Tulad Ng Dati Sa Underpass

TULAD NG DATI, SA UNDERPASS
Ni Amor Datingguinoo

Boring ang buhay ni Sabel, kundi lang sa panic at hiya na nararamdaman niya pag tinatagusan siya sa puting-puting school uniform niya paminsan-minsan, wala siyang gaanong excitement sa buhay niya. Kaya nga nitong pagsakay niya sa dyip, naghahanap pa rin siya ng excitement.

“Mama, bayad o Quiapo lang.”
Saan naman kaya siya pupunta ngayon? A, oo. Sa Quiapo Church. Magpapalipas-oras muna siya doon, tutal ay wala pa namang alas kuwatro, hindi pa nagdidilim. Oo tama, mga alas dos ng madaling araw ang uwi niya sa boarding house (pinaghirapan niyang hanapin ang isang yon na walang curfew, bah), mag-aaral nang isa o dalawang oras, matutulog nang mga limang oras tapos ay maghahanda para sa klase niya ng alas nuwebe kinabukasan. Ayos.

In the meantime, e, uupo siya sa simbahan at magmamasid masid ng mga tao.
Napansin ni Sabel na ‘yong braso ng mamang katabi niya sa kaliwa, e, nakadikit sa bewang niya. At hindi lang basta nakadikit, na-nakadiin pa, kamo. O, o Kunwari pa raw, e dahil sa pagbrake ng dyip kaya napakiskis ang braso niya. Inirapan ni Sabel ang lalaki. At napansin din niyang guwapo ang lalaking ito. Aba! naisip ni Sabel na hindi na masamang matsansingan.

Ngingiti-ngiti si Sabel sa sarili. Ang hirap naman kasi sa mga lalaking ito, naisip niya, ang akala nila sila lang ang nakikinabang sa tsansingan. Hindi ba alam ng mga gagong ito na mas masarap ang kiliti sa pakiramdam ng mga babae?

Muling nilingon ni sabel si pogi, at nginitian nang malanding ngiti.
Maya-maya pa’y tanaw na yong malaking karatula ng Mercury Drug. Nag-ibisan na ang karamihan sa mga pasahero, kabilang na si Sabel. Ay, hindi bumaba si pogi.
Naisip tuloy ulit ni Sabel na boring ang buhay niya. Pati pakikipaglandian niya’y nauudlot.
Gumanda ang simbahan. Ilang linggo lamang ang nakararaan ay marami pang scaffolding ang nakakapit-tuko sa tagliran nitot ang kalahati’y semento hindi pa napapinturahan, pero ngayo’y ang ganda-ganda na. Mukhang bagong hilamos. Ano kayang hitsura sa loob, naiisip ni Sabel. May nagbago rin kaya?

Mabagal ang lakad ni Sabel, sinasadya niya. Unang-una’y baka nagbago ng isip si pogi at naisipan siyang sundan. Ikalawa’y masarap manood dito sa labas. Binaybay niya ang gilid ng simbahang tadtad ng mga mumunting stall ng iba’t ibang uri ng gamot. May kung ano-anong dahon at ugat-ugat na pampurga, pampatigas ng dumi, pamparegla (na ewan niya kung totoo pero abortifacient daw), pampaalis ng anghit. Gustong-gustong pagmasdan ni Sabel ang mga botelyang tila mula sa laboratoryo ng kung sinong sira ang tuktok na siyentipikong nagkukulong sa isang madilim na kuweba. Umeepekto kaya ito? Sabagay, kung hindi’y hindi naman siguro magtatagal nang ganito ang tinderang ito. Mananawa ang mga parukyano sa mga ipinangangalandakang lunas na hindi naman pala talaga nakagagamot.

Pumasok sa loob ng simbahan si Sabel, doon sa loob ng tirahan na ipinangangalandakang lunas lahat ng kailangan lunasan na hanggang ngayon din, ewan niya kung bakit, ay hindi pa nauubusan ng parukyano. Maganda rin ang loob , mas malinis rin gayong hindi naman talaga big-time renovation ang ginawa.

Tiningnan ni Sabel ang relo niya. Alas kuwatro kinse na pala. Natrapik siya. Mayroon pang mahigit dalawang oras si Sabel bago dumilim. Natuwa si Sabel sapagkat mahaba pa ang oras niya para manood ng mga tao.

