” nangangambang tanong ni Pipito.

“Ha! Ha! Ha! Oo iho!”

“Huwag mo nang gagawin ulit iyon, buti na lamang ay naramdaman kong may tumama sa aking pakpak. Paano kung hindi?.”

“Oo nga po.”

“Muntik mo nang ilagay sa isang malaking ~kapahamakan ang iyong sarili.”

“Namangha po kasi ako sa inyong laki at gilas. Gusto ko sana kayong makausap kaya hinabol ko po kayo.”

“Gusto mo akong makausap. Tungkol saan munting ibon?” tanong ng Agila na mayroong pagtataka.

“Ako po si Pipito, isang ibong maya.”

“Ha! Ha! Ha! Alam ko na ikaw ay isang maya. Ha! Ha! Ha! Ano bang itatanong mo Pipito na mukhang napakahalaga sa’yo? Pati kamatayan ay ~susuungin mo upang ito lamang ay malaman.” tanong ng Agila.

“Kayo po ba ang tinatawag nilang Agila?”

“Ha! Ha! Ha! Ha! Oo ako nga?”

“Bakit po kayo natatawa? Nakakatawa po ba ang tanong ko?” inosenteng tanong ni Pipito.

“Ha! Hinde natutuwa lang ako sa’yo iho.” napahiyang sagot ng Agila.

“Di kayo rin ang tinatawag nilang hari ng kalawakan?”

“Oo. Ako nga yon.” mapakumbabang sagot ng Agila.

“Kung kayo po ang hari ng kalawakan, bakit sabi po nila ay mga tao lahat ang nagmamay-ari nito. At wala raw pinag-aari ang mga hayop na tulad natin, dahil pumapangalawa lang naman daw tayo sa kanila.”

“Hay! Munting ibong maya, maliit ka man pero ang tanong mo’y napakalawak.”

“Ano po ang ibig niyong ~ipabatid? Hindi ko po kayo maintindihan?”

“Tawag ron ay matalinghagang salita.”

“Talinghaga?” nagtataka na parang nag-iisip ang munting ibong maya.

“Maiintindihan mo rin iyan ~pagsapit ng sapat na panahon.”

“Kailan po yon?”

“Hindi ko masasabi, pero panahon ang ~magmumulat sa’yo non.”
“Ganyang-ganyan rin po sabi ng tatay ko. Hindi ko po kayo talaga maintindihan mga matatanda.” inis na sabi ni Pipito sa Agila.

“Ha! Ha! Ha!” tumawa lang ang Agila at sabay himas ng kanyang isang pakpak sa ulo ni Pipito habang lumilipad.

“Totoo po bang pag-aari ito lahat ng tao?”

“Ang masasabi ko sila ang mas mapalad kaysa sa atin.”

“Bakit naman po?”

“Dahil sila ang binigyan ng kakayahan na makapagsalita, nasasabi at nagagawa nila ang gusto nilang mangyari.”

“Pero nakakapagsalita naman po tayo.”

“Subalit hindi sa ~antas ng karunungan na ipinagkaloob sa kanila.”

“Antas ng karunungan?”

“Hindi natin kaya ang mga bagay na nagagawa nila, sila lamang nakapagsasabi kung ano ang sa kanila. Tayo ay hindi, narito lamang upang makipamuhay kasama ang mga tao.”

“Masuwerte talaga po ang mga tao, nasa kanila na ang lahat.”

“Oo nga. Subalit tingnan mong mabuti ang sangkatauhan, kahit na nasa kanila na ang lahat, hindi pa rin sila masaya, hindi pa rin nakukuntento.”

“Talaga ho! Bakit?”

Dumapo ang Agila sa isang puno, si Pipito ay lumipad pababa sa sanga na malapit sa paa ng Agila. Napatingin at namangha siya sa buong paa nito na mas malaki pa sa kanya. Nagpahinga sila at duon nag-usap, puro tubig ang natatanaw nilang dalawa, at tila nakatingin sa malayo ang Agila na parang may hinahanap.

“Ano ang nakikita mo?”

“Po…”

“Ano ang natatanaw ng iyong mga mata Pipito?”

“Paligid na kaylawak na pulos tubig po.”

“Ano pa?”

“Ang kalawakan, ang langit at ang ulap po.”

“Wala ka na bang ibang nakikita, bukod sa bughaw na ulap?”

“Wala na po.”

“Hindi mo ba napapansin ang mga bakod na nakaharang sa mga dagat?”

“Wala naman po akong nakikitang ~nakakahadlang sa paligid.”

“Ngayon tingnan mo ang langit, wala ka bang nakikitang mga bakod?”

“Wala rin po?”

“Tama at mali ka.”

Napakunot ng noo si Pipito at nagkaroon ng malaking pagtataka, ito ang naging reaksiyon sa sinabi sa kanya ng Agila.

“Tama ka sa nakikita ng iyong mga mata, wala ngang nakatayong bakod, mali ka dahil sa mata ng mga tao ay may ~nakatindig na mga bakod duon.”

“Teka! Teka! Medyo naguguluhan po ako.”

“Hindi ka naguguluhan ayaw mo lang gamitin yung pangalawa mong mga mata, na nasa ~kaila-ilaliman ng iyong kaisipan, ang mga bakod na ginawa ng mga tao sa ating mundo.”

“Nasaan po?”

“Ang mga tao ay naglagay ng pader sa bawat lugar na kanilang nasasakupan. Sa tubig, lupa, at sa kalawakan. Pinatitibay ito ng isang ~kasulatan na isinulat para sa kanilang mga pangangailangan. Ito ang naging batas sa sinumang dayuhan na tumuntong ng walang ~pahintulot, na sinadya o di sinadya ay maaring patungan ito ng kaukulang kaparusahan. Lahat ng lugar rito sa mundo ay pinapatupad ang ganitong batas, lahat ay nagtayo ng kanya-kanyang bakod, sa kanilang inaaring sinasakupan. At ito rin ang sanhi kung bakit nagkakaroon sila ng mga matitinding ~alitan. Lahat ay nag-aagawan ng kaniya-kaniyang lupain at ~nasasakupan. Kaya nga mayroon nakatataas na uring mapang-alipin na gustong palakihin ang kanilang pag-aari, o ariin ng tuluyan ang buong mundo. Ginagamit nila ang ~marahas at ~mapanira na digmaan upang makuha at ~kamkamin ang mga lupain, kasama ang mga nakatira rito.”

“Ano po ba ang silbi ng isang digmaan? Makakatulong ba ito sa pagpapalago ng mga damo? Sa pagsibol ng mga bulaklak? O kaya sa ~pagpukaw sa ~kamanhiran ng ~karimlan ng puso.”
“Iho hanggang ngayon hindi ko pa malaman, kung ating ~susuriin. Maraming walang malay ang naiipit at nagiging pangunahing biktima sa isang labanan. Sabi nila’y masama raw ang kumitil ng buhay.”

“Opo totoo yon.”

“Subalit pansinin mo ang paligid hindi ba mas binibigyan pa nila ng pagpapahalaga at prayoridad sa buhay, ang paghahanda at pagsasanay para makipaglaban. Pinapalakas nila ang kanilang ~puwersa para sa darating na labanan. Inuubos ang panahon para tumuklas ng ~mapamuksang mga sandata na nagtatanggal ng hininga. Imbis na bigyan ng sagot ang matagal na nating inaasam-asam na kapayapaan dito sa mundo. Kaakibat ang kahirapan na laganap na kahit saan, ang pagkawalan ng tunay na hustisya, ang diskriminasyon, ang pang-aapi sa mga aba, ang pang-aabuso at ang ~pagsikil at ~pagsupil nila sa ating mga tinig. Ilang dekada na ang dumaan, maraming buhay na ang nasayang dahil sa ~marahas na digmaan. Kung patuloy pa rin tayong magiging manhid sa lupit ng digmaan, at ipagwalang-bahala na maunawaan ang sinapit sa nakaraan, paulit-ulit lang tayong makakakita ng mga batang walang kamuwang muwang na naulila sa kanilang ama’t ina, mga magulang nawalan ng kapamilya, mga buhay na walang ~malay na sa ~karahasan sila ang pangunahing biktima, mga luhang ayaw huminto ang pag-agos, mga pusong sugatan na hindi naghihilom.”

“Wala na naman po pa lang magandang idinudulot ang isang digmaan, kung ang digmaan ay may ibinubunga, yuon ay ang maraming libingan. Ilang buhay pa ang dapat mawala para lang matapos ito. Kay sarap mangarap na hindi na maghahari ang ~dahas, at ang kapayapaan sana ay wala ng wakas.”

“Oo nga, subalit patuloy pa rin silang nagtatayo ng ~ding-ding upang hindi makapasok ang ~oportunidad para pag-usapan ang kapayapaan. Wala pa ring paggalang at pagbibigay respeto sa paniniwala ng bawat isa. Inuuna nila ang galit imbis na suriin sa makatuwiran at makatarungan ang ipinapahayag ng isang panig.”

“Hay….. Nakalulungkot pong isipin. Kaya pala sila nag-aaway-away, mahilig silang maglagay ng kaniya-kaniyang sariling bakod.”

“Oo, Tama ka Pipito! Ngayon unti-unti mo nang naiintindihan. Ang mga tao ay hindi masaya dahil laging bakod ang kanilang tinatayo, na dapat sana ay mga tulay. Kaya rin ang isang indibidwal na ~nilikha ay hindi maligaya, dahil kadalasan ay lagi niyang tinatakpan ng bakod ang buong sarili niya.”

“Paano po?”

“Ang bakod na ginawa dahil sa mapait na ~sinapit, na hinaharang sa sarili upang hindi maaaring makatawid ang isang magandang ~pagkakataon, upang ipagpatuloy ang buhay at makapagsimula, o bakod na para aminin ang nagawang pagkakamali at baguhin ang mga masasamang ~gawi na nakaka-epekto sa pakikitungo sa iba. O kaya marami rin sa atin na nilalagyan ng bakod ang mga tenga, sa mga nagbabaka-sakali na marinig at mapakinggan ang salita ng isang maayos na nagpapaliwanag. Dinadaan kaagad sa galit ang lahat, sa init ng ulo pinaiiral ang kanilang mga suliranin, na puwede namang sabihin at ayusin sa magandang paraan o usapan. Kahit na napakaliit at kay ~payak ng problema, ito ay kanilang pinapalaki. Imbis na ~pagtuunan at pag-usapan ang ~linggatong upang ito ay lunasan at bigyan ng ~tugon, bagkus naghahanap pa ito ng masisisi. Hindi ba nila naiisip at napapansin sa mga gawing ito, ay lalo lamang nagiging ~malala ang mga sitwasyon.”

“Bakit po?”

“Kasi kapag inuna mo agad ang init ng ulo ay lalo kang hindi makapag-iisip ng nararapat na sulusyon para sa isang problema. Lalo lang dumidilim ang sanay maliwanag na kasagutan sa iyong suliranin. Ang masama pa kahit hindi ito sinasadya ay nakakasakit ka na pala ng hindi ~namamalayan. Tinatalo tayo ng ating mga galit na hindi na natin kayang mapigilan, kaya nakakagawa o nakakapag-salita tayo ng isang bagay na masakit, kahit na wala naman sa ating intensiyon o kagustuhan.”

“Ganun po ba yon?”

“Oo, Pipito. Kung hindi nga lang sana tayo naglalagay ng mga bakod sa ating mga puso, kung ~may kababaang-loob lang tayo sa ating puso, kung nag-uusap lang tayo sa mahinahon na paraan at may paggalang sa isa’t isa, natitiyak kong bawat isa sa atin ay magiging ~ganap na maligaya at lubusang ~magagalak pa ang Maylikha.”

“Akala ko po ang Maylikha ang tunay na nagmamay-ari ng lahat ng narito sa lupa.”

“Oo siya nga.” tugon ng Agila.

“Kung ganun, lahat po ng nilikha niya ay may karapatan rito sa mundo, kasama na tayong mga hayop.”

“Dapat nga sana, subalit may iilan na hindi kumikilala at di marunong ~magpakumbaba sa kanyang Maylikha. Sapilitang inangkin ang mga lupa na dapat sana ay para sa lahat. Ang mga bakod sa labas ng isang bansa ay wala ring pinagkaiba sa bakod na nasa loob nito.”

“Ano po ang ibig niyong sabihin?”

“Halimbawa tulad sa isang pamayanan, iisang tao lang ang may pag-aari ng malawak na lupa ron, na dapat sana ay sa nakararaming makikinabang ito ibahagi, ngunit sa ating ginagalawang buhay ay sumibol ang isang uri ng nilalang, ang mga mapanglamang, ang mga ~mapanikil, ginamit nila ang kapangyarihan at ~mapandahas na pamamaraan para ito ay tuluyang ~makamkam. Gayon pa man kahit na nasa ~mapangamkam na ang lahat ng kayamanan, hindi pa rin nila matatagpuan ang hinahanap at tunay na kaligayahan sa buhay.”

“Paano po ~makakamtan ang tunay na kaligayahan?”

“Ang ~pagkalinga, pag-unawa at ~wagas na pagmamahal sa ating pamilya, kapuwa o sa magiging ~katuwang man sa buhay ay hindi kayang ~tumbasan, o kaya’y bilhin ng kahit lahat ng kayamanan sa daigdig. Subalit marami pa rin sa atin ang naniniwala at patuloy na pinaiiral nila ito sa kanilang pamumuhay, ang pagkakaroon ng maraming kayamanan ang nagiging ~pamantayan nila para maging isa kang matagumpay, at maligaya dito sa ginagalawan nating mundo. Kaya marami pa ring hindi mabusog-busog sa kayamanang ~taglay-taglay na nila. Para silang mga linta na walang kabusugan sa pagsipsip ng dugo.”

“Dugo! May tumutulong dugo po sa inyong pakpak.”

“Maliit lang yan, mas malaki ang sugat na dulot ng iilang tao sa dibdib ko. Na magpasa-hanggang ngayon ay walang nakakaalam kung kailan ito ~maghihilom. Patuloy itong ~naghihilab maya’t maya. Nasa aking isip at damdamin pa ang hapding singsariwa na iniwan ng lumipas.”

“Minsan po ay nasabi sa akin ng ama ko, sa aking paglaki ay hindi ko maiiwasan at kinakailangan kong ~sagupain ang iba’t-ibang klaseng daluyong ng buhay, aking raw pagkakatandaan at huwag ~kaligtaan na laging bigyan ng puwang ang kasalukuyan at ang pait ng kahapon, ang magiging katumbas raw nito ay ang tamis ng pag-asa. Upang sa kasalukuyan at sa darating na hinaharap ay maipagpatuloy ko pa rin ang aking buhay.”

“Tama ang iyong ama Pipito, itanim mo sa iyong dibdib at laging panghawakan ang pag-asa. Matuto kang harapin ang kabiguan at labanan ito sa buong makakaya ng iyong sarili. Pag-asa ay magbibigay buhay sa ating loob para magpatuloy, at magiging ~giya natin kung tayo ay maliligaw. Siya rin ang ilaw natin kung tayo ay maglalakad sa kadiliman.”
“Tatandaan ko po yan. Sana ay katulad ko kayo, kasinggilas at kasinlaki niyo po?”

“Hmm… Sa anong dahilan?”

“Naiinggit po ako sa inyo ginoong Agila. Gusto ko sanang makalipad ng kasing bilis niyo. Sa isang pagaspas lang ng pakpak ay malayo na ang inyong nararating.”

“Kaya mo rin yon Pipito.”

“Paano po mangyayari? Hindi po yata kapani-paniwala yon, ang mga paa niyo’y higit na mas malaki pa sa katawan ko.”

“Halika’t masdan mo ang bubuyog, kasalukuyan siyang hinahabol ng isang ibon na kauri mo.”

Hindi maabutan ng maya ang bubuyog na mabilis na nakakailag, pasuray-suray ang ginagawa niyang paglipad upang maiwasan ang tuka ng ibon. Hanggang sa ito’y pumasok sa butas ng isang sanga ng puno at nakaligtas. Habang ang maya ay tumuloy-tuloy sa sanga at dito naumpog na bumagsak paibaba na hilong hilo.

“Tingnan mo Pipito higit na mas malaki ang ibon kaysa sa bubuyog na iyon, subalit nagawa niyang matakasan ito.”

“Oo nga po. Paano niya nagawa yon?”

“Dapat mong higit na ~pag-ibayuhin ang ~pagsusumikap sa’yong paglipad, kung kailangan mong doblihin ang pagaspas o higitan pa ito, para maabot lang ang tamang bilis sa iyong tutunguhin. Siyempre hindi lang sapat ang puro bilis, kailangan mo ring gamitan ito ng ~dunong at ang malinis mong puso na mayroong pananalig sa iyong kakayahan.”

“Hindi ko po yata kaya yon, mapalad talaga ang iilan na gawa ng ~Maylalang, sila’y hinandugan ng di-karaniwan kagandahan at kakayahan. Hindi katulad ko, wala na yatang katangi-tanging makikita sa sarili.”

“Hay… Pipito… Nung tayo’y kanyang likhain ay pantay-pantay lang ang binigay niyang pagtingin sa atin. Wala siyang kinalaman sa nangyayari sa atin ngayon. Hawak natin ang buhay, nasa atin ang mga pagpapasiya, wala siyang kinalaman sa anumang nagaganap rito. Kaya nga hindi ako naniniwala na iilan lang ang mayroong ~di-karaniwang kakayahan, ito’y nasa isip lamang na isiniksik habang tayo’y lumalaki at patuloy na binabagsak ang ating ~paniniwala sa ating kakayahan.”

“E bakit po ganuon? Bakit hindi niya na lang ginawa na kasinglaki rin kami ng mga Agila?”