Naupo si Sabel sa bandang gitna ng simbahan, doon sa may pinaghihiwalayan ng hanay ng mga silyon na siyang pinangungumunyunan ng mga tao.
Hindi araw ng nobena noon kaya hindi gaanong puno ang simbahan. Ang nakatabi ni Sabel ay isang mag-anak. Ang gaganda ng dalawang anak na batang babae, ang dadaldal. Hindi magkandaugaga ang nanay sa pagpapatahimik sa kanyang mga anak. Dangkasi’y naghihiyawan ang dalawang pilya dahil natutuwa sa naririnig nilang pag-e-echo ng boses nila sa simbahan. “Sino ka-ka-ka?”

Aliw na aliw si Sabel. Ha-ha-ha. Ang mga bata nga naman, oo, kung ano-anong nadidiskubre, naisip ni Sabel. Naalala niya ang kanyang maliliit na kapatid na si Noel, ginagawa rin nito iyon sa loob ng banyo nila.

Tingnan mo nga naman itong matandang ito. Akalain mong sutsutan ang mga bata? Wala sigurong mga bata sa bahay nila, kaya ganito. Tsk-tsk. Kawawa rin kung iisipin mo. Sinulyapan ni Sabel ang matanda, pero yaong sulyap na may ngiting maliit, hindi yaong may irap na tulad ng gusto niya sanang gawin.

Patuloy pa ring nagsisigawan ang mga bata.

Naisip ni Sabel na ano kay kung siya naman ang sumigaw. Kung sisigaw siya’y ano naman ang sasabihin niya? Siguro ganito: “Hoy, mga ulol! Walang printing press ng pera sa langit kaya tama na ‘yang kahihingi nyo!” Pero siyempre, hanggang imagination lang iyon magagawa ni Sabel. Napahagikgik siya. Sumutsot na naman ang matanda. Ngumiti na naman ng ngiting maliit si Sabel.

“Pasensiya na ho kayo, ale. Talaga ho kasing mabigat ang problema ko, e. Kaya dinadaan ko na lang sa tawa.”
Mukha namang naniwala ang matanda, medyo lumambot ang mukha. Naalala tuloy ni Sabel ang nanay niya. Kumusta na kaya ito?

Nang iiwan niya sa Alitagtag ang nanay niya’y nagtatanim ito ng kape sa looban ng tiyuhin niya. Tandang-tanda pa niya ang hitsura nito. Nakabandana sa ulo, nakasayang gawa sa sako ng arina, at naka-kamisetang pambabae sa labas ng kanyang bulaklaking blusa. Nakangiti sa kanya, nagpipigil ng iyak, at kitang kita niya ang namulang ngiping pinapagkagayon ng paninigarilyo ng Alhambra ang dulong may sindi ang nakasubo. Ang ganda-ganda ng nanay niya…..

Ops-ops, Sabel, tama na. Nagiging sentimental ka na. Oo nga naman.
Pero talagang, kumusta na kaya ang nanay niya?

Alas-singko medya. Maliwanag pa, kaya nga heto’t malinaw na malinaw ang kapangitan ng Quiapo. Ang usok, ang basura, ang mga pulubi, ang sala-salabat ng mga malalaswang dyipni, ang lahat ng ito’y nagsasalimbayan sa kanyang paningin. Sawang-sawa na si Sabel sa hitsura ng Quiapo.

Pag-dilim lamang nag-iiba ang Quiapo. Pag madilim at natatago ang kapangitan nito. Hindi mo kasi mapapansin ang smog pag madilim, hindi mo makikita ang mga pulubing naglupasay kabikabila (maaapakan mo pa nga ang mga ito’t maoobliga kang mag-abuloy pag hindi ka nag-iingat), hindi mo makikita ang kalaswaan sa mga dyip. Ang makikita mo lamang ay mga ilaw.

Saan naman kaya siya magpapalipas-oras ngayon? Nagsawa na siya sa kauupo sa simbahan at sa kapapanood ng mga taong nakaluhod at naglalakad ng paluhod. Isa pa’y naaalala niya ang nanay niya doon.

Kundangan naman kasing papagabing lalo ang pag-lubog ng araw nitong huling araw. Dahil ba ito sa magpapasko na? Ewan niya. Siguro ganon’ na nga E, Kung maghanap na lang kaya siya ng pogi? Sus, isip ni Sabel, e di nabitin ka na namam? Kita mo nang may pupuntahan ka pa e, Oo nga naman. At saka iyan namang pogi, e kusang lumalapit kung talagang andiyan.

Tiningnan ni Sabel ang laman ng bag niya. Plastik ng pinggan kubyertos, isang maliit na thermos. Sabon at tuwalya, baka sakali lang naman. Okay na ang mga dala niya. Tamang-tama.
Naisip ni Sabel na bumili na ng pagkain para mamaya. Pagkabiling-pagkabili niya’y madilim na siguro.