“Ha! Ha! Ha! Ikaw talaga Pipito! Hindi ko yata kayang sagutin ang tanong mong iyan. Ikaw na lang ang tatanungin ko. Gugustuhin mo bang lahat ng makikita mo rito ay magka-katulad? Pareho ng anyo, laki, kulay, tinig o hugis.”

“Hindi po, nakakasawa yon.”

“Kaya siguro niya tayo pinagiba-iba para maging ~mapamukaw-loob para sa atin ang bago nating makikita sa paligid. Kaya simula sa araw na ito ay burahin mo na sa iyong kaisipan, na iilan lang ang mapalad at pinagkalooban ng ~di-karaniwang kakayahan. Sapagkat bawat isa sa atin ay mayroong ~kakayahan, lahat ay magagawa natin, kailangan lang ay maniwala at manalig muna tayo sa ating sarili, kasunod ay ang pagtuklas at ~pagpapalago, magustuhan at mahalin ito na tapat sa ating mga puso.”

“Opo.”

“Hindi na mahalaga kung malakas ka o mahina, maliit o malaki, mabilis o mabagal, kaakit-akit o hindi, ang nilalang na mayroong malawak na pang-unawa ay hindi tumitingin sa labas, kundi sa loob ng puso.”

“Pero marami pa rin po sa atin ang ganito ang kaisipan, ang ganitong hindi magandang katangian, gawi o kilos ay patuloy pa rin natin itong nakikita, at nararamdaman sa nakakarami sa ating paligid.”

“Oo nga, nakakalungkot isipin ito. Nakapanghihina. Ang katotohanan talaga ay minsan kay hirap tanggapin.”
Tumango-tango lang ang ibong pipit sa pinapaliwanag sa kanya ng Agila.

“Kaya Pipito hindi ka dapat mainggit sa akin, alam mo bang ako ang naiinggit sa inyong mga bata.”

“At bakit naman po?” nabigla at may pagtataka na tanong ni Pipito.

“Mas mapalad kayong mga bata kaysa sa tulad naming matatanda. Lagi ko ngang minamasdan at kina-iinggitan ang mga paslit na tulad mo.”

“Talaga ho!”

“Marami akong aral na sa inyo ko lang nakukuha, marami kayong nakikita sa buhay na hawak lamang niyo. Ito’y hindi na natatanaw naming mga matatanda, o sinasadya na lang ~kinaliligtaan sa aming pagtanda. Lagi kong pinapangarap na sana’y ako’y bumalik sa aking pagkabata at manatili na lang na isang musmos. Walang suliranin, walang ~pinangangambahan, walang inaalalang kinabukasan at hawak ang kasalukuyan na kay gaang sa puso at kaisipan.” may pagkabigong sambit ng Agila.

“Ano po ang ibig niyong ~ipakahulugan?”

“Maraming mga matatanda na bulag kahit dilat ang mga mata, o kaya tinatalian nila sarili nilang mga kamay at paa, problema ay lagi nilang ~tinatalikdan.”

“Ho?” litong sagot ni Pipito.

“Ha! Ha! Ha! Ha! Alam kong naguguluhan ka na sa mga pinagsasabi ko sa’yo.”

“Oo nga po e!”

“Para maintindihan mo ng mas magaang, marami kasing mga nabubuhay sa daigdig natin na takot ~harapin ang isang ~pagbabago.”

“Ano po ang ikinakatakot nila?”

“Takot silang ~harapin ang kanilang mga sarili, hindi nila matanggap na nakahihigit ang mga bata sa mga matatanda.”

“Bakit po ganuon ang mga matatanda?”

“~Banidad sa sarili ang isang sanhi, nilulunod nila ang kanilang kaisipan sa katanyagan at kapangyarihan, binusog nila ng karangyaan at ~pagmamalaki ang buo nilang sarili. Ipinasok ang katalinuhan at tuluyan ng kinalimutan ang pagpapakumbaba. Tingin nila’y hindi na sila makabababa pa at maaaring pumantay sa mga bata, o sa mga nilalang na sa tingin nila’y kanilang nahigitan. Madalas na ~tinatatwa rin sa kanilang kaisipan at sarili na wala naman talagang suliranin.” ~paglalahad ng Agila.

“Bakit ayaw po nilang simulang magbago?”

“Naduduwag silang harapin ang kanilang mga sarili. Pero dito lang naman magsisimula ang pagbabago, kailangan munang ~tanggapin ng sinuman na mayroong problema talaga sa kanyang sarili. Ang iba naman ay madalas nilang ginagawang dahilan na ito ay nakasanayan nila sa simula pa ng kanilang pagkabata, o ito’y ang kinalakihan sa kanilang paligid habang tumatanda.”

“Tama at ~makatwuiran po ba ang kanilang mga dahilan sa mga kilos nila?”

“Sa tingin ko, lalo lang natin silang pinamimihasa na ulitin at ~manatili para magtuloy-tuloy habang buhay. Huwag sana tayong patuloy na masanay at tanggapin na lang ang mga bagay na ito. Responsibilidad natin sa kanila bilang isang may mataas na ~pang-unawa na nilikha, na sila’y ~paalalahanan natin at gisingin ang natutulog nilang ~kamalayan sa kanilang mga ~kilos at gawa, na hindi ~makatarungan para sa isa o sa maraming nasasaktan.”
“Ngayon po ay unti-unti ko nang naiintindihan, kung bakit palaging sinasabi ng mga matatanda o sinuman na hindi na sila maaaring mag-iba. Sang-ayon po ako sa sinasabi ninyo sa akin, at naniniwala rin po ako na malaki ang posibilidad na ang lahat ay maaring baguhin, ang ~pagbabago ay walang pinipili, kahit isa ka ng matanda o isang bata man, ito ay iyong magagawa, kung ito lamang ay iyong gugustuhin. Kinakailangan lang umpisahang mong tanggapin ito sa sarili mo, magpakumbaba at harapin ang katotohanan at ang kamalian. Alam kong mahirap para sa sino man na isakatuparan ito. Ngunit sa tingin ko, kung nanaiisin lang ng ating kalooban na magbago ay magagawa natin, at ang lahat ng ito ay nasa isip lamang.”

“~Umaayon ako sa’yo iho.”

“Dapat din po nating pigilan at labanan ang puwersang nagkukulong sa atin, sa isang magandang buhay na ~maluwalhati at ~nakalulugod, ~makatarungan at ~makatuwiran para sa lahat. Malamang ay sasabihin nila na madali nga po para sa akin na ~ipabatid ito, at tama rin na hindi ko alam ang nilalaman ng kanilang mga damdamin. Subalit kung ito naman ang magiging daan alang-alang sa isang bukas na ~matiwasay at payapa para sa lahat. Sino ba ang tatanggi? At hindi maghahangad sa magandang kinabukasan, na ang kapalit ay isang pagbabago sa ating mga sarili, na ang makikinabang naman ay tayo at pati na rin ang nakakarami.”

“Tama ka Pipito, sana’y lahat ng tao ay katulad mong mag-isip. Higit ngang mabuti na mawala ang sobrang ~banidad sa sarili, kaysa mawala ang minamahal natin dahil sa ating ~pagmamatayog at pagmamalaki. Sa takbo ng ating buhay ay huwag sana nating hayaang palagpasin ang mga magandang pagkakataong minsan lang darating. Itapon na natin ang kasabihang nasa huli palagi ang pagsisisi, para patuloy na sanayin ang ating mga sarili na sabihin ito kung tayo ay nagkamali. Huwag nating gawin palaging itong dahilan, bagkus ang pagsisisi ay hindi magiging huli at maaring ~maiwasan, kung tayo ay matuto sa ating mga kamalian, o kaya’y ginawa na natin ang nararapat na ~kilos, o sinabi sa mahinahon na paraan at pinaalalahanan ang mga nakakasakit, o ang naliligaw sa pagkakataong iyon, na ~naa-ayon sa ~makatuwiran at ~makabuluhang ~pananaw at pag-iisip para sa sarili at nakakarami.”
“Sana po ay lagi nilang dalhin sa kanilang mga ~kamalayan at isilid sa damdamin ang salitang pagkakataong hindi dapat sayangin. Marami po sa atin ang pinalagpas ang oportunidad na ~ipahayag, ipakita at ipadama ang kanilang ~pagkalinga at pagmamahal sa isang nilikha.”

“Oo nga iho. Tama ka diyan.”

“Ano po ang pumipigil sa kanila para gawin ito? Hindi po ba dapat ay maging totoo lang tayo sa ating tunay na nararamdaman? Ang katotohanan raw ang magpapalaya sa atin. Ano pa ang silbi kung tayo lamang nakakaalam ng tunay na laman ng ating puso. Para saan pa kung sasarilinin lang natin ito? Para ano pa? Para kanino pa ito? Utang natin sa ating buong sarili ang magmahal at mahalin. Ito rin ang pangunahing dahilan ng dakilang Maygawa kung bakit tayo sumibol rito sa lupa. Huwag sana nating ~hayaang lumagpas ng tuluyan, ang isang magandang pagkakataon na walang katiyakan kung makakabalik pa.”

“Kaya nga Pipito habang narito pa ang ilang saglit, na iyong makakasama ang mga magandang pagkakataon o ang iyong minamahal, ingatan na natin bago lumayo ng tuloy-tulayan, yakapin bago malayo at ang pag-asa’y ~lumipas pa. Bago lumipas pa.”

“Opo habang narito pa ay hindi dapat nating pabayaan ~mamalagi ang galit sa ating puso, ang ~orgulyo sa ating sarili, ang negatibong ~paningin natin sa buhay.” sabi ni Pipito.
Habang nag-uusap ang dalawa ay may biglang dumaan na malaking eroplano sa taas nila. Ito’y ikinagulat ni Pipito, sa ingay ng makina ay ~muntik na siyang malaglag, buti na lamang ay nasalo siya ng Agila. Hangang-hanga ang maliit na ibon sa kanyang nakita at sabay tanong sa kausap.

“Ano pong klaseng ibon yan, higit na mas malaki pa po sa inyo at napakaingay ng huni niya?”

“Hindi siya isang ibon.”

“Pero lumilipad po siya.”

“Eroplano ang tawag riyan ng mga tao.”

“Ero……pla….no? Kung hindi po siya ibon, Ano po siya?” usisa ni Pipito.

“Imbensiyon siya ng mga tao, minsan ay nangarap sila na lumipad gaya natin, marami ang ~nagtangka, marami rin ang nabigo. Ang iba pa nga ay gumaya sa hugis at itsura ng ating mga pakpak na nakadipa. Lumikha rin sila ng sarili nilang bagwis na iwinawagayway. Subalit sila’y nabigo at hindi rin nila naabot ang langit. Ngunit hindi sila tumigil humanap ng paraan. Marami ring taon ang lumipas nang ganap na makalipad ang mga tao sa kalawakan.”

“Paano po sila nakalipad?”

“Gumawa sila ng sasakyan tulad ng nakita mo, nilagyan nila ito ng makina para makalipad, mayroon rin itong dalawang pakpak na tulad ng sa atin, kaya lang hindi ito pumapagaspas, kinabitan ng gulong na magsisilbing paa kung kinakailangan na nitong bumaba. Mula noon ay nakalilipad na rin ang mga tao. Kaya talagang nakahihigit sila sa atin, lahat yata ay kaya nilang gawin.”

“Hindi po, mas nakahihigit pa rin tayo sa kanila.”

“Aber! Bakit mo nasabi?”

“Tayo po ay hindi na natin kailangan gumamit pa ng eroplano para lang makalipad. E di mas mapalad tayo kaysa sa mga tao, dahil hindi na nating kinakailangan ~tumuklas ng tumuklas para lang makalipad. Likas sa ating mga ibon ang pinagkaloob na talino sa atin ng Maylikha.”

“Hindi pa rin tayo mapalad.”

“Bakit naman po?”

“Sapagkat yon lamang ang nagagawa natin, ang lumipad.”

“Hindi po ba ang isang bagay na ~katangi-tangi lang sa atin at walang katulad ay dapat nating pahalagahan, at ituring na kakaiba nating kakayahan.”

“Hmm! Isang paslit ka man malaki at tumatalas na ang iyong kaisipan. Kaya ako’y talagang naiinggit sa inyong mga bata. Subalit balang araw ay maiintindihan mo rin ang sinasabi ko sa’yo, minsan sa mundo natin kahit tama ito, mali pa rin. Kahit maganda ang ginawa mo, masama ka pa rin.”

“Ganun po.”

“Oo Pipito, tayo na gawa ng dakilang Maylalang, narito upang mahalin at ang mga kayamanan o mga bagay na walang buhay ay para lang gamitin sa ating pangangailangan. Kaya lang sa ating panahon ngayon, ay kabaligtaran na ang nangyayari. Ang mga nilikha na ang ginagamit at lubos na minamahal ay ang hawak-hawak nilang kapangyarihan at kayamanan.”

“Hindi po ako makapaniwala sa mga binabanggit niyo sa akin ngayon.”

“Hay…. Pipito, sa paglipat mo ng ~pahina sa kabanata ng iyong buhay, marami ka pang malalaman na ~nakakagimbal na katotohanan. Halika na at ihahatid kita sa inyo, papalapit na ang paglubog ng araw.”

“Hindi na po ginoong Agila. Alam ko na po ang pauwi sa min.” pagyayabang na pagsabi ni Pipito.

“Sigurado ka ba iho?”

“Opo! Kaya ko na pong bumalik, ilang beses na po akong namamasyal na mag-isa.”

“Sige! Kung gayon mauuna na ako sa’yo at malayo pa ang aking lalakbayin.”

“Sandali! Ginoong Agila! Magkikita pa po ba tayo?”

“Hay… Ewan ko Pipito, hindi kita masasagot. Ang alam ko lang sa iyong paglaki at simulang ~mamulat na iyong mga mata, ako’y iyong matatandaan at unti-unti mo nang matatahi ang mga pira-pirasong mong mga tanong na hindi mo maintindihan ngayon.” pahuling salita ng Agila bago magpaalam.

Tuluyan ng umalis at lumipad ang Agila sa direksiyon na pinaglulubugan ng liwanag ng araw. Sabay naman ng dahan-dahang pagkabog ng kanyang dibdib at pagpitik sa kanyang isip ng katotohanan, katotohanang hindi niya alam kung paano makakauwi sa kanilang tirahan. Nagkaroon ng pagsisisi sa pakiramdam na dapat ay sinabi sa Agila ang totoo, gustong ibalik ang oras nung ihahatid siya sa kanilang tahanan. Hindi na sana nagyabang sa sarili na kayang umuwi ng nag-iisa. Walang makitang malinaw na direksiyon na liliparin. Ang mga paa ay nag-uumpisa nang mangatog sa kinakapitan dahil sa takot, kaya kahit sa anong ~dako na lang lumipad at magbabaka-sakali na tama ang kanyang pinatutunguhan. Lipad ng lipad na may halong kaba at takot ang ginagawa ni Pipito, mata ay nanlalaki at pilit na hinahanap ang kanilang bahay. Ang kanyang palatandaan lamang ay isang puno ng buko na parang kulay ginto ang bunga. Malayo-layo na ring paglalakbay ang ginagawa, nag-uumpisa nang makaramdam ng ~pagal kaya minabuting humanap ng mapagpa-pahingahan, tamang-tama ay mayroong nadaanang puno, at duon nagpasiyang sumilong ng panandalian. Subalit sa sobrang kapaguran ay hindi na niya mapigilang maidlip at tuluyan ng makatulog sa sanga ng puno. Habang natutulog may nadadama na parang tumutusok sa kanyang likod at siya ay ginigising. ~Binugaw ng kanyang pakpak, pero patuloy pa rin siyang tinutuka.

“Hmm! Ano ka ba!” sabi ni Pipito na hindi lumingon.

Tuloy pa rin ang tuka, ~bumiling at humarap sa kanya ang isang ibong ~kahawig niya subalit dilaw ang kulay, medyo malaki ng kaunti at may katandaan sa kanya ang idad nito. Sila’y nagtinginan na pakaliwa at pakanan na para bang tumitingin sa isang salamin. Binasag ni Pipito ang katahimikan at pagalit niyang sinabi sa ibon.

“Bulag ka ba? Hindi mo ba nakikita natutulog ang ibon. Ang ganda pa naman ng panaginip ko, sayang at naputol!” sabi ng inis na si Pipito sa kausap.

“Alam kong natutulog ka diyan at hindi rin ako bulag, kaya lang lugar ko iyang tinutulugan mo.” sagot sa kanya ng ibong dilaw ang kulay.

“Ha! Ganun ba? Pasensiya ka na. Napagod kasi ako kanina at hindi ko namalayang nakaidlip pala ako.” napahiyang sagot ni Pipito.

“Ayos lang yon!” mabait na ~tugon ng ibon kay Pipito.
Inabot ni Pipito ang kanang pakpak niya sa ibong kulay dilaw at sabay nagpakilala, ganun din ang ibon.

“Ako si Pipito isang ibong maya, ikaw?”

“Joel ang pangalan ko.” sabay tanong ulit.

“Hindi ka tagarito? Tagasaan ka ba?”

“Hindi ko nga alam eh, ang naalala ko ay nakatira kami sa isang punong buko na parang kulay ginto ang bunga.”

“Paano ka napunta rito?”

“Naligaw kasi ako, pero kasalanan ko rin yon, nagyabang kasi ako sa sarili ko, kunwari ay alam ko na ang pabalik sa amin. Ayon! Hindi ko na matunton ang pauwi sa bahay namin.” salat sa ligaya na salaysay ni Pipito.

“Hindi mo ba alam na mapanganib para sa isang katulad mo ang iyong ginawa.”

“Oo alam ko, ako rin ang dapat sisihin kung magkataon na may masamang mangyari sa akin.”