Mabagal ang lakad ni Sabel, sinadya ulit niya. Sinusubukan niya kasing patunugin nang klok-klok-klok ang takong ng sapatos niya at gusto niyang subukan kung maririnig niya ito above the dim. klok-klok. A oo nga naririnig nga.

Tinawid ni Sabel ang Plaza Miranda, patungo doon sa mga talipapa sa may sakayan ng LRT. May mga nagtitinda rin kasi doon ng mga panghapunan: mayroon ding iba’t ibang kakanin, siopao, mami, balut. Nagpabalot siya ng dalawang pinggang kanin at isang tagayang gulay at isang order ng piniritong bangus. Humingi siya ng tubig sa baso at isinalin iyon sa baon niyang thermos. Nang mapadaan siya sa nagtitinda ng sinturis ay bumili siya one fourth. Baka sakali rin.

Napadaan siya sa nagtitinda ng mga damit. May mga puting kamisetang bargain doon, bumili siya ng isa. Baka sakali rin. Siguro naman, naisip ni Sabel, pupuwede na sa landlady niya na kulang muna ng beynte-syete pesos ang upa niya. Mabait naman si Aling Pilar, parang ang nanay niya – .

Ops, hayan ka na naman, Sabel.

Pagkabili ng kamiseta’y sumulong nang papasimbahan si Sabel. Madilim-dilim na. Nagkukulay-kahel na ang kalawakang nakabalong sa ibabaw ng simbahan. Maya-maya pa’y iitim na ito nang tuluyan at gaganda ang Quiapo. Bahagyang binilisan ni Sabel ang paghakbang, hangad na mairaos na kung maaari ang ganitong routine na kanya nang kinababagutan. Klok-klok-klok. Lintik, naisip ni Sabel, pati tunog ng sapatos niya’y nakakasawa.

Bumaba siya sa may underpass.

Natatandaan niyang sabi ng nanay niya’y pareho daw sila ng ugali ng tatay niya, lalong-lalo na nga yaong ugali ng pagkamainipin.

Kaya nga ang tatay niya, makaraang ipinanganak ang bunso niyang kapatid may walong taon na ang nakalilipas, ay nagpa-Mayila sapagkat ika nito’y napakabagal ng asenso nila sa pagbubukid at pagba-buy and sell ng mga damit. Hindi na muling nakita sa alitagtag ang tatay niya.

Klok-klok-klok, sabi ng sapatos ni Sabel. Natamang tinitigan ni Sabel ang lumpong nakahandusay sa harapan niya sa may puno ng hagdan. Nakangiti ito sa kanya, pagkuwa’y kumindat at kumisay-kisay. Ngiti, naisip ni Sabel, ano ba ‘to? Dalawang taon na halos niyang ginagawa itong pagpunta sa underpass tuwing Sabado, pero ngayon lang siya nakakita pulubing gano’n ang inasal. Binilisan niya ang paglakad, paiwas sa kinahihigan ng lumpo.

Minsan pang napadaan si Sabel sa tindahan ng mga komiks na bastos. Halos kabuuan ng sahig ng underpass ang kinalalatagan ng mga babasahing ito, na parang nais nang ipaangkin sa kabastusan ang buong mundo. Ano kaya kung ito na lang ang gawin niyang topic sa term paper niya? Naku, sa isang linggo na nga pala ang submission noon, e wala pa siyang naumpisahan. Puro alibi pa lamang ang ipinapasa niya sa propesor niya. Dangkasi’y napasabay sa dalawa pang term papers sa iba pang subjects. Ihinuli na ito ni Sabel (para sa Socio 131) dahil pinakamaganda ang papel niya sa propesor niya dito, kaya mas madali nang pakiusapan.

Oo, tama nga, ito na lamang ang isusulat ko, naisip ni Sabel. Kung ano ang epekto ng mga ganitong babasahin sa lipunan. Medyo predictable, pero kung samahan niya kaya ng epekto sa mga bata, lalo na dito sa mga batang anak ng mga tindero’t tindera dito sa underpass? Itong mga ito’y lumalaki nang napalilibutan ng ganitong mga kalaswaan. Naisip ni sabel na noong siya’y ganitong edad, ang tanging kabastusang pumasok sa kukote niya ang kurutin sa bayag si Empoy na kalaro niya (na ginawa nga niya).