“Pasalamat na lang tayo at walang masamang nangyari sa’yo, ang mahalaga ikaw ay ligtas. Simula ngayon dapat ay mayroon kang natutunan. Lahat tayo ay ~maykapanagutan sa ating mga sariling kilos at gawa. Kung ano ~kinahinatnan ng ating mga galaw ay kailangan mo itong ~harapin at kasabay ay ~kilalanin ang ating mga pagkakamali. ~Kapanalig ng pagsisimula na ~akay-akay ang iyong natutunan sa nakaraan. Para maiwasan at hindi na maulit ang ganung kamalian.”
“Oo, tama ka.” nakaka-awang sagot ni Pipito na parang nagdaramdam.

“Huwag mo sanang masamain at ikagalit ang mga binabanggit ko sa’yo, nag-aalala lang ako dahil mahirap sa mga katulad mong pakalat-kalat, baka matulad ka sa sinapit ko.” ~matigatig na sabi ng dilaw na ibon.
Tumango-tango lang na parang nagtataka si Pipito sa sinasabi ng kausap. Siya naman ang nagtanong.

“Anong uri ka ba ng ibon?” tanong ni Pipito.

“Ako’y isang mayang katulad mo.” sagot sa kanya ng ibong dilaw.

“Bakit dilaw ang iyong kulay? Ang sa akin ay kayumanggihin.”

“Kayumanggi rin ang kulay ko nuon, saan ka ba naman nakakita ng mayang kulay dilaw, kagagawan ito ng mga tao.” malungkot na pahayag ng dilaw na ibon.

“Mga tao?” nagtatakang tanong ni Pipito.

“May iba, na ginawa-gawa nila tayong pagkakakitaan.”

“Paano sila nagkakapera sa mga tulad natin?”

“Kapag napapalapit na ang piyesta ng isang lugar ay nagsisimula na silang manghuli at siguradong pera na yon.”

“Bakit kailangan pa nila tayong kulayan?”

“Para maging kaakit-akit sa paningin, hindi nila tayo maipagbibili ng mabilis kung hindi tayo kakaiba, saan ka ba naman nakakita ng mayang iba’t-ibang kulay, eh di sa kanila lang, iniiyakan ng bata paglabas sa simbahan at ang pobreng magulang walang magawa kundi bilhan ang naglulupasay na paslit para ito tumahan.”

“Sabi mo’y magkatulad tayo. Paano naging dilaw ang katawan mo?” tanong na pausisa ni Pipito.

“Pinahiran nila ako ng kemikal!”

“Kemikal!”

“Oo, mga nakalalason na kemikal ang pinapahid nila sa buong katawan ng ibong mayang nahuhuli nila.”

“Nakalalason? Di ba masama yon?” ~nahihintakutan na tanong ni Pipito.

“Nakasasama nga ito lalo na sa mga ibon gaya natin. Alam mo may iilang tao na gagawin nila ang lahat para lang kumita, kahit na mayroon silang masasaktan. Hindi naman sila ang napeperwisyo, hindi naman sila ang nalalason. Sa konting pagod sa paghuli at pambili ng pintura, siguradong napakalaki ang balik sa kanila. Ganon yata talaga ang mga tao, maypagka-malupit, lalo na sa mga maliliit na nilalang na walang kapangyarihang tulad natin.” paliwanag ni Joel.

“Akala ko sila ay may mabuting kalooban.” hindi nakalulugod na pahayag ni Pipito sa kanyang kausap.

“Akala ko rin.”

“Nalulungkot ako.” biglang sabi ni Pipito.

“Saan? Dahil ba sa sinasapit natin sa kamay ng mga tao.” tanong ni Joel.

Umiling-iling si Pipito na may mababanaag na matinding ~kapighatian na bumabalot sa kanyang mukha.

“Bukod duon, naiisip ko kasi ang nanay at tatay ko. Kamusta na kaya sila? Ano kaya ang ginagawa nila ngayon? Hinahanap kaya nila ako? Ikaw Joel nasaan ang pamilya mo?”

“Hindi ko na alam kung nasaan na sila ngayon, ang huli naming pagkikita ay sa simbahan, ng kami ay ibenta at tuluyan na magkahiwa-hiwalay. Hindi ko alam kung sinong tao ang nakabili sa kanila. Kung nasaan man sila ngayon, sana’y inaalagaan silang mabuti.”

“Ikaw paano ka nakawala?”

“Hindi ako nakatakas, mapalad lang ako at napunta sa isang mabait na bata, dahil sa pangungulila at pagkawalay sa aking magulang, hindi na matuka ang pagkaing binibigay ng aking bagong amo. Napansin niya sigurong hindi ko na kinakain ang mga nilalagay niya, kaya nag-disisiyon siyang pakawalan na lang ako. Sa aking paglaya akala ko’y magiging ~ganap ang kasiyahan, hindi pala, nagpasiya akong hanapin ang aking mga magulang ngunit ako’y nabigo, kaya binalikan ko na lang ang dating ~kawan namin, sa isip ko’y sila ay matutuwa pagnakita nila akong nakabalik, ngunit ito’y kabaligtaran sa aking inaasahan.”
“Bakit?”

“Ayaw na nila akong tanggapin, hindi na raw ako ang dating Joel na kauri nila, nag-iba na raw ang kulay at hindi na maaring pang sumama sa kawan nila. Ako’y pinagtabuyan, kaya nagpasiyang ~lumisan na lang at mamuhay na nag-iisa.”

“Sana’y pinaliwanag mong, hindi mo kagustuhang mag-iba ang iyong kulay, biktima ka lang ng kalupitan ng tao.”
“Pinaliwanag ko rin yon, pero mayroon rin tayong mga kauri na ~salat sa pang-unawa at sinasarado nila ang kanilang mga isip.”

“Kaibigan, kay sakit ng iyong sinapit sa kamay ng mga tao, at sa ating mga ibang kauri.”

“Wala akong magagawa kundi tanggapin na lang ito, at ipagpatuloy pa rin ang aking buhay kahit ako’y nag-iisa na.”

“Hindi ka ba nahihirapan sa iyong pamumuhay ngayon, at mag-isa mong sinasalubong ito?”

“Nahihirapan, at minsan pagod na rin. Pakiramdam ko’y, parang naliligaw sa isang daanan ng ~karimlan. Kaya nga ako’y nagsusumikap na kahit kaunti man lang ay mabawas-bawasan ang mabigat na pasanin sa aking balikat. Heto’t kahit mahirap ang pinatutunguhan ng aking buhay ngayon, ako’y handang makipag-sapalaran, sapagkat ang pag-ikot ng mundo ay hindi ko kayang pigilan, pero ang suliranin ay puwede kong harapin. Gayon pa man hindi maalis na minsan ako’y panghinaan na ng aking loob, at tuluyang malaglag ang hawak kong tiwala, na magkakaroon pa ako ng magandang kinabukasan sa buhay ko ngayon.”

“Nakikiusap ako, huwag mo itong bitawan! Naalala ko tuloy ang laging bilin sa akin ng aking mahal na ina, kung mayroon mang suliranin, lunas ay dapat hanapin at kung may dilim, hintayin lamang at may liwanag ring darating. Bawat isa sa atin ay may kakambal na pag-asa, kahit sino man sa atin ay may ligaya at dusa, kaya hangga’t tayo ay humihinga may darating na magandang umaga, maging sa’yo at maging sa akin man.”

“Tama ka kaibigan, salamat sa pagpapa-alala mo sa akin muli, muntikan ko na itong malimutan. Ngunit ngayon ako’y nakakaramdam pa rin ng pag-iisa.”

“Hindi na ngayon Joel.” sabi ni Pipito at sabay akbay kay Joel.

“O nga pala! Naghapunan ka na ba?” tanong ni Joel kay Pipito.

“Ah, hindi pa nga eh. Medyo masakit na nga ang tiyan ko.” sagot ni Pipito.

“Eto may dala ako, paghatian na nating dalawa, pagtiyagaan mo na lang itong nakuha ko sa ibaba.”

“Ayos lang yon, hindi naman ako mapili sa pagkain. Kahit anong ihain ni Ina ay masaya naming pinagsasaluhan, sabi niya kahit papaano ay mapalad pa rin kami dahil may nakukuhang pa silang pagkain. Marami na raw ngayon ang hindi nakakakain at namamatay na lang sa gutom na dilat ang mga mata.”

“Totoo yon Pipito, pahirap ng pahirap na talaga ang buhay natin ngayon.”

~Kalugud-lugod nilang pinagsaluhan ang pagkaing dala ni Joel. Kasabay nito ay tinuloy nila ang kanilang pagkukuwentuhan. Pagkatapos kumain ay pumunta sa dulo ng sanga si Pipito at tumingin sa kalangitan, pinagmamasdan ang buwan ~kapanalig ang milyon-milyong anak nitong mga bituin, na nagsasabog ng munting mga liwanag. Pagkalumbay ang nadarama ni Pipito dahil sa gabing ito ay hindi makakapiling sa pagtulog ang kanyang nanay at tatay. Sa pagkakatingin sa langit ay biglang may bumagsak na isang ~bulalakaw at ikinagulat iyon ni Pipito.

“Hu! Ano yon? Joel halika’t mayroong nagtapon ng diyamante doon sa itaas.”

“Ha! Ha! Ha! Hindi diyamante yon, tawag ron ay bulalakaw, bigla-bigla lang itong bumabagsak sa kalangitan at walang sinuman ang makapagsabi kung kailan ito ulit mahuhulog.”

“Hmm… Nakakamangha naman. Saan nanggaling iyon? Sino ang naghulog?”

“Alam mo may kuwento ang mga matatanda na ang bulalakaw raw ay nagmula ito sa ating Maylikha, bibihira kung ito ay malaglag at makita, ang sinuman na may malinis at mabuting kalooban sa puso ay napakapalad, at binibigyan ng pagkakataon na masilayan ang kislap niya habang ito’y nahuhulog sa kalangitan, kasabay nito ay pinagkakalooban din ng isang kahilingan na para sa kabutihan.”

“Kahit ano?”

“Oo Pipito, kahit ano ay may posibilidad na matupad ang iyong ninanais.”

“Sige. Ang hiling ko sana’y makauwi na ako sa amin upang makasama na ang mahal kong nanay at tatay.” ~malugod na hiling ni Pipito.

Habang binabanggit ang kaniyang hiling na nakatingin pa sa itaas, kasabay naman ng dating ng isang malaking eroplano na tumakip sa tinitingnan na lugar sa kalangitan, ito ay ikinabahala na may kasamang pag-aalala katulad ng isang batang ignorante at inosente.

“Naku Joel! Baka hindi makarating ang hiling ko sa itaas.”

“Bakit naman?”

“Bigla kasing mayroong dumaan na eroplano habang ako’y humihiling. Hay….. Paano na ngayon yan?” ~dismayang sabi ni Pipito.

“E! Ano ngayon kung dumaan ang eroplano?”

“Baka nahadlangan niya, tuluyang naharangan at hindi umabot sa itaas ang aking hiling.” malungkot at seryosong pahayag ni Pipito.

“Ha! Ha! Ha! Ha! Ha! Ikaw talaga Pipito nakakatuwa ang mga salita mong kay kulit, alam mo kahit isang daang eroplano pa ang dumaan diyan e makakarating pa rin ang iyong hiling duon sa kanya sa itaas.”

“Totoo?” tanong ni Pipito na sabay kamot sa ulo niya.

“Oo naman Pipito. Ha! Ha! Ha! Ha! Basta’t may malinis na intensiyon sa puso mo ang iyong mga hiling, kahit ano pa ang nakaharang ay lalagos yuon.”

Pagkatapos ng pagtawa sa mga kakulitan na pinagsasabi ni Pipito ay ~nahabag si Joel sa munting ibon, labis-labis ang pangungulila nito sa kanyang ama’t ina. Kahit nalulumbay ay nakukuha pa nitong ngumiti na hawak-hawak ang pag-asang makakauwi pa sa kanila.

“Hayaan mo Pipito bukas na bukas ay tutulungan kitang hanapin ang inyong bahay, upang makabalik ka na sa iyong pamilya.”

“Talaga! Salamat Joel!” masayang-masayang bigkas ni Pipito.

“Alam mo tuwing gabi, Kapag ako’y pinatutulog na ng aking inay, lagi akong ~humihimlay sa kanyang dibdib at sabay ~susuyurin ko ng tingin ang kalawakan na kasama ang napakaraming mga bituin sa langit. Sa tuwing makikita ko ang mga ~kumikinang na bato ay parang gusto ko silang isa-isahing pitasin sa kalawakan, subali’t mayroong namumuong ~pangamba sa akin pag sila susubukan ko nang kunin.” may lumbay na sabi ni Pipito habang nakatingin sa mga bituin.

“Hindi ka dapat matakot na abutin ang mga magandang mga bituin, iyan nga ang dahilan ng ~Maygawa kung bakit nilagay sila sa malayo. Para ipagpatuloy mong ~magpakahirap na ~sungkitin, ang iyong mga kumikislap na pangarap sa iyong dibdib at pawiin ang ~pangamba, hanggang sa ito’y tuluyang maganap.”
Kinabukasan maagang nagising si Pipito na masiglang masigla, habang si Joel ay natutulog, ginising ni Pipito ang bagong natagpuang kaibigan na hindi maibuka ang mga mata at antok na antok pa.

“Gising na Joel!”

“O, gusto ko pang matulog.” bigkas at sabay hikab ni Joel.

“Halika na binabati na tayo ng araw at salubungin na natin ang sinasabog niyang liwanang.”

“O siya! Siya! Alam ko naman kung bakit maaga kang nagising.”

“Siyempre naman, nararamdaman ko na yatang, malapit na akong makauwi.”

“Huwag ka munang magdiwang at magpakasiguro, hindi pa nga tayong nagsisimulang maghanap.”

Lumipad na ang dalawa upang umpisahang hanapin ang bahay ni Pipito, kung saan-saan na sila nakapunta at maraming mga puno ng buko ang dinapuan sa ibat ibang lugar, ngunit hindi pa rin nila ito natagpuan. Kaya habang naghahanap ay nakakita ng isang puno ng akasya si Pipito at Joel, pinagpasiyahan magpahinga ng sandali dahil sa tindi ng araw ng katanghaliang yon. Habang pinapaypayan ng kanilang sariling pakpak ang katawan, may tinig na biglang nagsalita at ito’y kinagulat nila.

“Nalulungkot ako.” sabi ng tinig.

“Ha!” nabiglang reaksiyon ni Pipito.

“Ikaw ba yon Joel?”

“Hinde! Hindi naman ako nagsasalita rito.”

Lumingon-lingon at hinanap sa paligid kung sino yung nagsalita. Subalit wala naman makitang ibang nandoon at siguradong dalawa lang silang naroon.

“Ako iyon.” sabi ulit ng tinig.

Medyo kumakabog na ang dibdib ni Pipito at Joel at binabalak na nilang lumipad, ng biglang narinig nila ulit ang tinig at tila ito’y nakikiusap.

“Huwag muna kayong umalis, tumingin kayo sa ibaba niyo, narito ako.”

Sinilip nung dalawa ang ibaba at nakita ang nakaukit at kulubot na mukha ng punong akasya. Ito pala ang nagsasalita at kumakausap sa kanila, kaya lumipad ang dalawa sa isang sangang maigsi na malapit sa mukha ng puno.

“Tinakot niyo kami mamang puno.” sabi ni Pipito.

“Ipag-paumanhin niyo sa nagawa ko mga munting ibon.” mapakumbabang salita ng puno.

“Pipito po ang pangalan ko, ako’y isang ibong maya!”

“Ako naman ho si Joel.”

“Nalulungkot kasi ako, gusto kong may makausap.” sabi ng punong akasya na nababanaag ang kalungkutan sa kanyang mukha.

“Bakit po kayo nalulungkot?” tanong ni Pipito.

“Mayroon kasi akong natanggap na masamang balita tungkol sa aking mga kamag-anakan kong mga puno.”

“Ano ho yon?” bigkas ni Joel.

“Sinabi sa akin ng isang ibon na may masama raw nangyari sa kanila, wala na raw sila doon.” humihikbing sabi ng punong akasya.

“Wala? Saan po sila napunta?” usisa ni Pipito.

“Pinagpuputol sila duon sa may kabayanan.”

“Bakit po?” tanong ni Pipito.

“Nakakasagabal raw sila sa isinasagawang pagpapalawak ng kalsada. Matagal na panahon na silang naroon, mula ng isilang ang lolo ng lolo ng mga tao. Hindi ako makapaniwala sa pagkawalang-awa ng mga uring may mas magandang kapalaran kaysa sa atin dito sa daigdig, dinadakila natin dahil sila ang bukod na pinagpala sa atin ng Maylikha. Mga ninuno kong ilang daang dekada ang dinaanan, saksi sa ~pagbabago ng panahon at kapaligiran. Ngayon ilang minuto lang silang pinutol ng mga malulupit na tao. Para raw ito sa tinatawag nilang ~kaunlaran, sa daanan ng mga sasakyan na nagbubuga ng usok, usok na maiitim at nakalalason. ~Nagdudulot ng matinding karamdaman sa kanilang baga at unti-unting ~kikitil sa kanila. Hindi ba nila alam ang ~kahalagahan namin, isa kami sa mga sumisipsip at naglilinis ng mga masasamang usok na iyon, pagkatapos ay pinutol na parang isang bagay na walang halaga, ~kaylupit nila talaga.” salaysay ng punong Akasya.

“Naiintindihan ko ang nararamdman mo kaibigang puno, ako man ay biktima ng ~karahasan nila.” sabi ni Joel.

“Ako’y lubos na nagtataka, pinagkalooban naman sila ng katalinuhan ng ating Maylikha na higit sa atin. Bakit parang hindi nila alam na sila’y nakakapinsala na.” tanong ni Pipito sa mga kausap.

“Hindi lang naman nakasasapat ang talino, kailangan mong pag-isahin sa iyong puso ang malawak na pang-unawa at ~damhin ang nasa loob ng bawat isa.” tugon ni Joel.

“Akala kasi ng mga tao ay singlawak na ng mundo ang karunungan nila. Subalit kung iyong titingnan, iisipin at ~susuriin, lahat naman ng narito sa ating daigdig ay sa isang maliit na bagay lang nagmula. Tulad ng mga tao, wala silang karapatang magyabang na sila ang pinaka-matalino o pinaka-mahusay o kaya’y pinaka-marunong sa lahat, dapat nilang pagmasdan sa kalawakan na tayo ay pare-pareho at isang maliit na tuldok lamang. Para sa akin tayo ay pantay-pantay lang.” sabi ng punong Akasya.

“Subalit mamang puno marami pa rin ang nagyayabang sa sarili at pinaiiral ang diskriminasyon sa paligid niya.” hirit ni Pipito.

“Kaya nga totoong mayroon silang nagagawa na hindi ko kaya ngunit meron naman akong ~kaya na hindi naman nila kayang gawin. Bawat isa sa atin ay mayroong kanya-kanyang kakayahan na natatangi, lahat tayo ay magkakaugnay na may pangangailangan sa isa’t isa. Kailangan lang ay matuto tayong ~kumilala at gumalang.”

“Wala na po yata talagang paggalang sa atin ang mga tao?” sabi ni Pipito.

“Mga kaibigang ibon huwag na kayong magtaka kung sa iyong pagbalik ay wala na kayong madadapuan, at ngayon alam niyo na kung ano ang sagot sa magiging tanong niyo.”

Parang napipi si Pipito at Joel sa kanilang narinig at nagkaroon ng takot sa mukha sa sinabi ng punong Akasya. Dama nila ang kalungkutang sinasapit nito. Tuluyan na silang umalis na hindi nakapagpaalam sa nagdadalamhating puno, papalayo sa palaruan ng mga bata, na kung saan nakatanim ang punong nasa gitna nito.

Samantala sa tahanan nila Pipito ay kararating pa lang ni Huana galing sa paghahanap. Sabay naman ng pagdating ni Huan na agad nilapitan ng asawa.

“Nakita mo na ba ang anak natin?” mapamukaw-loob na tanong ni Huana.

“Hindi pa rin, ipinagtanong ko nga sa ibaba, kung kanilang napansin si Pipito natin.”

“Anong sabi nila?”

“Hindi raw?” sabi ni Huan.

“Saan kaya nagsuot ang batang yon.” nalulumbay at matamlay na bigkas ni Huana.

“Pinuntahan ko na rin ang mag-asawang manok na si Romeyo at Julieta, tinanong ko nga sila kung naligaw ron si Pipito.”

“Anong sabi ng mag-asawa?” tanong ni Huana.

“Hindi daw nagawi doon si Pipito.”

“Ako man ay pinagtanong ko na siya duon kila Doray at Doro, subalit matagal na nga raw nilang hindi ito napagkiki-kita.”

“Huwag kang mag-alala!”

“Ano na kaya ang nangyari sa batang iyon? Hu! Hu! Hu! Hu! Hu! Hu! Hu! Kinakabahan ako Huan, baka siya ay ~nadagit o nalaglag at kinain ng pusa sa ibaba.” sabi ni Huana.

“Huwag ka munang mag-isip ng ganyan, umasa na lang tayo na naligaw lang si Pipito natin. Malakas ang pakiramdam kong nariyan lang sa tabi-tabi ang anak natin.” sabi ni Huan na sabay yakap sa ~tumatangis na asawa.

Patuloy pa rin sa paglipad ang dalawa at pilit pa rin nilang ~tinutunton ang tahanan ni Pipito. Tumatagaktak na ang kanilang mga pawis dahil sa kainitan na ng araw. Nakakaramdam na rin sila ng gutom sa kanilang mga tiyan.

“Nagugutom na ako Joel?”

“Ako man, sumasakit na ang aking walang laman na sikmura.”

“Halika bumaba muna tayo ron at humanap ng matutuka.”

“Sige, tara!”

Bumaba sa isang daanan ang dalawa at nagsimulang maghanap ng kanilang matatanghalian.

“Joel, ganito ba palagi ang buhay mo?”

“Ang alin?”

“Ang walang katiyakan sa iyong pagkain.”

“Mula nang mawalay ako sa pamilya ko, nasanay na ako sa ganito, kung walang makuhang pagkain ay tinutulog ko na lang, at pinapalipas ang isang araw na walang laman ang tiyan.”

“Kung gusto mo sa amin ka na lang tumira, mabait ang nanay at tatay ko, sasabihin kong ako ay iyong tinulungan. Kung hindi dahil sa’yo malamang ako ay napahamak na. Ituturing ka naming kapamilya, at saka duon nakatitiyak ka laging may makakain. Ano? Payag ka ba?”

“Salamat na lang sa’yo Pipito, sanay na akong nag-iisa, ang mahalaga ngayon ay matagpuan natin ang bahay niyo, para makita mo na ang tatay at nanay mo.”

“Oo nga.”

Habang sila ay nag-uusap sa kalye na malapit sa isang kanal, hindi namalayan na mayroon palang pusang gala na nag-aabang sa kanila. Nakatago ito sa halamanan at naghihintay lang ng tamang ~kumpas para sunggaban ang isa sa kanila. Huli na ng mapansin ni Joel ang pusa na dadakmain na si Pipito.

Kaya lumipad ng mabilis at tinulak na lang ang kaibigan papalayo sa matulis na paa ng pusang tila gutom na gutom. Subalit sa kasamaang palad siya ang inabutan ng paa ng pusa, habang si Pipito naman ay hilo pa sa pagkakatulak sa kanya at pagkauntog sa isang halaman. ~Sumambulat sa mga mata ni Pipito na ipit-ipit ng paa ng pusa ang isang pakpak ni Joel, pumipiglas ng buong lakas ngunit matibay ang pagkakatapak sa pakpak niya, at akmang kakainin na ito ng gutom at takam na takam na pusa. Gustong tulungan ni Pipito ang kaibigan subalit umiral ang takot sa kanya, at naisip anong magagawa ng isang maliit na ibong mayang gaya niya. Parang may bumulong sa tenga, ang mga pangaral sa kanya ng ama.

“Pipito, hindi lang tayo nabubuhay para sa sarili natin, para sa nakakarami.”

Kaya kahit may dinadalang takot sa dibdib ay mabilis siyang kumilos at pabalik-balik na lumipad-lipad sa tuktok ng ulo ng pusa. Kanyang ginugulo ang galit at matapang na pusa. Alam rin sa sarili na maaari siyang madakma nito at malagay rin sa isang kapahamakan. Pero kailangan niyang gampanan ito, dapat niyang tulungan ang isang kaibigan nangangailangan ng kanyang tulong. Hinahablot siya nung isang paa nitong may matutulis na kuko, iniiwasan niya na matamaan kaya panay ang ilag ng pakaliwa’t pakanan, inis na inis ang pusa sa ginagawa ng pipit, kaya naiangat ng bahagya ang paang nakatapak sa pakpak ni Joel para siya ang hablutin ng isang paa nito. Nagkaroon ng pagkakataon na lumipad si Joel, at tuluyan ng nakawala at makaligtas sa tiyak na kamatayan.

Habang si Pipito naman ay agad niyang dinamayan si Joel sa direksiyon na nililiparan nito. Galit na galit at may halong pagka-asar ang pusa sa pagkakaudlot ng kanyang tanghalian, at daglian itong umalis na kumakalam pa rin ang tiyan. Dumapo sila sa kawad ng kuryente at duon para silang napipi na hindi makapagsalita, hindi nila alam kung ano ang dapat sabihin sa bawat isa. Hindi malaman kung iiyak o tatawa sa nangyari. Hingal at mabilis na mga kabog ang nararamdaman ng kanilang mga dibdib.

“Hindi mo dapat inilagay ang sarili mo sa isang kapahamakan.” basag ni Joel sa katahimikan habang hinihingal pa.

“Kailangan kong isagawa iyon, kung ikaw nga ay ~inako mo ang kapahamakan para sa akin.”

“Sapagkat ikaw ay bata pa at may pamilya pang uuwian. Hindi tulad ko na nag-iisa na sa aking buhay.”

“Ngayon ay ganap kong napatunayan sa sarili ko na kahit na iba ang kulay mo sa amin, puso mo ay hindi pa rin nag-iba. Hindi mo talaga mahuhusgahan ang sino man sa kanyang kulay lamang, dapat ay sisirin mo ang kailailaliman ng kanyang puso. Salamat Joel sa pagliligtas mo sa akin.”

“Wala yon. Ganun din ako, maraming salamat sa’yo kaibigan hindi mo ko iniwan.”

Lumipad ang dalawa ~kaagapay ang katibayan na napatunayan nila sa kanilang mga sarili, ang katapatan ng kanilang mga puso. Ang bawat isa ay handang mag-alay ng kanilang buhay, lalong tumitibay ang kanilang pagkakaibigan, dama nila na sila’y mayroon ng kasama at hindi na ngayon nag-iisa. Patuloy pa rin silang naghahanap, iba’t ibang lugar ang kanilang napupuntahan ngunit bigo pa rin sila sa paghahanap. Subalit hindi nawawalan ng pag-asa si Pipito. Makikita mo sa puso ng pipit ang pag-asang nakatanim rito. Kahit ang araw ay dahan-dahan nang lumubog at magpapakita na ulit sa kanila ang buwan, na binabalutan ng kalungkutan sa kanyang kinaroroonan. Matutulog kapi-kapiling sa panaginip ang pag-asang magbubuklod sa kanya at sa kanyang magulang.

“Ha! Inay! Inay! Kayo nga.”

“Ako nga anak! Sino ba ang akala mo?”

“Matagal ko na po kayong hinahanap, patawad po inay. Hindi na po ako muling aalis ng walang paalam sa ating pugad.”

“Yan ang mabuting pipit, Pipito.”

“Nasaan po ang itay?”

“Nasa labas at naghahanap.”

“Sino po ang hinahanap niya?”

“Ikaw! Anak.”

“Pero narito na po ako!”

Habang nag-uusap ang mag-ina sa kanilang bahay ay biglaang sumulpot ang pusang kanilang nakasagupa ni Joel. Daglian nitong sinakmal sa bibig ang ina ni Pipito. Gimbal na gimbal siya sa pangyayari at napasigaw na lang ng napakalakas.

“Inay! Inay ko! Inay!”

“Pipito! Gising! Pipito!”

“Huh! Si inay kinain siya ng pusa na gustong kumain sa atin.”

“Nananaginip ka lang Pipito.”

“Panaginip lang ba yon?”

“Oo.”

“Parang totoong-totoo ang lahat.”

“Ganyan talaga ang panaginip, minsan hindi na natin malaman ang pagkakaiba ng panaginip at realidad.”
“Kay sama at nakakatakot ang aking panaginip.”

“Sabi nila’y minsan ang panaginip ay kabaligtaran ng katotohanan. Minsan kailangan mong maunawaan at ~mamulat, magigising ka na lang ng bigla sa mas nakakagulat, mas ~nakagigitla, ang katotohanan pala ay mas malubha.”

“Akala ko ay kasa-kasama ko na talaga ang aking inay, akala ko ay nakabalik na ako sa amin.”

“Masyado ka lang sigurong nalulungkot, kaya pati sa iyong panaginip sila ang nadadala mo.”

“Siguro nga.”

“Matulog na tayo ulit Pipito, madilim at tahimik pa ang paligid.”

“Joel.”

“O. Bakit?”

“Sa tingin mo kaya makakabalik pa ako sa amin.”

“Oo Pipito, naniniwala ako na makakauwi ka at magkakasama-sama kayong ulit ng magulang mo.”

“Talaga?”

“Oo naman.”

“Talagang-talaga?”

“Tsk! Matulog ka na, bukas na lang kita sasagutin.”

Kinabukasan tinuloy pa rin nila Pipito ang paghahanap, binaybay nila ang isang siyudad. Habang nasa itaas ay napapansin niya ang mga iba’t-ibang mga bagay na naggagalawan sa ibaba. Merong mabibilis at mayroon ring mababagal ang kilos. Sari-saring ingay ang kanyang naririnig na nanggagaling sa kahit saang panig. Napansin niya rin ang mga kinakalawang at tagpi-tagping mga bubong ng mga bahay duon na magkakadikit, ang iba ay may nakapatong na pinaglumaang gulong o bloke ng bato. Mga gusaling nilulumot na ang itaas dahil sa kalumaan. Biglang naging makulimlim ang paligid habang napapadaan sila sa malalaking gusali at mga pabrika sa paligid.

“Aba! Napakarami palang mga bulkan dito sa siyudad.” sabi ni Pipito.

“Ha! Nasaan?”

“Ayun o, yung nagbubuga ng usok kaya lang itim ang ibinubuga nito.”

“Ha! Ha! Ha! Ha!” malakas na tawa ni Joel.

“Bakit ka natatawa diyan?”

“Paano naman, hindi naman kasi yan mga bulkan at wala namang bulkan na tumutubo rito sa siyudad.”

“E, Ano yan?”

“Mga pausukan ng mga pabrika!”

“Pabrika?”

Dumapo ang dalawa sa bubong ng isang pabrika, duon pinaliwanag ni Joel ang mga tanong ng paslit.

“Alam mo ba ang mga pabrikang ito ay isa sa pinagmulan kung bakit nakikita na natin ang hangin ngayon, dati-rati ito ay iyo lang nararamdaman. Sari-saring dumi ang ikinakalat nito, hindi lang sa hangin kundi sa ating mga ilog na rin.”

“Kaya ba itim na ang kulay ng mga ilog rito.”

“Oo, ngayon dahil sa pagtatapon nila ng mga dumi na nanggagaling sa kanilang pabrika. Napipinsala at dahan-dahang pinapatay nila ang ilog na noon ay mayaman sa ibat ibang klase ng isda, at iba pang uri ng halaman at hayop na pangtubig. Ang ilog na kulay bughaw, ngayon ay nag-iba na.”
“Bakit nila ginagawa ito sa kapaligiran?”

“Sumobra na yata talaga ang dunong ng mga tao, nakalimutan na nilang mag-isip, akala nila lahat ng kanilang ginagawa ay tama, hindi na nila pinag-isipan ang masamang idudulot ng kanilang mga hakbang. Ang sabi nila ay para raw ito sa kaunlaran. Ito ang mahalaga para sa kanila, hangga’t sila’y nakikinabang sa kanilang mga pansariling ~kapakanan. Wala silang pakialam kahit sila’y nakakasakit at nakakapinsala na.”

“Kaunlaran, masasabi kong ito’y huwad na kaunlaran.”

“Oo nga, sayang at inabutan na nating ganito ang lahat. Alam mo hindi lang naman ang malalaki ang nagkakalat sa ating paligid, pati na rin ang mga indibidwal na tao. Wala na rin silang pakundangan na magkalat at magtapon ng basura sa ating paligid.”

“Kung puwede nga lang sana nating kausapin ng isa-isa ang mga tao. Ipaliwanag sa kanila ang ~kahalagahan ng mga ito, na kanila namang unti-unting sinisira.” sabi ni Pipito.

“Sana nga’y maaring mangyari yang iniisip mo, ngunit baka magsasayang ka lang ng iyong laway, ang mga tao ay mahirap makaintindi, o ayaw lang nilang umintindi. Hangga’t hindi pa sila direktang napipinsala ay kanila lamang ipagwawalang-bahala ito. Subalit pag dumating na ang sakuna ay isa-isa silang nagtuturuan at nagsisisihan. Ngunit wala naman itong maitutulong, hindi na maibabalik ang mga buhay na nawala dahil sa kanilang kapabayaan.”

“Siguro’y dapat na silang gisingin!”

“Gising naman ang mga mata nila, subalit hindi nga lang ang mga pang-unawa nila.” sagot ni Joel

“Oo nga, mahirap talagang gisingin ang isang gising.”

“Ang tunay na gising dapat ay bumabangon rin, kailangan magbangon para kumilos upang umunlad, kaya lang mayroon pa ring kahit nakadilat na ang mga mata ay nananatiling nakahiga pa rin, panahon ay hindi nila pinapansin, kaya kahit gising ka man kung hindi ka kikilos parang patay ka rin.”

“Bakit ganun Joel? Bakit sila ganun? Hindi ba nila ito nakikita? Hindi ba nila naririnig ang ~taghoy at daing ng kapaligiran. Mga wala ba silang pakiramdam? Nasa harap na nila ang ~ugat na pinagmulan nitong lahat, ngunit ito lamang ay kanilang pinababayaan. Hindi nila binibigyan ng pansin at pagpapahalaga.”

“Kaibigan alam kong nakakaramdam ka ngayon ng malaking kabiguan sa paligid mo. Dumaan din ako sa ganyang panahon na maraming katanungan na nangangailangan ng kasagutan. Minsan may mga tanong na wala naman talagang sagot. Habang pinipilit mo itong luminaw, lalo lang itong lumalabo.”

“Ganyan ba talaga ang buhay? Kanya-kanyang labo?”

“Siguro. Halika na’t maitim na ang ulap, mukhang babagsakan niya tayo ng isang malakas na ulan.”