Mag-aalas siyete na. Tinungo ni Sabel ang isang tindahang matagal nang hindi binubuksan, at wala nang may-ari, doon sa iskinita sa underpass na hindi dinadaanang gaano ng mga tao dahil puro nalugi na ang mga tindahan doo’t matagal nang nagsipagsara. Kundi ba naman kasi tanga ang naglagay sa lugar na iyon ng isa pang pasilyo, e hind naman talaga daanan ng mga tao iyon dahil malayo sa mga hagdan. Iniurong ni Sabel ang isa sa mga tablang pansara ng stall. Sumilip sa loob.

Wala pa siya, a. Nalibang siguro nang husto sa paglalakad-lakad. Dati kasi’y pag madilim na’t ganitong oras ay narito na ‘yon.

Linaktaw ni Sabel ang patungan ng mga tabla. Madilim sa loob, walang tanglaw kundi ang isang hiwang liwanag na nakapuslit sa guwang na nilikha ng tablang inalis ni Sabel. Naanigan niya ang mga eskaparateng wala nang laman, matagal na, at ang inaagiw na mga sulok ng espasyong iyon. Naisip na naman ni Sabel ang dati niyang naiisip tuwing nagpupunta siya rito, na marahil ay mga damit ang itinitinda dito noon. Tiyak na matutuwa ang nanay niya kung magkakaron sila ng ganitong stall, kasi ang mga benta nila’y nakasabit lamang sa kurtinahan nila sa sala at sa garahe sa harapan ng bahay nila.

Kumusta na kaya sila sa Alitagtag? Magmula nang lumuwas siya para magkolehiyo mag-aapat na taon na ang nakakalipas ay hindi na siya nakauwi. O talagang sinadya niyang huwag umuwi. Naipangako niya kasi sa sariling pagbalik niya’y maipagmamalaki siya ng husto ng nanay niya, hindi tulad ng tatay niyang hindi nagbalik, ni hindi pa sumusulat. O hindi nakasulat. Bihirang sumulat si Sabel.

Bihira ring sumulat ang nanay niya. Nahihirapan kasing magsulat ang nanay niya, na hindi naman nakatuntong sa hayskul at ayaw namang makisuyo sa mga kahanggang mas mahusay sumulat. Nitong huling balita niya’y ga-graduate raw sa elementarya si Ana, ang kapatid niya, sa darating na tapusan. Siyempre pa’y dumadaing sa gastusin ang nanay niya. Hindi raw sapat ang kita niya sa pagkakape at pagba-buy and sel, kahit pa nagpapadala rin si Sabel. Ang hanapbuhay naman ng mga kapatid niyang sumunod sa kanya’y paminsan-minsan lamang, sapagka’t ano nga ba naman ang matatrabaho ng mga ni hindi nagtapos ng hayskul? Itong si Ana ang inaasahan nilang makapagkolehiyo rin katulad ni Sabel. Ang bukid naman nila’y matagal nang naibenta, nang may dalawang taon nang nawawala ang tatay niya.

Naisip ni Sabel na dagdagan ang pagtitipid at nang madagdagan ang padala niya sa probinsiya.
May humarang sa liwanag. Si Aling Loleng, ang nakatira sa katapat na stall.
“O, ineng wala pa ba siya?”
“Wala pa ho, e. Pero parating na ho siguro iyon,” ang sagot ni Sabel.
Oo nga hintay-hintayin mo na lang. Kanina’y dumaan dito sa superintendeng, a. buti’t hindi mo nabuta’t baka nakurot ka na naman sa puwit ng bastos na mamang iyon.”
“Ha-ha. Mabuti nga ho. Baka kung sakali pala’y nabuntal ko na naman siya. Magkano naman ho ang hiningi ngayon?”
“Aba’y sais! Ang sabi’y tumataas daw lahat ngayon, kaya pati raw upa nati’y tataas rin. Pati pulubi’y hindi na pinatawad,” pagsusumbong ni Aleng Loleng.
“Hayaan n’yo ho, may araw din ang mga ‘yan.”
“Sana nga, ineng. O, sige ha, ako’y parine na. Darating na ‘yon.”

Naalis na ang harang sa liwanag. Inilabas ni Sabel ang pagkain, at inilagay doon sa isang sulok. Tulad ng dati na niyang ginagawa’y nagpispis ng isang puwesto sa sahig, nilatagan ito ng isang pilas ng notebook niya, pagkatapos ay doon umupo nang pasalampak, sa tabi ng pagkain.

Napatitig si Sabel sa isang bote ng beer sa kabilang sulok. Mukha namang basyo, pero pa no napunta ito rito? Nung isang linggo’y wala pa ang boteng iyon. Wag naman sanang natuto nang uminom ang hinihintay niya.

Nakakainip.