Unti-unti ng nalalaglag ang malalaking patak ng ulan. Kaya daglian naghanap ng masisilungan ang dalawang ibon. Mabilis na bumuhos ng napakalakas at tuluyan ng inabutan ng ulan si Pipito at Joel. Pilit iniilagan ang mga malalaking patak ng ulan na parang hinahabol sila. Walang humpay ang pag-iwas ng mga pakpak, para itong mga bala na walang mata, na sila ang pinupuntahan para patamaan. Sabay naman ng dating ng malakas na hangin at pagsabog ng isang malakas na kulog. Muntikan ng bumagsak si Pipito sa pagkagulat sa malakas na tunog na narinig. Sinabayan pa ng nakakasilaw na kidlat na animo’y galit na galit, ito’y mabilis namang tumama sa kanyang matang na ~kagyat namang napapikit. Hindi pa niya halos nadidilat ang mga mata ay biglaan na namang dumating ulit ang nagwawalang kidlat, at dinaplisan ng matulis na dulo ng kanyang katawan ang isang sanga na malapit sa dalawang ibon. Naputol at matulin itong bumabagsak sa kinaroroonan ni Pipito. Mabuti na lamang ay nahila ng mabilis ni Joel ang pakpak na tulirong si Pipito at naligtas sa tiyak na kapahamakan. Inalalayan ang pipit papunta sa natanaw niyang bahay na di kalayuan sa nililiparan nila. Pinauna ang pipit na agad namang pumasok sa isang butas ng kesame ng bubong, upang duon ay sumilong at maghintay sa ~pagtila ng napakalakas na ulan.

“Salamat ulit kaibigan, pangalawang pagkakataon na tong ~sinagip mo ang aking buhay.” nanginginig na bigkas ni Pipito.

“Walang anuman yon Pipito, tungkulin ko sa sarili ang tumulong sa mga nangangailangan.”

“Akala ko’y katapusan ko na.”

Basang-basa ang dalawa ng sila ay makasilong at sa labas ay lalo namang tumitindi ang galit ng ulan, sapagkat sa malalakas na ingay ng patak na tumatama sa bubong nito. Wala silang makita sa paligid, madilim na madilim sa butas na kanilang pinasukan, liwanag lang ng kidlat ang nagsisilbing panandaliang ilaw kapag ito’y dumarating. Awang-awa naman si Joel kay Pipito na nanginginig naman sa lamig dahil sa pagkakabasa ng kanyang manipis na katawan.

“Ni..la..lamig ako Joel.” nanginginig na bigkas ni Pipito.

“Ganun ba. Paano ito hindi naman ako maaring makalabas para makakuha ng dahon.”

“Ibalot mo itong tuyong damo sa kanyang katawan.”

“Ha! Sino ka?” gulat na reaksiyon ni Joel at sinundan pa ng isang tanong.

“Nasaan ka?”

“Narito ako sa iyong gawing kanan.” sagot ng tinig.

Tama namang biglang kumidlat at bahagya niyang nakita ang isang anino, ito ay humugis na isang ibon. Kinuha ang tuyong damo at dagliang ibinalot sa nanlalamig na katawan ng kaibigan.

“Salamat sa iyo.” bigkas ni Pipito sa kausap.

“Hindi ka na ba nilalamig?.”

“Unti-unti ng nagkakaroon ng init ang aking buong katawan.”

“Mabuti naman.”

“Joel ang pangalan ko, at siya ay si Pipito. Kami ay mga ibong maya.”

“Ako naman si Liwi isang langay-langayan.”

“Hinahanap namin kasi ang bahay nila Pipito ng kami’y biglang abutan nitong malakas na ulan.” pahayag ni Joel sa ibon.

“Ganun ba.”

“Nagpapatila ka rin ba ng ulan rito.” tanong ni Pipito sa ibon.

“Hindi, dito ako nakatira.”

“Ah….”

“Natutuwa nga ako kahit paano ay may naligaw na tulad niyo sa aking butas. Matagal kasi akong hindi nakakita ng mga ibong katulad ko. Kapag mayroong ngang nagagawi sa aking madilim na tahanan, ay palagi akong nagpapakuwento tungkol sa magagandang makikita sa labas ng paligid.”

“Wala ka bang kasama rito?” tanong ni Joel.

“Meron naman, yung kasama kong daga, siya ang nagsilbing tagapag-alaga ko, ~kumalinga at nagdadala sa akin rito ng pagkain. Napakabuti niya, sa paglipas ng maraming panahon siya ang nakalakihan at tinuring kong kaisa-isang kasama.”

“Nasaan na siya?”

“Malamang nariyan lang sa labas, sumilong din tulad niyo, siguro’y nagpapatila rin at naghihintay ng pagbaba ng tubig sa mga kanal.”

“Ang pamilya mo?” tanong ni Joel.

“Mayroon, subalit hindi ko alam sa kanilang mga sarili kung ako’y nanatiling buhay pa.”

“Nasaan na ang mga magulang at kapatid mo?” habol na tanong naman ni Pipito.

“Sila’y nangibang bayan na. Narito ako at naghihintay na lang sa kanilang pagbabalik, sa pakiwari ko ngayon ako’y wala ng hinihintay pa. Madaming araw na ang lumipas, ang pangako nila ay parang isang bula na palutang-lutang sa hangin at ngayon ay pumutok na.”

“Bakit hindi ka sumama?” tanong ni Joel.

“Hindi maaari?”

“At bakit naman hindi?” usisa ni Pipito.

“Hindi ko maaari pang magamit ang aking mga pakpak. Pagkapisa ko pa lang sa itlog ay mayroon nang pagkakaiba ang aking mga pakpak, na ibang-iba sa aking mga kapatid. Hindi na ito lumaki at ayaw tubuan ng maraming balahibo ang aking dalawang pakpak. Sa paglipas ng mahabang panahon nananatili akong walang silbi sa paningin ng aking sariling pamilya.”

“Ibig mong sabihin iniwan at pinabayaan kanila sa kalagayan mong iyan.” bigkas ni Joel.

“Paslit pa ako nuon, hindi ko lubos na maunawaan ang lahat. Subalit bitbit ko pa rin sa aking alaala ang hapdi ng puso.”

“Bakit naman?”

“Madalas akong ~kinukutya at sinasaktan ng aking mga kapatid, pinag-kakaisahan at ~nilalait, pinaglalaruan ng iba pa naming kauring ibon. Ang pinakamasakit sa lahat ay hindi nila ako tinuturing at sinasama sa anumang usapan ng aming pamilya.”

“Nais mo bang ~ipabatid na sinasaktan kanila, lalo na ang iyong pisikal na katawan.” usisa ni Pipito.

“Oo, sana nga’y kung puro pangkatawan na pagmamalabis lang ginagawa nila, hapdi nito ay puwede kong tiisin, sugat nito ay siguradong gagaling. Subalit mas tagos ang sakit sa aking laman, ang binibitawan nilang masasakit at nakakainsultong mga salita, ang hindi nila ~pagkilala sa akin bilang bahagi ng kanilang pamilya, ang paghamak at dungis na iniwan ng kanilang pananakit sa mortal na pangangatawan, ay dagliang lumusot sa aking kaloob-looban ng aking buong pagkaibon. Ang pang-aabuso ng ibang kauri sa dati’y kompleto pang sarili, ay sumira sa aking ~linagñag.”

“Kay lupit ng iyong sinapit sa sarili mong pamilya at sa iba pang walang-awang kauri natin.” sabi ni Pipito.

“Pakiramdam ko’y wala nang natitirang ~dangal sa akin. Pilit kong gustong sagutin ang tanong sa aking sarili. Pero naiintindihan ko na ang lahat ngayon, magiging pabigat lamang ako sa kanila. Kakaiba ang aking itsura sa karaniwang ibon, hindi puwedeng mahalin o kahit ~kilalanin man lang. May mga paniniwala ang mga nakakatanda na isang sumpa at malas raw ang magka-anak ng tulad ko.”

“Kailangan na sigurong burahin ang ganitong nakaugalian nating maling paniniwala, na wala namang matibay at sapat na ~batayan. Sa pananaw ko ay hindi ~makatuwiran at hindi rin tama ang basta-basta ka na lang pinabayaan ritong nag-iisa.” paliwanag ni Pipito.

“Alam mo hindi na ayon sa kung ano ang wasto. Alam naman nating lahat ang paglipad ay isang mahalagang bagay para sa buhay ng isang ibon. Ngayon sabihin mo sa akin munting pipit kung ano pa ang dahilan na dapat ipagpatuloy ang buhay sa labas.”

“Kaibigan, alam kong hindi marahil nararapat na pangunahan ang iyong nadarama sa loob. Sa mga ~tinamo mong kalupitan at ~pag-aalipusta, ay hindi ko pa rin lubusang maiintindihan kung ano ang laman ng isip at puso mo. Subalit dapat nating buksan ang kaisipan na matagal na nating sinarado. Sabay ng pag-giba mo sa mataas na dingding na hinarang sa iyong puso, upang ~makalagos ang dumudungaw at bumabati sa iyong bagong umagang paparating.”

“Ewan ko. Ewan ko. Kung mayroon pang darating.” malungkot na tinig ng ibong langay-langayan.

“Aking kasama nagawa mo na ba ang mga bagay na dapat mong ginawa, o nakita mo na ba ang mga bagay na dapat mong makita.”

“Ano ang pinapakahulugan ng iyong mga salita munti kong ibon? Hindi kita ganap na maunawaan.”

“Hindi lang naman dalawang pakpak ang magpapabuo sa iyong pagkaibon. Nariyan pa iyong mata, tenga, paa, bibig at higit sa lahat ang iyong puso at kaisipan. Nakaligtaan mo na yatang mas mataas ang nalilipad ng matang ~mulat, tengang handang makinig, paang naglalakad sa tamang direksiyon, bibig na nagsasalita ng makabuluhang bagay, isip na handang ~magnilay ng matuwid sa ~antas ng ~kamalayan, at pusong handang umunawa para magmahal ng tapat at ~wagas. Kaysa sa dalawang pakpak na lumilipad ng walang ~nilalayon sa buhay.”

“Paano ko magagawa ang mga sinasabi mo? Hindi ko naman nakita ang pagsikat ng araw, o ang paglubog ng buwan, ang pagbuka ng bulaklak o mga punong nagtataasan. Lumaki akong kadiliman ang laging kasa-kasama, tinatakpan niya ang mga kakulangan sa aking katawan. Ano pa ang magiging ~kabuluhan nito sa akin?”

“Kailangan mong kilalanin ang iyong buong pagkaibon, maniwala ka dapat sa iyong sarili, bigyang halaga at magtiwala sa iyong kakayahan. Bigyan ~katwiran ang iyong pagkakasilang rito sa ating inang mundo.” habol ni Joel.

“Natatakot ako, hindi ko alam kung magagawa ko pa ngayon yon.”

“Hindi pa huli ang lahat, kailangan mong gawin ito, para sa iyo, dapat lumaban ka, huwag mong hayaang matalo ka ng damdamin mo, ~pananagutan mo ito sa iyong sarili, ikaw lamang ang makakapagbigay sigla ulit dito. Maaaring kang mabuhay at bigyan mo ng bagong ~layunin ang buo mong pagkaibon. Harapin mo ito at laging punuan ang kulang.” paliwanag ni Pipito.

“Sana’y singdali ng iyong pagkakasabi ang mga bagay na gusto mong mangyari.”
“Kaibigan, nabigyan mo nga ng pagkakataon ang iyong sarili, na magkaroon ng isang matalik na kaibigan na hindi mo naman kauri, ang dagang ~kapanalig sa mahabang panahon, magkaiba man ang inyong anyo, subalit ang puso niyo ay iisa lang ang mukha, nagawa mong mahalin at pahalagahan ang inyong pinagsamahan. Bakit hindi mo maaring buksan? At bigyan ng pagkakataon ang iyong puso sa iba pang mga mabubuting nilikha. Subukan mong ~magnilay-nilay, ~kilalanin at ikalugod mong lumakad ka ng matuwid, kasabay sa dahan-dahang pagtapak sa masasamang nakaraan. Ito lamang ang magpapalaya sa’yo kaibigan. Sa kulungan na ikaw rin mismo ang nagkukulong sa buo mong pagkaibon. Umpisahang wasakin ang mga rehas ng iyong sariling kulungan, ~kalagan ang tali sa iyong mga paa, upang ganap na lumaya patungo sa mas maliwanag na landas ng pagsisimula.” pahabol pa ni Pipito.

“Ito na siguro ang itinakda ng Lumikha na buhay para sa akin, ang magkaroon ng kakulangan at mabuhay sa mundo ng kadiliman.”

“Liwi, liwi, liwi wala siyang kinalaman sa anumang nangyayari sa’yo, maaaring ibang nilikha ang may kagagawan nito, o maaari ring ito’y isang likas na daloy ng buhay na kailangan nating paglabanan. Huwag mo sa kanya isisi ang mga ito, hindi niya kagustuhan na ikaw ay magkaganyan, o maganap sa iyo ang masasakit na pangyayaring ito. Hangad niya na tayo ay lumigaya pero wala sa kanya o hindi sa kanya nakasalalay ang ikagaganap nito. Nasa atin, nasa ating puso at kaisipan kung paano haharapin ang buhay natin sa kasalukuyan. Nasa atin ito kaibigan, ang hinahanap nating kaligayahan.” sabi ni Joel.

“Ewan ko, ako’y nalilito. Ang tanging hangad lang naman ng aking puso ay magmahal, at mahalin ng tapat at walang ~pag-aalinlangan.”

“Ikaw lang makakatulong sa iyong sarili ngayon Liwi, ~harapin mo ang takot na bumabalakid sa’yo. Marami pa ring mga tulad naming mga nilalang na handang umunawa at intindihin ang iyong kalagayan. Magmahal ng ~wagas na hindi tinitingnan ang di-kompletong pangangatawan, at ganuon din ang iyong mapait na nakaraan. Bagkus sila ay iyong magiging ~patnubay at makakatuwang sa habang buhay. Pag-uunawaan at pagtutulungan ay kailangan maging ~sandigan para sa gagawing pagbabagong buhay. Subalit hindi maaaring isa lang ang kumilos dito, kailangan ay parehong magtulungan, dapat nating ~saklolohan ang ating sarili na maiahon sa pagkakahulog sa isang bangin, katulong at ~kaagapay ang isang nagmamahal sa’yo at minamahal mo. Kailangan mong maniwala sa iyong kakayahan, lalo na sa iyong sarili. Matuto kang magbigay-tiwala sa ibang nilalang na mayroong malinis na hangarin.” paliwanag ni Joel.

“Mahirap para sa akin ang mga sinasabi niyo.”

“Umpisahan mong buksan ang iyong mga mata, ~pukawin mo ang iyong puso sa matagal na pagkakahimbing. Upang iyong matanaw ang malinaw na kinabukasan, nakabatay ito sa paglimot natin sa nakaraan, hindi mo maipagpapatuloy ng mahusay ang buhay, kung hindi mo pinapakawalan ang mga nakalipas na pagkakamali, o ~hapdi na naganap sa nakaraan na nasa loob ng iyong puso. Sobra sobra ang ating oras at punong puno tayo ng walang hanggang panahon na para ulit-ulitin ang ating mga kamalian, ngunit isang beses lang naman ang kinakailangan natin para itama ang ating mga pagkakamaling nagagawa, o ang magpasiya na tanggapin na ang sinapit para makapagsimula na ng tuluyan.” paliwanag ni Pipito kay Liwi.

“Pagod na ang aking isip sa paglalakbay, hapo na ang aking puso sa paghahanap ng kasagutan. Oras ay kaytagal at kainipan ang ~kapareha sa paghihintay ko sa panahon ng paglisan, o kaya’y tuluyan ng wakasan ito para matapos na ang lahat ng paghihirap ko.” ~tumatangis na bigkas ng ibong langay-langayan.

“Liwi, hindi ko hinuhusgahan ang iyong sarili at ang iyong malulupit at masasakit na sinapit, tama na hindi ko batid ang tunay na iyong nadarama, pero wala tayong karapatan ~kitilin ang ating sarili, walang dangal at duwag lamang ang sumusuko sa daluyong ng buhay na ating hiniram lamang. Iisa lang ang pagkakataong ito at dapat nating pagka-ingatan. At baka sa huli ay ito lamang ay iyong pagsisihan, na hindi na maaari pang mabalikan.”

“Ano ba ang nararapat kong gawin?”

“Huwag ka lamang mainip, huwag kang bumitiw, sa ating buhay ang isang bagay na buong ninanais at lubos na pinaghirapan, ay magbubunga ng magagandang mga bagay. Lahat ng ito na nakikita nating maganda ang binunga, ito’y lubos na pinaghirapan ng sino mang mayroong ~busilak at kabutihang-loob sa puso. Nasisilip ko sa loob at nadarama sa likod ng iyong damdaming ~nagkukubli, ang ~marangal mong ~hangarin, at ang ~bukas palad na ~nananahan, na iyong pinipigilang lumabas sa iyong puso.” paalala ni Pipito.

Natapos ang kanilang pag-uusap at sila’y isa-isa ng natulog sa kasagsagan ng malakas na ulan. Ngunit ayaw dalawin ng antok si Liwi, lumilipad-lipad sa isip ang mga sinabi sa kanya ni Pipito. Nagkaroon ng ~pagbubulay-bulay sa buong sarili, sa mga naganap mula ng isinilang at lumabas sa mundo. Nakasalalay sa kanya ang magiging takbo ng buhay ngayon. Nabubuo sa pang-unawa ang mga tanong mula pa ng kamusmusan, at napagtatagpi-tagpi niya na ito sa kanyang kaisipan.

Kinaumagahan ay sinalubong sila ng isang ~kalugud-lugod na pagbati ng araw, tapos na ang bagyong humagupit sa galit. Nagising na si Joel at sinimulan ng mag-inat, binati naman siya ni Liwi na nauna na palang nagising. At sabay ~mulat na rin ng mga mata ni Pipito, dahil sa tinig ng dalawa na sumagi sa tainga sa kanyang mababaw na tulog, sinimulan na niyang kusutin ang mga mata at tanggalin ang natuyong muta rito.

“Magandang umaga sa inyo mga kaibigan. Nakatulog ba kayo ng mahimbing?” bati ni Liwi.

“Oo, sumikat na pala ang araw. Ngayon ay puwede na naming ipagpatuloy ang aming paglalakbay ni Pipito.”

“Ako’y malulungkot kapag kayo’y tuluyan ng lumisan sa aking munting butas.”

“Bakit hindi ka sumama sa amin, magtulungan tayong lahat na hanapin ang ~adhikain nating ~kaluwalhatian sa buhay.” sabi ni Pipito.

“Dito na lamang ako, kailangan ko pa sigurong ~magnilay sa aking sarili.”

“O paano kaibigan, maraming salamat sa pagbibigay mo sa amin ng masisilungan.”

“Walang anuman, laging bukas ang aking tirahan sa mga ibong nagtataglay ng may malinis na pusong katulad niyo. Kayo’y humayo na at ipagpatuloy ang paghahanap, natitiyak kong malayo pa ang kailangan niyong lakbayin.”

“Liwi, paalam.”

Kanilang niyakap ang langay-langayan na binalutan ng lungkot ang mga mata at sabay ng pagbagsak ng kanyang mga luha rito. Kahit isang araw lang silang nagkakilala at nagkasama, para kay Liwi may mabigat na kahulugan kung bakit sa di-sinasadyang pagkakataon ay naligaw ang dalawang nilalang nito sa kanyang tinataguang kadiliman. Lumabas ang dalawa sa butas at tuluyan ng lumipad, ramdam ni Pipito at Joel ang mabigat na pakiramdam ng ibon sa kaniyang sarili, habang sila nama’y papalayo na. Damang-dama nila ang pagsalubong sa kanila ng umagang kay payapa.

Sinisipsip nila ang init na sinasaboy ng liwanag ng araw sa bukang liwayway. Sila’y nagpaikot-ikot sa mga bulaklak at halaman na parang mga batang naglalaro at naghahabulan. Nakaramdam sila ng pagod at tuluyang nagpahinga sa isang sanga ng isang puno. Hinahabol nila ang kanilang mga hininga dahil sa kanilang paglalaro ng biglang may lumapit na isang bubuyog. Parang nang-iinis at kanyang iniikutan ang ulo ni Pipito. Panay ang ilag at yuko ang ginagawa ng pipit ngunit talaga yatang nananadya ang bubuyog, dahil sa asar dito ay kaniya na lang itong sinigawan.

“Luya! Luya! Luya! Luya! Luya! Luya! Luya! Luya! Luya! Luya!” sigaw ni Pipito sa bubuyog na biglaan namang umalis.

“Ha! Ano? Anong sinabi mo?”

“Luya!” sagot ni Pipito.

“Yung gulay?” balik ni Joel.

“Oo, sabi sa akin kasi ni ama kapag meron daw na lumilipad na bubuyog sa aking tainga ay kailangan ko raw bigkasin ng sampung beses ang salitang ito.”

“Ha? Bakit?”

“Kusa raw na ito ay La……….layu.”

“Hmm La……….layu.” pagtataka ni Joel.

“Ganyan nga! La……….layu.”

“Ha! Ha! Ha! Ha! Ha! Ha! Ha! Ha! Ha!” tumawa bigla ng malakas si Joel, nahulaan niya ang pakahulugan ng ama ni Pipito.

“Bakit ka tawang-tawa? May mali ba sa mga sinabi ko.”

“Wala, talagang aalis nga ang bubuyog sa iyong sinabi dahil pinapa….layu mo siya.”

“Bakit?”

“Subukan mong pagbaligtarin ang pangalawa at huling letra ng salitang Luya.”

“lu….ya, la….yu, la..yu! la.yu! layu! Oo nga no talaga ngang aalis nga ang bubuyog dahil inuutusan ko siyang lumayu.”

“Tama ka diyan! Pinaglaruan ng iyong ama ang iyong kamusmusan at walang muwang na kaisipan.”

“Naisahan niya ako duon ha!” inis na sagot ni Pipito.

“Ha! Ha! Ha! Ha! Ha! Ha! Hay Pipito nakatutuwa kang pipit ka.”
Nagtawanan ang dalawang ibon, masayang-masaya sila ng umagang iyon, hindi na nila ~inaalinta ang suliranin nilang dala-dala. Punong-puno sila ng kasiyahan at pag-asang nakatanim sa kanilang mga dibdib. Papaalis na sana ang dalawa ng mayroong biglang tumawag sa kanila.

“Hintay!”

“Ha!” sabay lingon ang dalawa at nagulat sa kanilang nakita.
Nakita nila ang isang magandang ibon, ang noo ay maitim, kulay lupa ang korona, ang likod at ang natatakpan ng pakpak ay katulad ng balat ng isang kahoy na mayroon ring berdeng makintab. Moreno ang kulay ng kanyang pakpak at ganun din ang buntot niya na may kahalong batik-batik na puti. Tuwang-tuwa sila at agad nilang pinuntahan ang ibon na nagkubli at nagkulong sa kadiliman ng napakatagal na panahon.

“Ako si Liwi.” turo ng pakpak niya sa sarili.

“Ikaw ba yan?” tanong ni Pipito na may pagkagulat.

“Ako nga Pipito.”

“Napakaganda mo palang ibon.”

“Kaibigan. Gusto ko sanang subukan magsimula, tuluyan ng lumabas at iwanan ang likod ng kadiliman.”

“Talaga! Lagi mo kaming baunin sa iyong pagbabagong-buhay.” bigkas ni Joel.

“Ano ang nagtulak sa’yo para ganapin ito?” tanong ni Pipito.

“Kayo Pipito, ang malinis niyong hangarin sa inyong mga puso, ang nagbukas sa aking isip para muling tingnan ang natitirang puwang ng pag-asa sa aking pagkaibon.”

“Akala ko’y hindi maaring pakinggan at paniwalaan ang katulad kong isang munting ibon.” sagot ni Pipito.

“Kagabi ay aking ~tinahak ang buo kong pagkaibon, hinanapan ko ng dahilan ang aking buhay. Maraming panahon ang aking pinadaloy na hindi man lang binigyan ng kahulugan ang aking sarili. Ako’y napahiya sa iyong mga sinabi, ikaw na isang munting ibong ~napaparam, pinipilit mong hanapin ang iyong daan kahit ito ay mahirap sa iyong gulang, matuwid mong nakikita ang pag-asang matunton at makakabalik sa iyong pamilya. Wala akong makita sa’yo na kahit konting ~alinlangan o pagkatakot man lang kahit na ikaw ngayon ay naliligaw. Hindi katulad ko sinayang ang maraming panahon at hinayaan na ako’y ~masupil ng habag, tuluyang hamakin at ~kaawaan ang aking sarili.”

“Ang mahalaga ngayon, lumabas ka na sa iyong pinagtataguang kadiliman. Handa mo nang ~harapin ang bagong sikat ng araw.” may pag-asang sabi ni Pipito.

“Sana nga! Sa tulong ng mga tulad niyo at mga iba pang mga nilalang sa paligid ko. Ngayon ay makikita na ng mga mata ang paglubog nang araw, at paglabas naman ng buwan. Mga punong naglalakihan at mga bulaklak na naggagandahan ang mga kulay. Pipilitin kong labanan at hindi na hahayaang ~malupig sa aking mga takot.”

“Oo nga Liwi. Pero kailangan ihanda mo rin ang iyong sarili dahil marami pang mga nilikha sa ating paligid na makitid pa rin ang mga pag-iisip, at mababaw ang pang-unawa lalo na sa mga tulad mong may pisikal na kakulangan. Kailangan sila ang bigyan natin ng lubos na unawa at bigyan ng napakataas na ~kamalayan. Dapat na nating simulang durugin ang mga maling paniniwala na pilit na isinisiksik sa mga isip natin. Na hindi man lang tiningnan at tinimbang sa puso kung ito ba’y tama o ~makatarungan sa sinuman na may pisikal na kakulangan.” paglalahad na nag-aalala ni Joel.

“Tatandaan ko yan kaibigan, ngayon pa lang ay handa na ako sa darating na pagsubok, pinaramdam niyo sa akin ang aking kahalagahan. Alam ko rin naman na mayroon din akong kahinaan at ~sukdulan, pero tutuparin ko ang lahat at hindi hahayaang matumba lamang sa mga uring may mababaw na ~kaunawaan. Sapat na kayong mga bagong kaibigan ko, ang maging napakalaking dahilan para ganap kong ipagpatuloy ang buhay.”

“Lubos-lubos ang aking kaligayahan para sa’yo kaibigan, at sinubukan mong bigyang kaganapan ito. Hindi mo lang alam ang namumuong kasiyahang nasa loob ng aking dibdib. At saka kung mayroon kamang mga pagkukulang dulot ng sinapit mo, narito kami upang umunawa at intindihin ka, lagi mo lang buksan ang bintana ng iyong isip, at huwag isara ang pinto ng pusong hindi pa lubos na naghihilom.” sabi ni Pipito.

“Utang ko sa’yo ang lahat ng ito Pipito.”

“At sa iyong sarili rin.” bigkas ni Pipito.

“Ha! Ha! Ha! Ha! Ha! Ha! Ha! nagtawanan ang mga ibon.

“Napatawad mo na ba ang mga nagdulot sa’yo ng sobra-sobrang ~pasakit?”

“Pinapatawad ko na sila Pipito.”

“Ang iyong pamilya?”

“Matagal ko na silang pinatawad mula pa ng aking kamusmusan, mula ng ako’y bigyan ng ~pagliliyag ng aking kaibigang daga. Hanggang ngayon bahagi pa rin sila ng aking buhay. Lagi kong hinahangad ang kanilang kaligtasan at kaginhawaan.”

“Kay bait at kay dakila ng iyong puso Liwi, hindi mo pa rin nakakalimutan na sila’y mahalin kahit ikaw ay kanilang pinabayaan at hindi pinahalagahan.”

“Kailangan, yon ang nararapat. Magmahal ka ng walang hinihintay na kapalit kahit masakit. Magmahal ka ng walang kondisyon.”

“Sangayon ako sa’yo, ang sukatan raw ng tunay na pag-ibig ay ang pagmamahal ng walang kapantay na sukat.” habol ni Joel.

“Paano? Sasama ka na ba sa amin Liwi?” tanong ni Pipito sa Langay-langayan.

“Gustuhin ko man ay hindi maaari, dito ko na lamang ipagpapatuloy ang aking bagong buhay kasama ang aking kaibigang daga.”

“Paalam kaibigan at sa muli na lang nating pagtatagpo.” sabi ni Pipito.

Lumipad na ang dalawa at sabay namang kinaway ng ubod bilis ang pakpak ng langay-langayan sa dalawa niyang natagpuang bagong kaibigan. Iniwanan nila ng isang bagong pag-asa ang ibong langay-langayan at panibagong buhay na dapat niyang harapin ngayon. Lubos ang ligaya ng dalawa sa kanilang pag-alis dahil nasagip nila ang buhay nito, na muntikan na niyang ~kitilin ang sarili na hindi man lang lumalaban sa tinataguan niyang kadiliman.
Malayo na rin ang nalalakbay ng dalawa, dumaan ang malamig na umaga, mainit na tanghali at makulimlim na hapon sa kanilang paghahanap. Habang lumilipad ay biglang nakakita ng isang punong buko si Pipito na di kalayuan sa kanilang nililiparan, mayroong bunga na parang kulay ginto. Tinuro niya kay Joel at nagsisigaw sa tuwa.

“Ayun! Ayun! Ayun! Joel! Ang bahay namin, sa wakas ay makakauwi na ako sa amin. Ha! Ha! Ha! Ha! Ha!” galak na galak na sigaw ni Pipito.

“Yun ba talaga!”

“Oo! Yan ang palatandaan ko, ang puno na may bunga na kulay ginto.”

“Halika’t puntahan agad natin.”

Kaagad-agad silang lumipad na palapit sa punong buko, kapansin-pansin sa mukha ni Pipito ang ganap na kasiyahan sa kanyang mukha. Taglay-taglay ang maliit na kaba na nararamdaman sa kanyang dibdib habang sila’y papalapit sa puno, dala ito ng kanyang sabik na sabik na muling makapiling ang ama’t ina. Pagdapo nila sa pugad ay laking ~pagkagitla ni Pipito. Nakita niya rito ang isang ibong maya.

“Ha! Sino ka?” tanong ni Pipito.

“Kayo? Sino kayo?”

“Dito ako nakatira.” sabi ni Pipito.

“Ha! Alam ko ay nag-iisa lang akong anak.”

“Nagkaroon ba ako kaagad ng kapatid? Ang naalala ko ay wala naman akong kasabay na ibang itlog ng mapisa ako.” tanong ni Pipito.

“Baka hindi rito Pipito.” sabi ni Joel.

“Alam ko dito, sa puno ng buko na parang kulay ginto ang bunga.”

“Sa tingin ko kayo ay nagkamali ng nilapagan.” sabi ng ibon.

“Bakit mo naman nasabi?” tanong ni Joel.

“Lumipad kayo sa itaas ulit, makikita ang tinutukoy ko.”
Lumipad ang dalawa pataas at tumambad sa kanila ang napakaraming punong buko na parang kulay ginto ang bunga, ito rin ay nasa likod ng mga bahay. Ngayon ay kinakailangan nilang isa-isahin ang mga puno roon.

“Oo nga. Kami’y nagkamali. Pagpasensiyahan mo na ako.” nahihiyang sabi ni Pipito.

“Ayos lang yon, Piping ang pangalan ko.”

“Ako naman si Pipito at siya si Joel, kami’y mga ibong mayang katulad mo.”

“Isa ka rin pala sa nabiktima ng kanilang ~karahasan.”

“Oo. Isa rin ako sa hindi pinalad sa kamay ng mga tao.” sagot ni Joel kay Piping.

“Masarap bang lumipad?” tanong ni Piping.

“Bakit hindi ka pa ba nakalilipad? Sa gulang mong iyan tiyak kong marami ka na sigurong narating.” tanong ni Pipito.

“Hindi e, hindi ko nga alam ang pakiramdam ng nakalilipad.” bigong salita ni Piping.

“Bakit ayaw mong subukan?”

“Ako’y ~pinanghinaan ng loob sa sarili, nuong bata pa ako ay gustong-gusto kong lumipad, at salubungin ang hangin para makipaglaro sa kanya. Pinanganak akong mayroong kahinaan ang katawan at mga pakpak. Sa mura kong idad ay buo ang aking loob para makalipad. Ngunit sa hindi ko maintindihang ~katwiran ay pinipigilan ako ng ~humuhubog sa isang batang ibon.”

“Pinipigilan ka ng mga matatanda?”

“Oo. Lagi silang may ~pangamba, at pinipigilan nila na isagawa ang mga gusto ko para sa aking sarili.”

“Sa paanong paraan?”

“Sa pagdurog nila sa akin, ang paghadlang sa aking mga ~ninanais, ang hindi pagbibigay halaga sa aking mga ginagawa, ang pagpasok sa buong buhay ng isang musmos.”

“Hindi ba dapat ito ay naaayon sa sariling pananaw, at ~paninindigan na ~batay sa kanyang panahon, at ginagalawang lipunan ng isang bata.” sagot ni Pipito.

“Dapat nga. Subalit hindi nila namamalayan sa sarili na nakakasakit pala ang kanilang mga salita at kilos, lahat na lang nang ginagawa ko ay lagi na lang mali. Wala na yata akong ginawang tama. Para bang nung nagsabog ng katalinuhan ang Maylikha ay sinalo na lahat ng mga matatanda, at wala ng natira sa mga batang kagaya ko sa buong sanlibutan.”

“Baka naman inaalala lang niya ang iyong kalagayan at ikaw ay lubos nilang iniingatan.”

“Maari nga, subalit may tamang pag-aalala, hindi ang pagwasak sa buo mong pagkaibon. Ang hindi pagbibitaw ng mga masasakit na salita. Ang tunay na ~paglingap kanino man, ay ang hindi paghahanap ng kapintasan o pagkukulang, hindi pagkuha ng mga ~tugon, at ang hindi pagtingin sa mga kamalian, bagkus turuan kang labanan ang mga pagkakamali, ipakitang kailangan tanggapin ang mga pagkukulang at kapintasan, at paalalahanan na iwasan ang pagbibigay ng mga ~hindi makabuluhang dahilan.” bigkas ni Piping.

“Hindi kita maintindihan.” tanong ni Pipito.

“Mayroon silang mga maling paniniwala at paraan na nakaugalian at nakasanayan nila sa ~paghubog ng isang ibon.”

“Anong paniniwala?” sabi ni Joel

“Ang pagsisira nito sa loob ng isang batang ibon, akala nila’y sa pamamagitan nito’y kanilang maiaangat ang ~pananalig sa sarili ng isang musmos, subalit ito’y kabaligtaran sa kanilang inaasahan, hindi nila ~namamalayan sa kanilang ~pamamaraan na nakaugalian, ay lalo lang nitong winawasak at pinapatay ang buong buhay ng isang munting ibon, na madadala niya sa kanyang paglaki at tatagos sa buong sarili. Lalo lang nitong pinahihina ang kalooban at kaya sa kanyang ~pagsagupa ay walang natitirang lakas upang ~gapiin ang pait na ~ginawad ng ~tadhana. Sila ang dapat nating maging ~giya, at hindi magligaw sa ~tinatahak na paroroonan ng ating puso.”