Mag-aalas siyete medya na wala pa rin. Nakain na niya’t lahat ang dalawa sa apat na sinturis na dala niya’y hindi pa dumarating. Naisip niyang umalis na kung sasapit ang alas otso’t wala pa rin.
Umuusog na si Sabel sa mas maliwanag para makapagbasa-basa ng kanyang mga aralin kinabukasan, nang makarinig siya ng papalapit na mga kalansing.
Sa wakas, nandyan na, naisip ni Sabel.

May humarang sa liwanag. Isang lalaking marusing na marusing ang kasuotan, magulong-magulo ang nagpuputik na buhok, at maraming sari-saring kaldero’t latang nakasabit sa katawan. Sanay na si Sabel sa amoy.

Nakangiti sa kanya ang lalaki, para bagang humihingi ng paumanhin dahil sa ngayon lamang ito dumating. Pero alam niyang hindi ito humihingi ng paumanhin, ni hindi nga nito alam na siya, si Sabel, ay pumupunta dito tuwing Sabado, walang palya sa loob ng kulang-kulang ay dalawa nang taon, at dinadalhan siya ng pagkain at bihisan (na tinatanggihan naman nito).

Tumayo si Sabel, hinawakan sa kamay ang lalaki, at iniupo. Gusto niyang subuan sa pagkain, pero tulad ng dati’y mas gusto nito ang siyang mag-isa magsubo sa sarili. Tulad rin ng dati, hindi nito gagamitin ang kubyertos na walang-sawang dinadala ni Sabel.

Pinapanood ni Sabel sa pagkain ang lalaki.
“Saan ho kayo nanggaling? Kanina pa ho ako dito,” ang magalang na usisa ni Sabel, gayong alam niyang tulad ng dati’y hindi sasagot ang lalaki.

Hindi alam ni Sabel kung bakit nagtitiyaga siya sa pagpunta dito. Wala namang pagbabago. Mukhang hindi na babalikan ng katinuan ang lalaki. Ayaw namang sumama sa kanya; tuwing aakayin niya’y saka parang nakakaintinding gusto siyang ilayo ni Sabel sa lugar na itong siya na niyang naging tahanan sa loob ng maraming taon. Ni ayaw maligo, kahit anong pilit ang gawin niya.

Tulad ng dati’y magkukuwento si Sabel sa lalaking hindi nakakaintindi.

Ikukuwento niyang ga-graduate na si Ana sa Marso’t baka paluwasin niya’t dito na paghayskulin, at ipinagbili na ng inay niya ang lupang sakahan nila, matagal na ikukuwento niyang second year college na siya, nagme-major sa management, at mga tatlong taon na lamang siguro’y makakatapos na siya’t makapaghahanap ng trabaho, at makauwi sa Alitagtag nang maipagmamalaki ng ina niya. Ikukuwento niya ang mga poging nakaulayaw sa kung saan-saang madilim na lugar, at ang term paper niyang isa-submit na dapat sa isang linggo ngunit hindi pa niya nauumpisahan. Ikukuwento niya kung paano niya nakatagpo sa simbahan ang dalawang cute na bata at ang matandang masungit na sumutsot sa kanila. Ikukwento niya kung paano siya naglilibot ng Quiapo at sumasakay sa dyip para hindi mabagot sa paghihintay sa dilim (pang umaga kasi ang klase niya), at ang mga naikuwento sa kanya ni Aling Loleng tungkol sa alam nito sa mga nangyari sa lalaki sa mga taong hindi pa niya ito
natatagpuan.

Aasa si Sabel na sasagot ang lalaki, ngunit tulad ng dati’y ngingitingiti lang ito, minsan-minsa’y susulyap sa kanya, ngunit mas mahabang oras ay titingin-tingin lamang sa kawalan at kakanta-kanta ng mga awiting walang kawawaan. Hindi ito magpapaliwanag, ni hindi magkukuwento, tungkol sa naging buhay nito magmula nang ito’y umalis sa Alitagtag may walong taon na ang nakakalipas, pagkaraang maipanganak ang bunso niyang kapatid.

“Itay, gusto n’yo ho ng sinturis?”
Tulad ng dati’y hindi sasagot ang lalaki. Nakakainip ‘to a, naisip na naman ni Sabel.

WAKAS

**************************************************

Meron po akong maliit na kahilingan sa inyo matapos basahin ito, maari po ba niyong ibahagi ang aking blog site, baka sa inyong pagbabahagi ay matulungan ang mga bata at matatandang me karamdaman sa aking homepage

HOMEPAGE

http://kamalayangkalayaan.wordpress.com/

Salamat Po!

A little help can make a differnce – Kamalayang Kalayaan

10 responses to “Tulad Ng Dati Sa Underpass

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s