“Sangayon ako sa’yo Piping, ang buto nga raw na nanatili sa ilalim ng lupa ay walang panganib, pero hindi siya magiging isang bulaklak. Ang butong hindi ~magtalop at buksan ang balat niya, hindi makakarating patungo sa sinag ng araw, para siya ay mahawakan. Kailangan lahat ay baguhin at salubungin ang dumarating na pasakit, upang ito’y magsimulang sumibol at unti-unting magkaroon ng lakas.” sabi ni Pipito.

“Tama si Pipito. Minsan nararapat na hayaan nila tayong harapin at sagupain ang malupit na agos ng buhay na hindi maiiwasan. Mga bagay na ito ay isa sa magpapausbong ng ~katatagan at ~magpapalago sa atin, kailangan tayong madapa at masugatan upang malaman ang sakit, at matutong tumayo ng nag-iisa sa pagkabuwal. Palagiang baon-baon natin ang kanilang ~makatuwirang ~pag-gabay at tamang paghubog ayon sa niloloob ng ating mga sarili.” paliwanag ni Joel.

“Ngunit nakapanghihina ang katotohanan dahil patuloy sila sa pagbabalewala, at hindi pagbibigay ng halaga sa mga ginagawa o sinasabi ng isang bata o ng isang matanda, ang hindi pagiging ~sensitibo sa masasakit na salitang binibitawan, hindi man lang nila inisip kung ito’y makakasakit sa sinasabihan nila, at ang hindi pagpansin sa dinaramdam ng isang walang kamuwang-muwang na paslit, o sa hindi man paslit. Lahat ng ito ay hindi pinag-uukulan ng panahon para silipin ang ~pinag-uugatan ng suliranin at gulo ng buhay.” may pagkabigong sabi ni Piping.

“Ang ama ko’y malawak mag-isip, laging bukas sa malayang pangangatwiran.” sabi ni Pipito.

“Mapalad ka, bibihira ang mga katulad niyang handang makinig, sa salita ng isang bata o kanino man. Hindi tulad ko palagi na lang negatibo ang nasa isip niya sa akin. Wala ng ginawang tama, mas madalas pa nilang nadudungaw ang aking mga kamalian, sa halip na ang mga magaganda at ang mabuti kong nagagawa.”

“Lubos-lubos ang aking pagtataka. Bakit kaya sila ganuon? Imbis na tingnan ang mga positibong mga bagay ng bawat isa, ay mas ginugusto pa nilang mamintas at makasakit ng mga damdamin.” sabi ni Pipito.

“Malamang ay hindi nila ~nababatid ang kanilang mga sinasabi at ginagawa. Bakit hindi mo subukang ~ipahayag at ilabas ang dinaramdam mo? Sa tingin ko’y panahon na upang sila’y paalalahanan natin, ang pang-aabusong emosyonal ay lubos na kaysakit, at tagos sa kaloob-looban ng ating buong pagka-ibon, kaysa sa pang-aabusong pisikal na ramdam lang ang sakit sa labas, at nakatitiyak tayong ito ay maghihilom.” banggit ni Joel kay Piping.

“Ginawa ko na yan, subalit lalo lang naging magulo ang sitwasyon, mahirap yata para sa isang matanda ang tumanggap ng kanyang pagkakamali. Para sa matatanda ay isang pagpapakita ng kahinaan ang pumantay at bumaba sa ~antas ng mga bata.”

“Sa tingin ko’y hindi naman karuwagan o pagpapakita ng kahinaan, ang yumuko at pakinggan ang boses ng mga paslit, o ng sinuman na mayroong ~makatuwiran na kaisipan. Bagkus ito’y ~pagpapamalas ng ~kababaang-loob, upang ~kilalanin ang karapatan ng mga bata bilang isang bahagi rin sa ating mundong ginagalawan. Mataas ang aking pagtingin at paggalang sa mga matatanda, na marunong ~kumilala at ~dinggin ang ating mga maliliit na tinig. Para sa akin ay mas ganap na matapang ang sino man may lakas ng loob, na humaharap at tumatanggap sa kanyang mga mali.” pahayag ni Pipito.

“Pipito matagal ng nilimot ng mga matatanda ang salitang pagpapakumbaba. Napapansin kong takot nga silang sabihin at malaman kung ano ang totoo, madalas ay iniiwasan nila itong pag-usapan, o kaya’y nahihiya sila na malaman pa ito ng iba. Pero patuloy pa rin sila sa ugali nilang hindi maganda na nakakasama sa marami.” sagot ni Piping.

“Hay…… Nahihiya pala sila na malaman ang pinaggagawa nila. Alam naman pala nilang mali at may masamang epekto ang kanilang mga kinikilos. Bakit patuloy pa rin nilang ginagawa? Hindi ba ang mga bagay na totoo ay hindi dapat ikinahihiya, at kaya hindi rin nararapat na gawin at ituloy ang isang bagay kung ikahihiya mo ito. Ito’y isang pagpapakita lang ng ~pagpapaimbabaw natin sa ating mga sarili.”

“Marami pa rin sa atin talaga ang takot na takot sa katotohanan, naduduwag para tanggapin ito. Gaya ng sinabi ko nakalimutan na nilang magpakumbaba.”

“Baka sinabi mo naman ito sa hindi mahinahong paraan, alam mo ang mga matatanda ay hindi kaagad-agad nakatatanggap, lalo na kung ito’y galing sa isang bata, madaling masaktan ang sarili kung sila’y pinagsasabihan ng mas higit na bata sa kanilang idad.” singit ni Joel.

“Nangangarap lang kayo. Walang pagbabagong magaganap, ang buhay ay hindi singganda o singtamis ng isang pangarap. Binubulag lang kayo ng inyong mga paniniwala.” sabi ni Piping.

“Hindi kaibigan, mayroon. Dapat ay matuto kang mangarap, totoong sa simula ito ay nasa isip lamang, subali’t na sa iyong pagkilos ang ~katuparan ng ating mga minimithi at pangarap. Naniniwala akong bawat isa sa atin ay binigyan tayo ng mataas na ~antas ng karunungan at kamalayan, na magagamit upang maunawaan ang sinuman, pero kailangan lakbayin muna natin ang ating mga sarili para duon ito tuluyang harapin. Minsan kung umabot na ito sa dulo ng ating sukdulan, ay kinakailangan din natin ang tulong ng iba pang mga nilalang. Sila ang mag-aakay at magbibigay ng ~tanglaw sa’yo, upang makita ang mga bagay-bagay na hindi mo malinaw na nasisilip, dahil ito sa panahong ikaw ay ~maligalig at ~balisa ang iyong kaisipan. Huwag nating pilitin ang ating sarili na sagutin o ayusin lahat ito ng nag-iisa.” paliwanag ni Pipito.

“Hindi ko alam munting ibon. Mabuting sarilinin ko na lang lahat.” ~tugon ni Piping na di nasisiyahan.

“Kaibigang Maya walang sinumang ibon ang nabubuhay para sa sarili lamang, tayong lahat ay may pananagutan sa isa’t-isa. Hindi mo ba alam maligaya’t masarap ang aking nadarama, kung mayroon humihingi at nangangailangan ng tulong ko. Nagbibigay ito na hindi ~mailahad na kasiyahan at kaligayahang ganap na nanggagaling sa ating Maylikha, nakakaramdam ng ~pagkabuo sa buhay ko kung mayroong natutulungan, o kaya’y napapawi ko ang kanyang kalungkutan. Lagi akong nakikinig sa kanyang kaligayahan at kasawian, dinadamayan sa panahon ng kanyang pangangailangan. Huwag mong ipagdamot sa mga nilalang na handang makinig at ikaw ay saklolohan sa pagkakalaglag mo sa isang malalim na hukay. Kaya kung ako man ay may suliranin ay ipinagtatapat ko ng buong-buo sa aking pinakamamahal at nagmamahal sa akin, alam kong maiintindihan niya ako at mauunawaan. Magdudulot ng liwanag at makakatuwang sa hindi makayanang problema na aking kinakaharap. Kahit hindi nagkaroon ng kaliwanagan ang lahat, ang mahalaga ako ay may napagsabihan, at pinakinggan na bukas ang dalawang tenga.”

“Nalilito ako, hindi ko na alam kung ano ang tama. Ang tanging hangad ko lamang ay magmahal at mahalin din.”

“Yun naman ang tama Piping, ang magmahal at mahalin rin.” sabi ni Joel.

“Pero minsa’y hindi ko na alam ang pagkakaiba ng tama at mali, akala ko’y ang pagpapahayag sa totoo kong nararamdaman ang siyang magbibigay sa akin ng ~kaluwalhatian, ang pagpapakita ng kabutihan, pagbibigay ng pang-unawa, ~pagkalinga at pagmamahal ay magbubunga ng ganap na ~katuparan at kasiyahan.”

“Marami pa rin sa ating kung minsa’y mahirap talagang maunawaan ang kanilang ~pagtatauli, pag sila’y binibigyan o pinapakitahan ng pagmamahal. Hindi natin ~batid kung ano ang nasa isip at puso nila.” sabi ni Pipito.

“Ang mahalaga ngayon ay pinakita at pinaramdam mo ang iyong ~wagas na pagmamahal, hindi mo na ~pagkukulang kung hindi man naging maganda ang kinalabasan, ng mga bagay na gusto mong mangyari. Huwag kang laging umasa na magiging maayos ang lahat, kahit tama at totoo ang iyong ginagawa at sinasabi. Tayo ay mayroong kanya-kanyang pag-iisip at nararamdaman. Subukan mong lumipad, simulang pawiin ang pangamba, hayaang sumubok ulit sa dati’y hindi nagkaroon ng ~kaganapan.” paliwanag ni Joel kay Piping.

“Ewan ko, kung magagawa ko ang sinasabi niyo.”

“Magagawa mo yan, kailangan mong magtiwala sa iyong sarili, at sa ibang may mabuting kalooban na nilalang.” sabi ni Pipito.

“O baka naman tinatalo ka lang ng iyong kainipan, ang isang ~pagbabago ay hindi puwedeng madiliin.” bigkas ni Joel.

“Siguro nga.”

“Ipagpatuloy mo lang ang ~pakikipaglaban at ~pagpunyagian ang hinahangad mong pag-iiba.” pahayag na may bitbit na pag-asa ni Pipito.

“Salamat.”

“Sana’y sa pagkikita natin ulit ay masisilayan ka na naming lumilipad.” salita ni Joel.

“Dumating sana yon.” malungkot na sagot ni Piping.

“Paalam na sa’yo.”

Umalis ang dalawa sa punong buko para ipagpatuloy ang paghahanap nila. Sa itaas sila’y huminto at tiningnan ang maraming puno ng buko. Baon pa rin ni Pipito sa kanyang puso ang pag-asang sana ay isa man sa puno duon ay naroon ang kanyang pamilyang naghihintay sa kanya.

“Pipito, mukhang mahihirapan tayo rito.”

“Oo nga Joel, napakarami nito para isa isahin natin ang mga puno. Pero kailangan nating gawin iyon, kung iyon lang ang paraan para makabalik ako sa amin ay isagawa natin.”

“Tama ka, gamitin na nating lahat ang mga natitirang paraan.” sagot ni Joel.

“Nauuhaw na ako?” sabi ni Pipito.

“Halika ruon, hayun ang munting ilog.”

Sila’y bumaba para uminom at pawiin ang uhaw sa kanilang ginagawang paghahanap. Hindi mapigilan ni Pipito ang pagdaloy ng tubig sa kanyang lalamunan, napapangiti na lamang si Joel sa ~namamalas niyang matinding uhaw ng kaibigan.

“Pipito dahan-dahan lang, parang isang taon na hindi nadaluyan ng tubig ang iyong lalamunan.”

“Oo nga, masarap kasi ang tubig at talagang uhaw na uhaw ako.”

“Ha! Ha! Ha! Napansin ko nga.” napatawang sabi ni Joel kay Pipito.
Ang dalawa ay nag-uusap ng kanilang mapansin ang mga maliliit na langgam na malapit sa mga paa nila, pila-pila itong naglalakad at nagdaraan sa mataas na ~talahib patungo sa kanilang tahanan. Hindi man lang nagkakabanggaan kahit makipot ang puwang na kanilang dinadaanan. Natutuwa si Pipito dahil kay gandang tingnan ang mga langgam, sunod-sunod at hindi nag-uunahan. Bitbit-bitbit ang pagkain na nakuha upang ipunin sa kanilang tirahan.

“Tingnan mo Joel nakatutuwang panoorin ang mga langgam. Bawat isa ay mayroong hawak-hawak na pagkain, sila’y nagtutulungan sa kanilang mga gawain.”

“Oo nga e, mabuti pa itong mga maliliit na langgam ay nagtutulungan. Hindi katulad ng ibang uri dahil sa ~pagkaganid ay natutong manlamang, lalo na sa mga maliliit na naaapi.”

“Ganun ba sila talaga ~mapagsamantala?”

“Masakit man sabihin subalit iyon ang totoo.”

“Bakit?” tanong ni Pipito.

“Naghahangad sila ng lakas o kayamanan na higit sa kanilang pangangailangan. Kahit napakarami ang nasasaktan o nawawalan, gagawin nila ito para sa sarili nilang ~interes, parati silang nag-aagawan o naggigitgitan sa kapangyarihan. Naturingan pa naman silang matalino, pero sa suliraning kapiraso agad-agad silang nagkakagulo.” paliwanag ni Joel.

“Sana’y tularan nila ang mga langgam, maliliit man sila’y tulong-tulong sa hakutan, nagtutulungan kahit saan. Pagkain na kanilang nilalaan ay para sa kanilang lahat pagdating ng tag-ulan.” bigkas ni Pipito.

“Oo nga, sana nga’y magkaroon na ng pagkakapantay-pantay dito sa mundo. Hindi naman sana palaging nasa ilalim lang nila tayo. Huwag sanang masanay ang nasa ilalim na manatiling nasa ilalim na lang.”

“Ano ba ang nararapat?” tanong ni Pipito.

“Pagmamahal at pagmamalasakit sa ating mga kalahi ang dapat ipairal.”

“Gaano ba kahalaga ang pagmamalasakit at pagmamahal dito sa lupa?”

“Napakahalaga nito sa ating pagkilos sa ~sangkalupaan, ito ay isa sa mahalagang pamana ng Lumikha sa ating lahat. Hangad niyang makita ito sa bawat isa sa atin, na taglay ang tunay na kababaang loob at kasama ang mabuting kalooban.”

“Bakit marami pa rin ang hindi sumusunod?”

“Bawat isa sa atin ay binigyan ng Lumikha ng sariling pag-iisip, at kalayaang magpasiya sa ating mga kilos.” paliwanag ni Joel.

“Bakit hindi na lang niya ginawa na puro kabutihan ang ating naiisip o ginagawa? Sana’y wala ng nakakasakit sa ating mundo.” pag-uusisa ni Pipito.

“Ayaw niyang pangunahan ang ating mga pag-iisip at kilos, ganun niya talaga tayo kamahal, binigyan niya tayo ng kalayaan na magpasiya kung paano natin patatakbuhin ang ating mga buhay dito sa daigdig. Subalit kaakibat ng pagbibigay niya sa atin ng karunungan at ~malayang kalooban, hiling niya lang ay ~gawaran natin siya ng lubos na paggalang, pagmamahal at pagmamalasakit, at ganuon din sa lahat ng kanyang mga nilikha sa lupa. Kaya lang sa ating panahon ngayon marami ang hindi na gumagalang sa ating Maylikha, at tuluyan na nilang kinalimutan ang gumawa sa kanila.”

“Nakakalungkot ang nangyayari sa ating lahat rito sa daigdig, mahirap talagang maintindihan ang lahat ng nagaganap, pati na sa ating dinadakila at minamahal ay wala na silang paggalang. Paano matatanggal ang mga kamay na nakagapos pala? O mga pakpak natin na kanilang tinalian, at mga pag-iisip natin na kanilang kinukulong. Ano ang dapat nating gawin upang masupil ang mga uring ~mapagsamantalang ito?”

“Kailangan lang ng pagkakaisa, sa isang layunin at mithiin para sa higit na nakakarami.”

“Pagkakaisa?” tanong ni Pipito.

“Oo, tulad ng maliliit na langgam makikita mo sa kanila ang pagkakaisa. Hindi nakakaranas ng taggutom dahil ang bawat isa ay nakikipagtulungan para sa isang ~hangarin, para sa higit at ~kapakanan ng nakakarami.”

“Ibig mo bang sabihin ay kaya natin talunin ang sinumang makapangyarihan, basta lang mayroon tayong pagkakaisa.”

“Oo naman Pipito. Tulad ng isang walis, kumuha ka ng isang pirasong tingting dito at subukan mong baliin.”

“Nagawa ko na.” sagot ni Pipito.

“Anong nangyari?” tanong ni Joel.

“Nabali ko.”

“Ganun kadali?” balik ni Joel.

“E ang dali namang baliin!” sabi ni Pipito.

“Ngayon heto ang isang buong walis, subukan mo ngang itong baliin.” tinuro ni Joel at sabay nilapitan ni Pipito ang nakakalat na sira at upod na walis sa lupa.

“Hindi ko mabali, sobrang laki.”

“Ganyan ang ibig kong ~ipabatid sa’yo, kailangan nating magsamasama upang ~magapi natin ang umaapi sa atin. Kahit anong lakas at kapangyarihan na mayroon sila ay hindi nila ito matutumbasan basta may pagkakaisa lang.”

“Kung nagsasama-sama lang ang mga mapapalad na tao, ay hindi sana sila na-aapi ng mga iilan na ~mapagsamantala, at mga naghaharing uring ito.” sabi ni Pipito.

“Kung nagkakaisa nga lang! Kaya lang hindi. Nasa kamay na nila ang pagpapasiya para sa kanilang paglaya sa kahirapan, at tuluyang makamit na nila ang katarungan, kailangan ng umpisahang basagin ang ating mga kaisipan at ang ~malay na naaalipin, upang ang pang-aabuso at pang-aapi sa maliliit ay mawakasan na.” balik ni Joel.

“Oo nga, tayo’y naririto upang ~patatagin at ~hasain ang kaisipan, kailangan ring ~linangin ang ~kamalayan, ang mali at ang wasto ay patunayan ng ating karanasan. Huwag nating patuloy na tanggapin na lang ang mga bagay na hindi naman tayo ang may gawa. Sana’y hanapin natin ang ugat at hindi ang puno ng tunay na suliranin, alang-alang sa buhay na ~matiwasay. Gisingin ang tulog na isip at matutong ~manindigan, simulang magkaisa at para makamit na ang tagumpay. Panahon ng wakasan ang ~pagsasamantala.” bigkas ni Pipito.

“Ngunit patuloy na mananatili ang kaguluhan habang may naghahari-harian, wala tayong matatamong katahimikan. Hangga’t ang katarungan ay para lang sa iilan, hangga’t maraming lugmok at nahihirapan, hangga’t hindi inaalam ang puno’t dulo ng tunay na dahilan ng kaguluhang ito, hindi matatapos ang gulo.” tugon ni Joel kay Pipito.

“Joel para silang nagbubulag-bulagan o nagbibingi-bingihan sa nangyayari sa paligid.”

“Minsan kasi ang ating paningin ay lilinaw lang pagkatapos mahugasan ng luha ang mga mata. Kailangan mabigo para maging ~mahinay at mapagmahal, o magkasakit upang makapagpahinga at makapag-isip ng mahusay sa mas mahahalagang mga bagay.”

“Tayo ng lumipad Joel.”

Lumipad na sila at kanilang itutuloy ang paghahanap. Samantalang lumilipad at habang naguusap ang dalawa ay bigla na lang may dumagit kay Pipito, laking gulat at takot ni Joel sa nangyari, habang si Pipito ay hingi ng hingi naman ng tulong sa kanya. Hawak sa paa ng isang lawin si Pipito at hindi pa gaanong matulin ang lipad ng lawin kaya inabutan pa ni Joel ang malaking ibon. Pilit niyang tinutuka ang paa nito, na kung saan naman naroon at hawak-hawak ang kaawa-awang si Pipito. Huminto ang Lawin at binalingan si Joel, pilit na hinahabol ng malaki at mahaba niyang tuka ang matulin na nakakailag na ibong maya.

Inilagay naman sa kapahamakan ang buhay para lang mailigtas ang kanyang nagmamakaawang matalik na kaibigan. Patuloy ang paghabol ng tuka sa maliit na ibon, palipat-palipat naman ito sa harap at likuran, pinapagod at sinusubukang hiluhin para makawala ang kaibigan. Nagpaikot-ikot para tuluyang ng mahilo ang malaking ibon, napapansin niyang medyo umiikot na ang mga mata nito kaya dagliang pumunta sa paanan nito, at sabay tinuka ng tinuka ang paa ng lawin. Nasaktan ang lawin kaya nabuksan ng di-sinasadya ang matutulis na paa at agad na nakalipad si Pipito. Habang si Joel naman ay dagliang susunod para umalis, kaya nga lang ay inabot ng tuka ng lawin at siya ngayon ang nasa panganib. Galit na galit ang lawin kay Joel na sakmal-sakmal nito, unti-unti niyang iniipit ang maliit na katawan ng ibon na kasiya sa kanyang lalamunan.

Nagkaroon ng dahan-dahan na panghihina ang katawan, dahil sa pagkakaipit at ito’y daglian nawalan ng ~ulirat. Si Pipito naman ay naroon at nanghihina pa, walang magawa upang tulungan ang kanyang kaibigan. Nagulat na lang ng biglang dumilim ang nasa ibabaw na parang mayroong dumaan na malakas na hangin. Laking tuwa ng makita ang kaibigan niyang Agila, ito’y nakipaglaban sa lawin upang sagipin si Joel. Nasindak ang lawin ng dumating ang hari ng kalawakan, kaya nabitawan sa takot ang kanyang bihag na parang wala ng buhay.

Tumuloy-tuloy ang bagsak patungo sa munting ilog ang ibon, habang ang lawin naman ay kumaripas ng lipad upang iwasan ang bangis at galit ng haring ibon. Gimbal na gimbal si Pipito ng makitang nahulog sa munting ilog ang kaibigan, hahabulin pa sana ng Agila ang lawin pero mabilis siyang tinawag ni Pipito upang humingi ng tulong at saklolohan ang nalulunod niyang matalik na kaibigan. Nakita itong inaagos at dahan-dahan lumulubog sa munting ilog. Walang inaksayang panahon ang Agila at kanyang dinakma si Joel at nilapag sa tuyong lupa na katabi nito. Agad namang nilapitan ni Pipito ang kaibigan at pilit nitong ginigising ang patid na nitong hininga.

Nag-uumpisa nang umagos ang mga munti niyang luha sa kanyang mga mata, habang ang Agila ay pinagmamasdan na awang-awa sa sinapit ng munting ibon, tila napakasakit ang nangyari sa kanyang kaibigan. Tinapik ng kanyang malaking pakpak at hinagod-hagod sa likod si Pipito para ito’y damayan sa pagdadalamhati. Gusto sanang kahit papaano ~maibsan ng kaunting sakit ang nararamdaman ng paslit. Yakap-yakap ng mahigpit ni Pipito si Joel na ayaw bitawan ang basang katawan nito. Patuloy ang daloy ng luha sa kanyang mga mata, pati ang Agila ay tumulo na rin ang kanyang luha sa kanyang nasa-saksihang pagdurusa ng dibdib ni Pipito.

“Ikinalulungkot ko Pipito ang nangyari.”

“Bakit po ganun? Hu! Hu! Hu! Siya na lang po ay aking kaisa-isang kaibigan. Bakit siya pa ang nawala?”

“Alam mo dito sa ginagalawan nating mundo, minsan kinakailangan mayroong ~magbuwis ng buhay para mayroong ~masagip. Dapat may masaktan upang may lumigaya. Walang sino man sa atin ang hindi ~nakaranas, bawat isa sa atin ay naging biktima ng mga masasakit na sitwasyon at pangyayari, iba’t-iba nga lang ang mukha o hugis, subalit nasa atin ~nakasalalay kung paano natin ito tinatanggap at hinaharap.”

“Hindi ko po maunawaan ang mga pangyayari? Hu! Hu! Hu! Hu!” bigkas na kasabay ang ~tangis ni Pipito.

“Lagi mo lang tandaan, walang nagaganap na walang dahilan. Kung ang ating pagdurusa ay ~makapagdudulot ng pagbubukas sa ating puso at kaisipan, at magpapakita sa atin ng daan para tayo tuluyang mapalapit sa ating Maylikha. Kaya kapag tayo ay ~sumalungat sa ating ~tadhana kapalit nito’y paghihirap at ~hinagpis sa ating sarili. Subalit kung ito’y ~magaang nating tatanggapin at haharapin, ~katumbas nito’y isang ganap na kaligayahan.” pahiwatig ng Agila.

“Matinding galit po ang namumuo sa aking puso, hindi ko malaman kung dapat kong maramdaman ito, kung magagalit ako sa may sala o sa aking sarili, wari ko’y naging ~inutil sa gitna ng malaking nangyaring kapahamakan na naganap sa aking kaibigan.”

“Huwag mong itanim ang galit sa iyong puso, hindi mo dapat hayaang lamunin ng ~poot at galit ang buo mong pagkaibon, walang magandang idudulot ito sa’yo. ~Ikukubli nito ang lahat ng magagandang mga bagay sa iyong paligid, ang iyong nakikita, naririnig at nararamdaman, mga magagandang pagkakataong nasa iyong tabi lang, mga ibang nilikhang nagmamahal sa’yo ng wagas at ~walang pag-iimbot dito sa sangkalupaan. Hindi mo na puwedeng balikan ang naganap na.”

“Pero napakasakit po ang nararamdaman ko ngayon, nawala po ang aking matalik na kaibigan. Ang kirot ay tumatagos sa aking kaloob-looban, mas higit pa ang hapdi ng sugat sa loob at labas ng aking laman.”

“Naiintindihan kita Pipito, dumaan na rin ako sa maraming pagdurusa at pagsubok. Nawalan ako ng isang pinakamamahal ko sa buhay, siya ang lagi kong ~katuwang sa anumang suliranin, umiintindi at umuunawa, nagsasabi at nagtuturo sa aking pagkakamaling nagagawa.”

“Ano po ang nangyari sa kanya?”

“Nabaril siya ng mga taong wala na yatang natitirang ~bait at awa sa sarili nila.” mabigat na pagkasabi ng Agila.

“Ho!”

“Magpasa-hanggang ngayon ay dala-dala ko pa rin sa aking dibdib ang malaking pagsisisi, at panghihinayang na binabalot ng ~pighati.”

“Bakit Po?”

“Nuong nabubuhay pa siya hindi ko nagawang bigyan siya ng kaukulang pansin at lubusang pagpapahalaga. Nilamon ng ~pagmamalaki ang aking buong sarili. Hindi ko tinatanggap na bukas sa aking isip at puso ang mga ginagawa at sinasabi niya sa akin. Ang init ng kanyang wagas na pagmamahal na hindi ko binalik bagkus ay aking iniwasan. Ayokong ~kilalanin at paniwalaan na mayroon akong nagagawang mga maling hakbang sa aking buhay. Mga pangaral niya na ngayon ko lang naiintindahan, ngayong wala na siya, kung iyong titingnan ano pa ang silbi nito. Sana ay nakikita niya ngayon ang aking ginawang ~pagbabago sa sarili. Gaya ng sinabi ko, kina-kailangan pang mayroong mawala na pinakamamahal mo bago ito lubusang maintindihan. Ganun yata talaga tayong mga kinatha ng ~Maykapal, hindi natin binibigyan ng pagpapahalaga ang sinumang nagmamahal ng tapat sa atin, o ang mga bagay na sa atin ay inalay at patuloy na ~kinaliligtaan tingnan at pahalagahan sa ~kasalukuyan. Huwag na sana nating hintayin pa at umabot ito sa malungkot na ~sukdulan. Kaya ngayon aking binibigyang halaga kahit ang mga maliliit na bagay upang ito’y pahalagahan at pag-ingatan at higit sa lahat ay mahalin, ayokong maulit at mahuli ang lahat para pagsisihan ito ng tuluyan sa dulo. Akin ng tinatatak ang pagkakaroon ng ~kamalayan para mabatid ang aking mga kilos, upang ~maiwasan na makasakit sa aking mga salita at gawa. Kung mabibigyan lang ako ng pagkakataon ng ating Maylikha na maibalik ang nakaraan, sa pagkakataon iyon, inaalay at tutuparin ko ang lahat para sa aking pinaka-mamahal, subalit isang beses lang ito dadaloy at dadaan ang panahon, na hindi maaaring ibalik kapag ikaw ay nagkamali.”

“Paano niyo po naipag-patuloy ang paglipad?” tanong ni Pipito.

“Siya ang natatanging dahilan, kaya hindi ko kinaliligtaan na ipagpatuloy ang aking buhay. Alam kong hindi rin matutuwa ang nagmamahal sa akin, kung ~ilulugmok ang buhay at unti-unti ko itong papatayin dahil lang sa isang kabiguan. Hindi ko tiniklop ang aking mga pakpak para magtago at hintayin na lang ang aking kamatayan, bagkus pinilit kong lumipad ng mas matayog sa malawak na kalangitan. Kaya hindi rin magiging masaya ang kaibigan mo kung itutuloy mong ihinto ang iyong buhay.”

“Nahihirapan po ako! Parang hindi ko magagawa yon? Ngayon pa lang ay nararamdaman ko na ang ~pangungulila ko sa kanya.”

“Pipito alam kong malalim ang sugat na ~naidulot sa’yo nito, alam ko ring matagal na panahon ang bibilangin upang ito’y tuluyang maghilom. Kailangan mo ngayon ng lakas at magpakatatag sa iyong sarili, dahil simula pa lang ito ng iba pang pagdaraanan na daluyong. Ngayon ako’y pauwi na at ikaw naman ay parating pa lang. Maraming pagsubok ka pang haharapin at hindi dapat itong takasan. Huwag kang ~magpapadaig sa takot na nararamdaman mo sa iyong sarili. Isipin mong bahagi ito ng isang ~pakikibaka natin sa buhay. Kailangan bigyan mo ng puwang at pagkakataon ang iyong sarili para magmahal at para mahalin. Hindi hawak ng sinuman ang panahon, naniniwala akong hindi pa nakasulat ang ating ~kapalaran sa ~hinaharap, tayo ang gagawa nito, tayo ang pipili ng daan ng magiging buhay natin. Huwag mo kaagad pangunahan sa iyong isip at puso ang mangyayari sa kinabukasan, wala tayong karapatan ~husgahan agad ang pangyayaring hindi pa naman nagaganap. Kailangan mong magtiwala, lumaban at lumaya sa takot na nagtatali sa’yo.” paliwanag ng Agila.

“Opo Ginoong Agila, naiintindihan ko po ang mga sinasabi niyo sa akin. Susubukan kong buksan ulit ang aking puso at kaisipan. Lalabanan ang aking pakiramdam na pumipigil na ipagpatuloy ang buhay. Laging babaunin ang aking mga natutunan sa masakit na nakaraan. Pag-uukulan ko ng panahon ang mga iba pang tapat na nagmamahal sa akin upang sila ay tuluyan ko ng mahalin. Haharapin ko ang kasalukuyan at ang darating na hinaharap, na nakabuka ang dalawang pakpak sa aking paglipad. Yayakapin at bibigyan ng pagkakataon ang sumasalubong at bumabati sa aking pag-asa.”
“Yan ang tama at matuwid. Yan rin ang ~makatarungan na dapat maganap para sa iyong sarili.” sabi ng Agila.
“Mananatili pong buhay ang kaibigan kong si Joel, hindi sa kanyang pisikal na katawan, kundi sa alaala na laging ~aalalahanin. Isisilid ko po siya sa aking puso na laging dadalhin at lubos na pag-iingatan. Magiging lakas at ~sandigan para ~akayin ako sa ~tatahaking kong bagong ~landas.”

“Halika na Pipito, tayo ng umuwi sa inyo.”

“Opo.”

Lumipad na ng tuluyan ang dalawa na pauwi sa bahay nila Pipito, sa direksiyon na kanilang nililiparan ay dahan-dahan namang lumulubog ang nagpapaalam na araw. Kasabay sa kanilang paglipad ay dala-dala nila ang pag-asang bukas ng umaga ay sisikat ulit ang hari ng liwanag, na maghahandog ng ~tanglaw upang harapin nila ang kanilang mga buhay, na mayroong pagtanggap sa nakaraan, paghihilom sa kasalukuyan at pagsisimula para sa kinabukasan.

* * * * *

Para sa mga nakabasa,
Ang inyong nabasa ay hindi lahat sa akin nanggaling o nagmula, kundi bahagi ang lahat-lahat ng nakita, napanood, nabasa, narinig, nakasama, nakausap, nakasalimuha, nakatuwang, nadarama, napamahal at minahal. Hindi rin layunin ng kuwentong ito na kayo ay dapat sumang-ayon, o himukin na tama lahat ang mga sinulat ko, subalit ang tanging hiling ko lang ay, bigyan sana ng panandaliang pansin, na bukas ang mga pag-iisip at puso. Umpisahang tingnan, suriin at subukang magnilay. Pagkatapos nuon kayo na ang maghusga, kung ang lahat ng ito’y makabuluhan ba? o isa lamang lupon ng mga salita na walang halaga.

Oktubre 18, 1999
Araw ng lunes
12:22 ng madaling araw

**************************************************

Meron po akong maliit na kahilingan sa inyo matapos basahin ito, maari po ba niyong ibahagi ang aking blog site, baka sa inyong pagbabahagi ay matulungan ang mga bata at matatandang me karamdaman sa aking homepage

HOMEPAGE

http://kamalayangkalayaan.wordpress.com/

Salamat Po!

A little help can make a difference – Kamalayang Kalayaan

12 responses to “Ang Mga Ibon Ni Pedro

  1. HOY!!!!! ANG PANGIT NYAN..!!!! LAHAT NG BABASA AY TATAMARIN!!!!! GAYA NIYO!!!!!! WALANG KWENTA!!!!!!!!!

  2. SI SERO AT SERA

    ako’y may kilala si sero at si sera
    dakilang pintasero at pintasera
    laging namumuna sa mali ng iba
    di tinitingnan sariling pagkukulang

    ako’y namamangha kay sero at sera
    walang lumalabas kundi mga pintas
    parating tama paggawa nila
    kapag pinuna napipikon sila

    KORO
    si sero at si sera pintasero’t pintasera
    si sero at si sera hipokrito hipokrita
    si sero at si sera pintasero’t pintasera
    si sero at si sera hipokrito hipokrita
    si sero at si sera pintasero’t pintasera

    Nagkalat kung saan ang ganitong katauhan
    sa ating lipunan pati sa tahanan
    kailan mawawala masamang kaugalian
    kailan malalaman salitang paggalang

    KORO
    si sero at si sera pintasero’t pintasera
    si sero at si sera hipokrito hipokrita
    si sero at si sera pintasero’t pintasera
    si sero at si sera hipokrito hipokrita
    si sero at si sera pintasero’t pintasera

    Kamalayang Kalayaan
    oktubre 3, 2001
    10:15 ng gabi

  3. Ang ganda my natutunan ako.na dpt lgin bukas ang puso at isipan natin sa lht ng bagay dto sa mndo gngalwan ntin. Ang galing mo…

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s